CHAPTER 22: Terrible Night

79 19 0
                                    

WARLOCK'S POV

Tahimik lang ang buong paligid. Napatingin ako sa wall clock, at nakitang alas-onse na ng gabi pero heto parin ako't hindi makatulog.

"Gusto mo ba talaga siya?"

Napatingin ako kay Tielo na nakahiga sa tabi ko, habang si Manong Bulldog naman ang nasa kama. Nagtalo kasi kami kung sino ang mahihiga sa kama at sa huli ay si Manong Bulldog ang nasunod kaya ayan, siya ang nasa kama habang kami ang nasa sahig.

Nagmulat ang mata ni Tielo at napatingin sa akin.

"Si Sieena?" tanong ko na tinanguan niya. "Syempre naman. Alam mong hindi ako nanghahalik at nanyayakap ng babae ng walang dahilan."

"E pa'no naman si Erin?" bigla nitong tanong na ikinataas ng kilay ko.

"Ano naman ngayon si Erin? Hindi ba't nagkakamabutihan kayo? Ayos 'yun para naman bumalik na sa pagiging kumportable ang pakikitungo ko sa'yo," lintana ko na inilingan niya at hinarap ako.

"Hindi mo ba siya gusto?"

"Aish, lumayo ka nga sa akin. Alam mo ba na hindi na kita madalas lapitan dahil natatakot akong bigla mo akong halikan, matapos kong marinig ang pag-amin mo," saad ko at itinulak siya palayo sa akin dahil sa lapit ng aming katawan.

"Sagutin mo ako," maawtoridad niyang sambit kaya nahinto ako.

Umusog ako upang lumayo sa kaniya at tinignan ang kisame. "Noon, oo. Pero alam mo ba na mahirap siyang suyuin? Hanggang ngayon ay naiirita parin ako sa pagmumukha niya. Isipin mo ha, umuwi ako at nadatnan siyang lasing na lasing. Buong magdamag ko siyang inalagaan, pero inakusahan niya akong may ginawa ako sa kaniya. Tapos nakalimutan ko lang na lalabas kami ay sumama na siya Sayo. Aish, grabe. Kumukulo talaga ang dugo ko," mahaba kong pagkukwento.

"Edi pag-usapan niyo 'yan."

Natigilan ako at tinignan si Tielo sabay kinunotan siya ng noo. "At bakit ko naman gagawin 'yun? Maayos naman ang relasyon ko kay Sieena kaya bakit pa ako mag-aabala?"

Sumeryoso ang mukha nito habang nakatingin sa akin.

"Gawin mo ang sinasabi ko."

Muli akong umusog sa sobrang takot sa mukha nito. Grabe, heto na naman ang palautos na Tielo.

"Bakit ko nga gagawin 'yun?" muli kong tanong sa kaniya.

Suminghap ito at ginulo ang kaniyang buhok. "Para madali lang sa akin na makuha si Sieena!" pabulyaw nitong sagot na ikinatigil ko.

"Ha?"

"Ewan ko sa'yo, gago!" inis nitong turan at tinalikuran na ako, sabay nagtalukbong ng kumot.

Kumurap-kurap ako sa sinabi nito at pinroseso sa isipan ko. Anong ibig niyang sabihin roon? Hindi kaya gusto niya rin si Sieena? Pero paano? Bakit? Kailan?

Masyado akong naguguluhan kaya naman lumabas ako ng kwarto at nagtungo sa banyo. Sinalo ng palad ko ang tubig at binasa ang aking mukha. Ilang beses ko iyong ginawa, hanggang sa patayin ko na ang gripo at napatingin sa repleksyon ko sa salamin. Napakakomplikado ng lahat. Napakaraming pasikot-sikot, parang gusto ko tuloy dumaan sa short cut. Hindi ko talaga maintindihan ang sitwasyon naming apat ngayon, sobrang gulo.

Lumabas ako ng banyo habang pinupunasan ang basa kong mukha, hanggang sa mapansin ko na nakauwang ng kaunti ang pinto. Naglakad ako palapit rito at itinulak iyon, pero naramdaman kong may kung ano roon, kaya naman binuksan ko ang pinto at nakita si Erin na nakasubsob sa lupa.

"Anong ginagawa mo diyan?" untag ko rito kaya naman tumayo siya at masama akong tinignan, pero agad iyong napawi nang makita ako.

"Ano namang pakialam mo?" pagtataray nito at pinunasan ang nadumihan niyang katawan.

WarlockTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon