WARLOCK'S POV
"Itigil na natin ito."
Nanlaki ang mata ko sa sinabi ni Sieena at hinarap ito. "Anong sabi mo?!"
"Ang sabi ko ay itigil na natin ito. Umamin na sa akin si Tielo at sinabing gusto niya na ako. Sapat na sa akin iyon," hayag niya na sininghapan ko.
"Ganu'n nalang iyon? Matapos kong..." Nahampas ko ang aking noo at tinalikuran siya pero agaran ko rin siyang hinarap. "Matapos kong sagot-sagutin si Erin kanina! Alam kong ipinagpatuloy lang naman natin ito dahil sa kanilang dalawa pero...argh! Hindi tama ito." Hindi ako mapakaling naglakad-lakad sa harapan niya.
"Hindi ko na kasalanan iyon."
"Pero Sieena!" inis kong sigaw sa kaniya. Marami akong gustong sabihin sa kaniya, pero hindi ko magawang iuwang ang bibig ko kaya naman yumuko nalang ako.
Haharangan ko ba silang dalawa? Dapat ko bang ipagpatuloy ang relasyong ito para sa sarili ko? O hahayaan ko nalang silang dalawa? Dapat ko na siyang bitawan para naman matigil na ang pakagusto sa akin ni Tielo at dahil kaibigan ko naman siya? Pero pa'no naman ako?
Ako?
Sino ba ako? Sino ba ako para humarang sa kanila? Anong karapatan kong ilayo sila sa isa't isa? Simula't sapul ay si Tielo naman talaga ang gusto niya, dahil ang totoo ay ako lang ang panakip-butas dito.
"Okay," tugon ko at tinignan si Sieena sabay huminga ng malalim. "Ginamit lang natin ang relasyong ito para pagselosin silang dalawa at para matauhan sila, diba? Okay. Natauhan na 'yung isa."
"Warlock."
Agad akong naglakad paalis dahil hindi ko na matagalan ang bigat ng pakiramdam ko. Bumalik ako sa kwarto ko at nahiga sa ibabaw ng aking kama. Nakatingin lang ako sa kisame hanggang sa itakip ko ang aking braso sa aking mata.
Lahat ng kalokohan ko, ginagantihan na ako, sa makatuwid, kinakarma na ako.
"Hindi ba maayos ang kinalabasan ng pag-uusap niyo?"
Nanatili lang ako sa posisyon ko habang naupo naman ang Principal sa tabi ko. Tahimik lang ang paligid, hanggang sa mariin kong ikinuyom ang aking kamao at bumangon mula sa pagkakahiga ko. Ang bigat ng dibdib ko at nag-iinit ang gilid ng aking mga mata.
"Ilabas mo. Iiyak mo kung gusto mo. Mananatili ako dito at pakikinggan kita," anas ng principal sa malambing na boses kaya naman napatingin ako sa kaniya.
"Wala po akong karapatang umiyak, wala akong karapatang masaktan, at mas lalong wala akong karapatan para damayan mo," wika ko at huminga ng malalim. Ipinikit ko ang aking mata at ikinalma ang sarili ko. Pagmulat ng aking mata ay muli ko siyang tinignan at nginitian.
"Ayos na po ako."
Bumuntong-hininga naman ito at lumapit sa akin sabay niyakap ako. Tinapik nito ang likod ko kaya naman bumalik na naman ang nararamdaman ko kanina.
"Pwede po bang itigil mo 'yan? Naiiyak na ako."
"Sige lang, mas makakabuti kung iiyak ka."
Nagsimulang manginig ang labi ko at iniangat ang kamay ko. Mahigpit akong yumakap sa kaniya at isinubsob ang aking mukha sa balikat niya. Ramdam ko ang pagdaloy ng luha ko mula sa aking mata kaya mabilis na nabasa ang damit nito.
"I know you're hurting... but, you're not alone, okay?" anito kaya naman mas lalong humigpit ang pagkakayakap ko sa kaniya.
Lahat ng sakit ng loob na inipon ko mula pagkabata ko ay iniyak ko na. Mula sa panlalait, sa pagtrato sa akin na basura, mga masasakit na salita na hindi ko pinapansin pero naiipon sa loob ko, at mga kabiguan ko. Minsan lang may ganitong tao na pwede kong iyakan, kaya ngayon palang ay iiiyak ko na lahat. Nagpakawala na rin ako ng mahihinang paghikbi, at nahirapan na ako sa paghinga dahil sa sipon kong bumabara sa ilong, kaya lumayo ako sa kaniya at pinunasan ang basa kong mukha.
BINABASA MO ANG
Warlock
Action"It doesn't matter how you survive the war; the only matter here is how you choose the right time to die." Lockwood City, isang lungsod kung saan binubuo ng mga malulupit na mamamayan. Nagdi-deklara ng digmaan ang mga taong may matataas na ranggo pa...