⇜CHAPTER 25⇝

290 14 3
                                    

            “Aaahhh!” palahaw ni Ren. “Kenji! Kenji, tulungan mo ‘ko,” pagsusumamo nito habang nakataas ang kanang kamay na parang inaabot siya.

            Nagmamadali namang kumilos si Kenji. Agad niya itong binalikan at halos natatarantang binuhat ang hita ni Ren. Ngunit hindi iyon nahugot sa bakal. Ang tanging naidulot ng kaniyang ginawa ay matinding sakit sa kaibigan.

            “Aahhh!”

            “Ren! Ren, sorry,” lalong natatarantang hingi niya ng paumanhin. Hindi niya sinasadyang lalong dagdagan ang paghihirap nito. Ngunit dahil sa pangamba niyang maging biktima sila ng mga patay ay ni hindi niya naisip ang mag-ingat.

            Mabilis niyang pinag-aralan ang sitwasyon ng kaibigan. Nakahiga ito sa tumpok ng mga hollow blocks. Marahil ay may sugat din si Ren sa likod. Kungdi man ay naglalakihang mga pasa. Siguradong hindi siya nito matutulungang iangat ang sariling katawan para maiangat naman ng mas mataas ang hita nito upang makawala sa pagkakabihag ng bakal. At hindi niya makakayang buhating mag-isa si Ren. Hindi ngayong may sarili siyang injury. Kung lalala ang injury niya, mas lalo silang mapapahamak.

            Tinapunan niya ng pansin ang mga biters. Malapit na ang unang hilera ng mga iyon. At kapag inabutan sila ng isa, susunod na ang iba pa.

            Nagmamadaling lumuhod si Kenji sa tabi ng hita ni Ren. Inilapat niya ang pisngi sa putik at sinilip ang ilalim ng hita ng kaibigan. Napamura siya sa nakita.

            “Bakit, Kenji?” tanong ni Ren.

            “Nakakabit sa isang hollow block ang bakal na nakatusok sa hita mo. Kung aalalayan kitang tumayo ay palalalain ng bigat ng bato ang sugat mo. Baka maging dahilan iyon para maubusan ka ng dugo habang tumatakas tayo.”

            “A-ano’ng gagawin natin? Ayokong mamatay, Kenji.”

            Hindi siya nakasagot. Wala siyang nagawa kungdi makipag-usap dito sa mga mata, ngunit hindi niya tiyak kung ano’ng mensahe ang ipararating dito. Aaminin niya, wala siyang ideya kung paano tutulungan si Ren. Ngunit kailangan niyang subukan.

             “Ren, isa lang ang naiisip ko. Alam kong masama ang pagkakabagsak mo, pero hindi kita makakayang buhating mag-isa. Kailangan ko ang tulong mo,” desperado ngunit determinadong sabi niya.

            Napalunok si Ren bago sumagot.

            “Ano’ng gagawin ko?”

            “Bubuhatin ko ang bigat ng katawan mo mula bewang pababa. Pu-pwersahin kong itaas ang hita mo para mahugot ito sa bakal. Pero kailangang sabayan mo iyon ng pagtayo. Ikaw ang magdadala ng natitirang bigat ng iyong katawan para maiangat nang mas mataas ang buong katawan mo, kasama ang hita.”

            “Ibig mong sabihin…”

Among the Dead #Wattys2016Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon