Author's note: Wala pa rin akong mahanap na pwedeng gumanap na Ren. -__-
“Doon,” sabi ni Kenji saka itinuro sa mga kasama ang isang mababang “pader” na gawa sa hollow blocks. Napapalibutan iyon ng nagtataasang mga puno ngunit may ilang dipang espasyo sa paligid niyon na malinis. At ang mga punong nakapaligid malapit doon ay mas malalayo ang distansiya sa isa’t isa kumpara sa iba. Halatang ang orihinal na taas ng pader ay mas mataas kaysa sa nakikita nila ngayon dahil sa parang natibag na hitsura niyon sa pinakamataas na bahagi. Nangingibabaw ang berdeng kulay ng pader dahil sa lumot na bumabalot doon.
Nilapitan ni Kenji ang nasabing pader kasunod ang mga kasama. Saglit niya iyong pinagmasdan. Hindi niya alam kung ano at bakit iyon naroon sa gitna ng kagubatan. Ngunit hindi na iyon importante. Ang mahalaga, magagamit nila iyong panangalang sa lamig ng gabi.
Mula sa pader ay saglit na napunta ang paningin niya sa tanawin sa likod niyon. Halos hanggang bewang lang niya ang pader kaya madali niyang nasiyasat ang bahagi ng kakahuyan sa likod niyon. Tapos ay ang paligid naman ang mabilis niyang siniyasat ng mata.
“Ayos na dito. May cover tayo pero may sapat pa ring space para makipaglaban kung kinakailangan,” sabi niya sa mga kasama matapos suriin ang paligid. “Maghanda na muna kayo, Shizu. Maghahanap kami ni Ren ng mga tuyong kahoy na magagamit nating panggatong,” dagdag niya saka tinanguan si Ren na sumunod sa kaniya para maghanap ng panggatong.
********
Nakapaligid sila sa maliit na camp fire na pinaghirapang gawin ni Ren. Boy Scout daw ito simula elementary kaya nagmalaki itong magaling sa mga ganoong bagay. Hinayaan naman siya ni Kenji dahil aminado ang huli na walang alam sa pagsisimula ng apoy na walang gamit na modernong kagamitan gaya ng lighter o posporo. Pero inabot din si Ren ng dilim bago niya nagawang pagliyabin ang mga tuyong dahon gamit ang isang pares ng kahoy. Nakasimangot na nga si Maeda dahil sa pagkainip.
“Luto na ito,” anunsyo ni Shizu matapos i-check ang kalapati sa apoy. Isa iyon sa dalawang kalapating ma-swerteng nakita nina Kenji nang pabalik na sila sa camp. Iaabot sana ni Shizu ang maliit na ibon na nakatusok sa isang stick kay Maeda pero agad sinunggaban iyon ni Kiari na halatang gutum na gutom. Agad iyong nilantakan ni Kiari na kanina pa parang nakainom ng sampung basong kapeng barako dahil sa panginginig ng katawan nito habang inuuga ang sarili pasulong at pabalik.
“Kiari! Para sa ating lahat yan,” saway ni Ren.
“Sorry. Gutum na gutom na ‘ko. Kahapon pa ko hindi kumakain,” sagot ni Kiari na punung-puno ang bibig. Tapos ay ipinagpatuloy nito ang panay-panay na pagkagat sa karne.
“Kahit na. Kung gusto mo talagang maging bahagi ng grupong ito matuto kang magbigay sa mga kasama mo. Wag mong kainin lahat ng pagkain. Hindi ka na nga nakakatulong nakakaperwisyo ka pa,” mataray na reklamo ni Maeda.
Saglit na nag-angat ng mukha si Kiari mula sa kinakain at tumingin kay Maeda.
“Perwisyo agad? Hindi ba pwedeng desperado lang makakain?”
Hindi sumagot si Maeda pero inirapan niya si Kiari.
“Tama na ‘yan. Hayaan mo na siya, Maeda. Oh,” saway ni Kenji saka inabot sa babae ang hita ng pangalawang kalapati. Nakasimangot na inabot iyon ni Maeda.
“Kaya matigas ang ulo niyan eh. Kinukunsinti mo.”
Naiinis man, pinili na lang ni Kenji na manahimik para hindi na humaba pa ang pagtatalo sa pagitan nila. Pero halos maitirik din niya ang mga mata sa pagpipigil. Hindi man niya masisisi si Maeda dahil lahat sila ay gutom at kakaunti lang ang pagsasaluhang pagkain ngayong gabi, hindi pa rin niya nagustuhan ang pagtataray nito.
BINABASA MO ANG
Among the Dead #Wattys2016
Mystery / ThrillerChoose your alliances well, sacrifice those of no use to you, outsmart the living and survive the dead. Sa mundong kanilang ginagalawan, yan ang kanilang natutunan. To hell with reasons. To hell with the law. You better create your own rules. Learn...