⇜CHAPTER 24⇝

430 14 5
                                    

               Mahigpit ang kapit ni Kenji sa bakal na nagsisilbing baitang ng fire escape ladder. Kumuha siya ng bwelo bago pilit iniangat ang sarili pataas sa tulong ng mga braso. Tapos ay halos walang ingat niyang itinuntong ang kanang paa sa unang baitang ng hagdan. Unang baitang lang iyon ngunit lampas tuhod na agad niya ang taas niyon. Hindi kasi abot sa lupa ang kinakalawang na mga baitang ng hagdan. Ngunit sapat lang para makaakyat at makababa ang sinumang gagamit niyon.

                “Kenji bilis,” narinig niyang natatarantang utos ni Ren. Kinakalaban nito ang mga biters na nakakalapit sa kanila. At kailangan niyang magmadali para makaakyat na rin ang kasama bago pa dumami nang husto ang mga biters.

                Dinalasan ni Kenji ang paglipat ng mga paa sa mga baitang. Kahit nadudulas na siya at nagkakapasa sa bawat pagtama ng kaniyang mga binti sa bakal na hagdan ay nagpatuloy siya sa pag-akyat. Isang hakbang na lang at hindi na siya maaabot ng mga biters. Pero nang iangat niya ang paa para umakyat ay biglang may kamay na humawak doon. Nahagip siya ng isang biter at pilit siya nitong hinihila! Muntik nang mahulog si Kenji sa pagkabigla kungdi lang siya nakakapit nang mahigpit.

                Pilit hinihila ni Kenji ang paa ngunit ayaw magpatalo ng zombie. Kahit may bakal na humaharang dito at sa kaniya ay pilit pa rin nitong kinakagat ang kaniyang binti. At kung hindi siya mag-iingat, maaaring mabiktima siya ng biter. Malaki rin naman kase ang pagitan ng bawat bakal na harang ng hagdan.

                Sa pagpupumilit ng zombie, lumusot ang paa niya sa awang ng harang. Agad nitong kinagat ang kaniyang paa. Mabuti na lamang at may suot siyang sapatos. Iyon ang nakagat ng biter. Pero sapat pa rin iyon para lalo siyang kabahan. Isinipa niya ang paa nang ubod lakas. Paulit-ulit. Gusto niyang makawala. Ayaw niyang hintaying matanggal ng mga ngipin ng halimaw ang kaniyang sapatos.

                Halos magwala na si Kenji para makawala sa mahigpit niyong kapit. Nandoong sumipa siyang parang galit na kabayo, iyugyog ang katawan pataas at baba para lumuwang ang kapit ng biter, pwersahang ipasok ang sapatos sa bunganga ng biter sa pag-asang mabilaukan ito at iluwa ang paa niya at kung anu-ano pang maisip niyang paraan.

                “Haaaarrrrrhhh!” malakas na sabi ng biter na parang nauubusan na rin ng pasensya. Ibinuka nitong maigi ang bunganga at mariin na sanang kakagating muli ang paa ni Kenji nang biglang lumusot ang isang kutsilyo sa sintido nito. Agad bumagsak ang biter sa lupang nagiging putik na sa pagkabasa.

                “Akyat na, Kenji. Baka hindi ko na sila kayanin,” sigaw ni Ren nang humihingal na mapatingin siya dito. Agad naman siyang tumalima.

                Mas binilisan niya ang pag-akyat kahit nahihirapan siya. Naroong madulas ang paa niya dahil sa basang tuntungan at magmuntikanan siyang mahulog. Naroong magalusan siya kapag dumudulas ang paa o kamay niya sa mga baitang. Pero hindi siya pwedeng tumigil kahit sandali. Buhay ni Ren ang nakasalalay sa kaniyang pagmamadali.

                Sinaksak ni Ren sa noo ang isang biter at isa pa bago siya lumigid sa kabilang bahagi ng hagdan kung saan naroon ang opening ng fire escape ladder. Hindi siya nag-aksaya kahit isang segundo. Agad siyang nag-umpisang umakyat. Ngunit nakakadalawang hakbang pataas pa lamang siya ay nahagip na siya ng isang biter. Tapos ay ng isa pa. Nagpapasalamat siya sa harang dahil kahit paano ay nakatulong iyon para hindi siya agad-agad makagat na lang ng mga biters. Ngunit hindi sapat iyon para hindi siya maabot ng mga sabik na sabik na zombie.

                Sinipa niya ang braso ng isang biter. Pero saglit lang siya nakaalpas sa kamay nito. Nahagip din agad niyon ang kaniyang pantalon. Hindi naman siya makayuko para saksakin ang mga iyon dahil walang espasyo. Kaya wala siyang ibang magagawa kungdi sipain na lang muli iyon.

Among the Dead #Wattys2016Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon