⇜CHAPTER 33⇝

225 8 0
                                    

Sinenyasan ni Maeda ang kaharap na sumugod gamit ang hintuturo. Saglit lang nag-alinlangan ang babae bago nito itinaas ang sandata, isang patpat na nagsisilbing kutsilyo, at tinakbo ang distansya sa pagitan nilang dalawa. Madaling nakaiwas si Maeda. Binayo niya ang kalaban sa likod malapit sa batok, sapat lamang upang bumagsak ito, saka niya kunwaring sinaksak ang dalaga sa ulo para ipakita ang tamang pag-atake at pagpatay sa isang biter.

"Mukhang nabasa ni Maeda ang nasa isip mo," sabi ni Haru habang pinapanood ang dalaga sa ginagawa. Napangiwi siya nang sipain ni Maeda ang lalaking umatake dito at itinulak naman ang isang lalaking mas maliit at mas bata sa babae. "At least hindi na natin iintindihin ang pagte-train sa mga residente ng mansiyon."

"Tena," ang tanging sagot ni Kenji saka ito naunang kumilos papunta sa harap ng bahay. Agad sumunod si Haru.

"Sasabihin ba natin sa kanila?" tanong ni Haru habang malalaki ang mga hakbang. Umiling si Kenji.

"Magpa-panic lang ang lahat kapag nalaman nila. Kailangang maging maingat tayo sa pagpa-plano nito. Walang dapat makaalam bukod sa mga isasama natin sa labas at sa mga bantay sa gate."

"Alam ko kung sino ang mga dapat nating isama, kung ganoon."

"Sige. Tipunin mo ang mga sinasabi mong tao. Magkita tayo sa gate," sabi ni Kenji saka ito bahagyang lumihis patungo sa kanan, habang lumihis naman si Haru patungo sa kaliwa. "Oo nga pala, Haru," dagdag ni Kenji nang may maalala, na siyang nakapagpalingon sa tinawag. Patalikod itong naglakad habang hinihintay ang sasabihin niya. "Hindi na ito dapat malaman ni Ren."

Tumango lang si Haru bago ito muling tumalikod at tuluyan silang naghiwalay. Nagdiretso si Kenji patungo sa gate. Nang mabungaran niya ang pakay na lugar ay nakita niyang napansin agad siya ni Ricky nang umikot ito sa pwesto. Tinapik nito ang katabi at itinuro siya. Humarap din ang isa pang bantay nang mapunang may nakapukaw sa kanilang pansin. Bago pa man siya tuluyang makalapit ay bumaba na ang mga ito mula sa tinutuntungan. Parang nahulaan ng mga lalaki na may importante siyang pakay.

"Kailangan ko ang tulong ninyo," sabi niya matapos matamang tingnan ang bawat kaharap. "Makakaasa ba ako sa inyo?"

Saglit na hindi nakasagot ang mga tinanong.

"Ano ba'ng gusto mong gawin namin?" tanong ng katabi ni Ricky. Isinukbit nito sa malapad na balikat ang mahabang baril na siya nitong hawak tuwing magbabantay.

"May mga biters sa labas ng bakod," panimula niya. Bumakas ang pagkabigla at pag-aalala sa mukha ng mga kausap. "Hindi ko alam kung gaano sila karami ngunit sa tingin ko, mas mabuting maliit na grupo lang ang isama ko para ayusin ang problema sa labas. Mas madaling makakalapit ang grupo nang hindi mapapansin ng biters."

Tumangu-tango si Ricky.

"Sneak attack. Ayos 'yan."

"Pero ang bawat isa sa grupong sasama sa planong ito ay dapat na marunong makipaglaban. Marunong pumatay ng patay. At marunong tumakas kung magkaroon man ng problema sa plano," patuloy ni Kenji. "Nangangalap ng ilang tao si Haru para sumama sa amin. Kailangan ko ang isa sa inyo at ang dalawa ay mananatiling tagabantay para masigurong walang makakalapit sa gate. Isa pa, kailangan ko ng mapagkakatiwalaan dito na siyang maninigurong hindi makakarating sa mga tao ang nangyayari sa labas."

"Sasama ako sa grupo mo, Kenji," determinadong sabi ng lalaking may sukbit na armas sa balikat.

"Makakaasa ka na walang malalaman ang mga tao," sabi ni Ricky.

Tumangu-tango si Kenji bilang sagot.

"Kenji," tawag ni Haru sa kaniya. Papalapit ito kasama ang dalawang lalaki at isang babae. May nakasukbit na baril sa bewang ng huli. Balingkinitan ang dalaga ngunit sa porma ng pangangatawan nito ay mukhang sanay makipaglaban. Nang huminto ito at ang mga kasama sa tapat nina Kenji ay nameywang ang dalaga. Kita sa hugis ng mga braso ng dilag na hindi ito ang tipong magmamakaawang may tumulong dito para makaligtas sa isang biter. Kaya nitong ipagtanggol ang sarili.

Among the Dead #Wattys2016Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon