⇜CHAPTER 17⇝

826 22 16
                                    

Author's Note: Walang edit-edit to kaya pagpasensyahan na ang mga mali.

                Pinihit ni Kiari ang susi sa ignition sa ikalimang pagkakataon. Lumikha ng ingay ang makina ngunit gaya nang unang subok niya, hindi iyon nabuhay.

                “Ano, Kiari, ayaw pa rin ba?” naiinip nang tanong ni Erika. Nagpunas ito ng pawis sa noo gamit ang likod ng kamay, habang nagpapaypay naman ang mga katabi gamit ang tinuping papel, sombrero o ano mang nahagilap nilang pwedeng ipang-paypay sa mga sarili.

                “Ayaw eh.”

                “Ano ba’ng problema?” tanong ni Maeda.

                “Hindi ko alam. Basta ayaw mag-start ng makina,” sagot ni Kiari saka sinubukan ulit buhayin ang makina.

                “Tingnan mo kaya,” suhestiyon ni Ren.

                “Sorry. Marunong akong magmaneho pero wala akong alam sa makina ng sasakyan,” sagot ulit ng dalaga. Nagbuga siya ng hangin at pabagsak na inilapat ang likod sa malambot sa sandalan ng driver’s seat. Maya-maya ay walang salitang binuksan ni Kenji ang pinto ng van at bumaba.

                “Kenji, saan ka pupunta?” tanong ni Maeda saka parang kinakabahang luminga sa likod.

                “Wala nang dahilan para manatili tayong lahat sa loob ng sasakyan. Ayaw gumana ng makina at wala sa ating marunong mag-ayos niyon.”

                “Pero delikado sa labas nito. Baka may mga zombie sa paligid,” nag-aalalang sabi ni Grace na halata pa ang trauma mula sa encounter nila sa mga zombie sa palengke. Halos mapatalon pa ito mula sa kinauupuan sa likod ng van nang may marinig silang kaluskos mula sa kakahuyan.

                “Hindi tayo pwedeng manatili na lang sa sasakyan, Grace. Sa tindi ng init ng araw at sa dami natin baka lahat tayo mahilo.”

                “P-pwede naman siguro nating buksan ang mga bintana. Kahit konti lang.”

                “Hindi iyon masyadong makakatulong. Isa pa, sooner or later, kailangan din nating lumabas para maghanap ng tubig at pagkain. Mauubos din ang mga supplies natin. At mas delikado kung may dumating na grupo ng mga zombie at mapaligiran tayo habang nasa loob. Mata-trap tayong lahat.”

                “P-pero…”

                “Tama si Kenji, Grace. Kailangan nating iwan ang sasakyan at maglakad. Kung totoong may mataas na bakod at gate ang bahay nina Kenji, mas magiging ligtas tayong lahat doon,” sabi ni Maeda.

                “Pero paano si Manang Lupe at ang mga bata?” tanong ni Shizu. “Siguradong mahihirapan sila.”

                “Wala tayong magagawa. Kailangan nating abandonahin ang sasakyan at kailangan nating magsimula kaagad. The sooner we get to our house, the sooner we’ll be safe.”

                “Sige. Magsalitan na lang tayo ng pag-alalay sa kanila,” suhestiyon ni Ren.

                “Sa gitna dapat ng grupo sina Manang Lupe. Para may proteksiyon sila sa likod at harap dahil wala silang laban sa mga biters,” sabi ni Erika.

                Tumango si Kenji bilang pagsang-ayon.

Among the Dead #Wattys2016Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon