"O Kenji, anak, gising ka na pala. Halika maupo ka na dito," agad na bati sa kaniya ni Nanay Magda nang bumungad siya sa kusina. Nagluluto ito ng agahan. Sumunod siya at naupo sa isa sa tatlong mataas na silyang nakahilera sa harap ng kitchen island.
"May kape dito. Umiinom ka ba ng kape?"
"Hindi po. Pero sige po titikman ko," halos parang walang ganang sagot niya. Pinanood niya ang matanda habang ipinagtitimpla siya nito ng inumin.
"O eto. Inumin mo muna 'yan nang mainitan ang sikmura mo. Malapit nang matapos 'tong niluluto ko," sabi ni Nanay Magda nang maibaba ang tasa ng kape. Agad nitong binalikan ang niluluto. Humigop si Kenji ng mainit ng inumin. Hindi siya umiinom niyon gaya ng sinabi niya. Ngunit sa mga nakikita niya sa matatanda sa juvenile facility na umiinom ng kape kapag stressed o inaantok, mukhang ang inuming iyon ang kailangan niya ngayon.
"Kumusta ang timpla, anak?" tanong ni Nanay Magda na tuloy sa pagsasangag ng kanin.
"Ayos lang po," sagot niya. Ang totoo nagustuhan niya ang lasa niyon. Ngunit ayaw niyang masanay. Ayaw niyang tanggaping gusto niya iyon. Dahil ayaw niyang hanap-hanapin ang lasa ng inumin. Lalo't alam niyang hindi siya laging makakatikim ng mainit na kape.
"'Nay Magda," untag niya sa dating tagapag-alaga.
"Hmm?"
"Kahapon, noong dumating kami galing sa palengke, nabanggit ninyong matagal nang ipinasara ni Hirano ang kwarto ko. Ano pong ibig ninyong sabihin?"
Saglit na natigilan sa paghahalo ng niluluto ang matanda. Pansin niya ang pag-aalangan nito bago ipinagpatuloy ang ginagawa.
"Wala naman, anak. Ipinasara lang ng ama-amahan mo ang silid mo dahil wala ka na naman daw dito sa mansiyon. Gusto niyang ibaling naming mga katulong ang oras namin sa paglilinis ng ibang bahagi ng bahay. Wala daw silbi ang paglilinis ng silid mo dahil wala naman daw gagamit noon."
Hindi siya agad sumagot. Pinagmamasdan lang niya ang matandang mayordoma. Kahit nakatalikod ito ay ramdam niyang may itinatago ito sa kaniya.
"Nanay Magda," tawag niya dito nang hindi inaalis ang mga mata sa likod ng matanda.
"Ano 'yon?"
"May inililihim ka sa akin. Ano'ng hindi mo sinasabi sa 'kin?"
Saglit muling natigilan si Nanay Magda. Sa pagkakataong iyon, hinarap siya nito. Nababasa niya sa mga mata ng matanda ang magkahalong pag-aalala at pagkabahala.
"Isang buwan matapos kang ipakulong ni Don Hirano ay itinigil ng lahat ng katulong ang paglilinis ng silid mo sa utos niya. Kung ilang taon kang nawala, halos ganoon ding katagal hindi nagalaw ang silid na iyon. Noong mga unang linggo, nakikita namin ang Mama mong pumapasok sa silid mo. Alam ko nililinis niya ang kwarto mo dahil minsan ay naiwan niyang nakaawang ang pinto at nakita ko siya habang pinapalitan ang mga kubre-kama. Ngunit nang malaman ni Don Hirano ang ginagawa niya, naging dahilan iyon ng kanilang pag-aaway. Simula noon dumalang na ang pagpasok ni Senora sa silid mo. Hanggang sa tuluyan na niya iyong hindi dalawin. Nakakalungkot mang isipin ngunit dumating ang panahong halos wala nang makapansin ng kwartong iyon kahit mapadaan man ang isa sa amin sa harap niyon," mahabang kwento ng tagapagsilbi.
Lumunok si Kenji para tanggalin ang pait sa kaniyang panlasa.
"So ano pong hindi nyo sinasabi? Ano'ng dapat kong malaman?"
BINABASA MO ANG
Among the Dead #Wattys2016
Mystery / ThrillerChoose your alliances well, sacrifice those of no use to you, outsmart the living and survive the dead. Sa mundong kanilang ginagalawan, yan ang kanilang natutunan. To hell with reasons. To hell with the law. You better create your own rules. Learn...