Matamang pinag-aralan ni Kenji ang bilang at posisyon ng mga biters sa di kalayuan. Labing-isa ang nakikita niya. Sinuyod ng kaniyang mga mata ang paligid. Binigyan niya ng ekstrang atensyon ang mga bahaging maaaring magkubli ng patay. Naghintay siya ng ilang minuto para masigurong walang lalabas mula sa mga lugar na natatabingan ng matatabang katawan ng puno o malagong halaman. Saka niya muling binilang ang mga biters na nakikita. Labing-isa. Anim sila sa grupo. Madali nilang malilipol ang mga ito. Ngunit maaaring meron pa ring hindi niya nakikita na pwedeng maging dahilan para mapahamak ang isa sa kanila. Kaya kailangan nilang lahat na paghandaan ang posibilidad na iyon.
Gamit ang dalawang hintuturo ay sinenyasan niya si Haru at iba pa nilang kasama na nasa kani-kaniyang taguan, para ipaalam sa mga ito ang kaniyang kalkulasyon. Tapos ay pinag-krus niya ang mga hintuturo bilang senyales na humanda ang mga ito sakaling may iba pang hindi sila nakikita. Nang tumango ang mga kasama ay saka niya itinuro si Glen at ang dalawang lalaking nakuha ni Haru para sumama sa kanila. Saka naman niya itinuro ang direksyon ng mga biters sa kanan. Isang simpleng tango lang din ang isinagot ng mga ito. Bago niya itinuro si Haru at Kabo, ang bantay sa gate na kaniyang isinama, at itinuro ang direksyon sa kaliwa. Halos sabay-sabay silang lahat na maingat at walang-ingay na kumilos. Kasunod niya si Haru at Kabo papunta sa kaliwang bahagi, palapit sa mga biters.
***☼***
"Kuya," tawag ni Shizu hindi pa man sila lubos na nakakalapit kina Ricky. Sabay na lumingon si Ricky at katabi nito mula sa kinatatayuan nila sa gate post. "Nakita nyo po ba sina Kenji?"
"Ah. Nangaso kasama si Haru," sagot ni Ricky saka saglit tinapunan ng tingin ang katabi.
"Ganun po ba? Salamat po," dismayadong sagot ni Shizu. Saka siya tumalikod kasunod si Kiari. Naiwang nakatitig si Maeda sa dalawang lalaki na hindi malaman kung paano sasalubungin ang kaniyang mga tingin. Ilang sandali ang lumipas bago tumalikod si Maeda at sumunod sa mga babae. Walang-imik silang nakarating sa loob ng mansiyon at dumiretso sa kumidor.
"Ano sa palagay nyo ang mangyayari sa atin?" nag-aalalang tanong ni Shizu makalipas ang mahabang katahimikan. Parang ang mesa ang kinakausap nito dahil imbes na sa mga kasama ay doon nakatuon ang paningin ng babae. Animo ito natutula habang mabilis na tumatakbo sa isip ang impormasyong nalaman at ano ang magiging epekto niyon sa kanila. Nag-angat siya ng tingin nang manatiling tahimik ang lahat. Nakita niyang nakatungo lang din si Kiari na nakaupo sa dulo ng mesa, at gaya niya ay parang malalim din ang iniisip at pag-aalala. Samantalang si Maeda ay tahimik na nakasandal sa dingding na katapat niya. Shizu bit her lower lip. Tapos ay ibinalik niya ang mga mata sa makintab na mesa.
"Ang tanga natin noh?" sabi niyang muli. Bahagya pa siyang natawa ngunit may pait iyong kalakip. Mula sa pagkakatungo ay kita niya sa gilid ng mga mata ang pag-angat ng ulo ng mga kausap. "Ang tanga-tanga natin para maniwalang ligtas tayo dito. Na unti-unti nang nagiging normal ang buhay natin. Umasa ako na sa loob ng mansiyong ito...kahit man lang sa bakuran nito...pwede akong magkunwaring kagaya pa rin ng dati ang lahat. Pwede kong kalimutan ang mga panganib na naghihintay sa labas. At kung mapapanatili lang nating nakatayo ang bakod...baka sakali...baka sakaling maka-survive tayo hanggang may dumating na tulong. Wala kong pakialam kung matagal. Isa, dalawa o limang taon. Hindi na importante sa akin. Yung isipin ko lang na matagal man at least may hangganan din ang paghihintay natin. May katapusan ang pakikipaglaban natin. Kahit hindi ko alam kung kelan okay lang. Iyung kaalamang may hangganan ang lahat ay sapat na para magkaroon ako ng pag-asa. Pero...pero ngayong alam ko nang walang tulong na dadating..." bumagsak ang mga luha mula sa kaniyang mga mata. Hindi niya pinigilan ang paghikbi.
BINABASA MO ANG
Among the Dead #Wattys2016
Misterio / SuspensoChoose your alliances well, sacrifice those of no use to you, outsmart the living and survive the dead. Sa mundong kanilang ginagalawan, yan ang kanilang natutunan. To hell with reasons. To hell with the law. You better create your own rules. Learn...