AUTHOR'S NOTE: Hinati ko ang chapter 14 kasi masyadong mahaba. Pero imbes na gawin kong dalawang part gaawin ko na lang chapter 15 yung kasunod.
Isang matinis na iyak mula sa isang lawin ang pumunit sa katahimikan ng hapon. Paikut-ikot iyong lumilipad sa ibabaw ng mga puno. Nagmamasid. Naghahanap ng madadagit. Nasilaw si Kenji ng sikat ng araw nang saglit niya iyong pinagtuunan ng pansin. He squinted to protect his eyes from the blinding sun, then shifted his focus back on the abandoned public market at the other side of the road.
“Handa na kayo?” mahinang tanong niya sa mga kasama na sumagot ng tango.
Pinangunahan niya ang grupo gaya ng nakagawian na nila. Maingat, magaang ngunit mabilis ang mga hakbang na tinawid nila ang kalsada. Hawak ni Kenji ang jungle bolo ng kaniyang lolo habang hawak naman ng mga kasama ang kani-kaniyang mga kutsilyo. Pero si Maeda ay ang matulis na kahoy ang nasa kamay.
Nagkaniya-kaniya sila ng tago sa likod ng lumang gusaling yari sa kahoy, sa drum, sa sementong pinapatungan ng mga nabubulok nang paninda at sa likod ng lumang basket na kahit malaki ay may butas naman sa gitna. Sumilip si Kiari mula sa likod ng drum. Puno iyon ng tubig-ulan na nagbibigay ng masangsang na amoy. May namumuong lamot sa ilalim at gilid niyon at ang tubig na naipon doon ay salat sa linaw. Pero hindi iyon inalintana ng babae. Buo ang atensyon nito sa kanilang misyon.
Tinanguan niya si Kenji nang masigurong walang tao o biters sa paligid. Umalis si Kenji mula sa pagkakasandal sa halos nangingitim nang dingding ng hugis parihabang gusali at mabibilis ang mga hakbang na pumasok sa palengke. Kasunod niya ang mga kasama na katulong niyang nagche-check ng paligid. Saglit inilibot ni Kenji ang paningin. Nasa gitna sila noon ng bahagi ng palengke kung saan itinitinda ang mga isda, manok, baboy at karne ng baka. Halos nalimas na ang mga paninda doon ngunit may ilang nabubulok na karne pang natitira sa ilang bahagi ng palengke. Ang iba ay nakasabit pa sa meat hook na nakakabit naman sa metal bar na sadyang inilagay para pagsabitan ng mga panindang karne. Matapang ang amoy na bumabalot sa hangin at pinagpi-piyestahan ng mga langaw ang nanlalagkit na dugo sa ibabaw ng sementong tindahan ng karne.
Tinakpan nina Shizu at Kiari ang mga bibig ng kamay. Halos masuka sila sa amoy ng nabubulok na karne at dugo. Lalo pa nang mamataan nila ang karne na nakasabit sa meat hook. Halos maubos na iyon ng daan-daang uod na kumakain doon habang parang nakikiagaw din ang mga langaw.
“I-check nyo ang mga tindahan. Baka may mga de lata pa sa loob niyon o bigas,” utos ni Kenji sa mga babae. “Doon kami ni Ren mag-iimbestiga sa bandang iyon,” dagdag niya na tinutukoy ang bahaging papunta sa tindahan ng mga gulay.
Mabagal silang naglakad ni Ren sa sementong sahig ng palengke. Halos mabalutan na iyon ng pinaghalong nabubulok na mga gulay at tuyong dugo ng karneng nabubulok na rin. May mga uod pang gumagapang sa kanilang dinaraanan na siya lamang tanging may buhay sa lugar na iyon na hindi alintana ang nakakasukang amoy. Sinuri ng dalawa ang mga gulay na nasa mga kahon at hinabing basket na halos umabot na sa kanilang bewang ang taas. Pati ang mga gulay na nakasabog sa sahig ay sinuri din nila. Ngunit wala silang makitang pwedeng makain.
Saglit na nagkatinginan sina Kenji at Ren. Halata ang pagkadismaya sa kanilang mga mukha.
“Doon tayo,” sabi ni Kenji saka naunang maglakad papunta sa labas ng abandonadong pamilihan. May nakita silang mga halaman ng kamatis na marahil ay tumubo na lang mula sa mga kamatis na nagkalat mula sa pamilihan. Agad namitas sina Kenji nga mga namimintog at mapupulang bunga mula sa mga halaman.
BINABASA MO ANG
Among the Dead #Wattys2016
Mystery / ThrillerChoose your alliances well, sacrifice those of no use to you, outsmart the living and survive the dead. Sa mundong kanilang ginagalawan, yan ang kanilang natutunan. To hell with reasons. To hell with the law. You better create your own rules. Learn...