⇜CHAPTER 11⇝

1.1K 17 4
                                    

                “Kiari,” mahina at sabay na saway nina Ren at Kenji sa babae na kanina pa pa-skip skip habang naghahanap sila ng mahuhuling hayop-gubat. Daig pa nito ang batang nasa field trip sa isang candy factory.

                “Sorry,” nakangiwing sabi ni Kiari.

             “Nabubulabog ng ingay ng mga paa mo ang mga hayop. Bago pa tayo makalapit nakatakbo na sila. Kailangan tahimik tayo para hindi nila tayo mamalayan,” paliwanag ni Ren na parang teacher na nagle-lecture sa grade one.

                Tumango si Kiari bilang sagot.

                “Ihanda mo ang kutsilyo mo, Kiari. Dapat ay lagi kang handa dahil pwede kang makakita ng hayop ano mang sandali. Madalas bigla mo na lang silang makikita at kailangan kumilos ka agad,” sabi naman ni Kenji.

                Sumunod si Kiari na inilabas ang dalang kitchen knife. Tapos ay ipinagpatuloy nila ang maingat na paglalakad sa kagubatan habang matatalas ang mga matang naghahanap ng mahuhuling hayop.

               “Kenji, paano ba tayo makakahuli ng hayop gamit ang kutsilyo kung mabibilis sila?” tanong ni Kiari maya-maya. “Kung kutsilyo ang gamit natin, di ba kailangan natin makalapit muna sa hayop bago natin ito masaksak?”

                “Oo. Pero pwede rin naman na ibato mo ang kutsilyo sa hayop. Parang throw knife. Pero madalas mahirap pa rin dahil mabibilis talaga sila. Maiilap kasi at hindi naman tayo sanay,” paliwanag ni Kenji na sa paligid nakatutok ang paningin.

                “Parang dart?”

                “Oo,” sagot ni Ren.

         “Eh di mag-practice tayo para sa susunod na mag-hunt tayo mas may chance tayong makahuli ng hayop,” masiglang suggestion ni Kiari. Halos sabay pa siyang nilingon at pinandilatan ng mga kasama para patahimikin dahil napalakas siya ng boses.

                “Sorry,” bulong ni Kiari.

                Ipinagpatuloy nila ang paghahanap ng mahuhuling hayop-gubat. May sampung minuto ang lumipas nang may marinig silang kaluskos. Sabay-sabay silang napalingon sa kaliwa kung saan nanggaling ang ingay.

                Itinapat ni Kenji ang hintuturo sa nakaikom na bibig para senyasan ang mga kasamang wag maingay. Tapos ay dahan-dahan niyang pinangunahan ang mga kasama sa paglapit sa pinagmulan ng ingay. May mga maliliit na puno na halos kasing taas lang nila. Maninipis pa ang katawan ng mga iyon at mabibilang pa lang ang mga sanga. Kaya maaaninag ang kung ano mang nasa likod ng mga ito mula sa pagitan ng mga dahon. Ngunit hindi sapat para mapagmasdan nang maayos ang itinatago ng mga iyon.

                Nakarinig uli sila ng kaluskos. Para iyon ingay na likha ng tuyong dahon.

          Nilingon ni Kenji ang mga kasama para tiyakin kung handa na ang mga ito bago niya marahang hinawi ang isang sanga ng maliit na puno. Unti-unti, nabuo sa kanilang paningin ang kabuuan ng isang zombie na nakaluhod sa harap ng isang maliit na wild pig. Puno ng dugo ang bibig niyon na umabot sa mga mapuputlang pisngi. Tumutulo ang dugo sa leeg nito hanggang sa suot na t-shirt na may bahid ng sariwa at tuyong dugo.

                Hindi malaman nina Kenji kung masusuka o mapapalunok habang pinapanood nila ang pagputol ng mga ngipin ng zombie sa hawak nitong bituka. Pumilansik ang dugo nang mabutas ang bituka ng mga nangingitim na ngipin.

                Natutop ni Kiari ang bibig para pigilin ang pagduwal at wala sa loob na napaatras siya. Di sinasadyang nasagi niya ang isang sanga ng puno. Lumikha iyon ng ingay na nakatawag-pansin sa biter na nagpi-piyesta sa laman-loob ng baboy. Huli na para makapagtago sila. Agad nag-angat ng ulo ang zombie at nakita sila nitong sumisilip mula sa likod ng maliit na puno.

Among the Dead #Wattys2016Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon