"On three. One, two, three," pamumuni ni Haru saka sabay silang kumilos ni Kenji upang tanggaling ang nakatusok na metal sa hita ni Ren. Isang malakas na palahaw ang pinawalan ni Ren ngunit kasabay niyon ay ang pagkawala niya sa pagkakagapos ng bakal sa kaniyang hita mula sa tibag na hollow block. Sabay-sabay silang bumagsak sa putik ng matigil ang malakas at sandaling sigaw ni Ren. Napalitan iyon ng sunud-sunod na pagbuga ng hangin na sinasalitan ng mariing pagpikit ng mga mata habang mariin ding nakatikom ang mga labi. Animo itong nanganganak.
"Ren. Ren, kailangan nating umalis," sabi ni Kenji na ni hindi nagawang tanungin ang kalagayan ng kaibigan. Lumuhod siya sa tabi ng binata upang alalayan itng makatayo.
"Sandali," pigil ni Haru. Pumunit ito ng tela mula sa suot na kamiseta at inabot iyon sa kaniya. "Talian mo muna ang sugat niya para mapigil ang pagdudugo nito," utos nito saka maliksing tumayo. Agad nitong inabot ang isa sa mga palaso sa likod nito habang malalaki ang mga hakbang patungo sa mga biters at sinimulang patayin ang mga malalapit sa kanila.
Halos hindi pa rin makapaniwala si Kenji na naroon ito at tinutulungan sila ni Ren habang nakatitig siya sa lalaki. Muntik pa niyang makalimutan ang kailangan niyang gawin kundi pa niya narinig ang pag-ungol ni Ren. Nagmamadali niyang tinalian ang hita nito, sa tapat ng sugat, at inalalayan ito para makatayo. Walang salitang sabay sila nitong humakbang palayo sa lugar na iyon.
Kahit nagmamadali ay pinapabagal naman ng injury ni Ren ang pagtakas nila. Bawat hakbang ay parang parusa sa kanilang dalawa. Pinahihirapan si Ren ng sariwang sugat na nagiging dahilan upang halos hilahin na lang niya ang kaliwang paa. Ngunit dahil doon ay lalong nahihirapan si Kenji sa pag-alalay sa binata. Hindi niya maituwid ang likod. Dahilan upang bumalik ang sakit na dulot ng pagbagsak niya mula sa fire escape ladder kanina. Nang minsang kumayod ang paa ni Ren sa lupang nalalatagan ng mahabang damo ay nawalan ito ng balanse. Subsob si Ren sa damuhan kasama siya. Hindi niya nagawang protektahan ang sarili sa pagbagsak ng sariling katawan dahil sa hindi niya inaasahang pagkadapa ng inaalalayan. Sadsad ang pisngi niya sa damo. Nakatulong man ang damo upang hindi gaanong mabugbog ang kaniyang katawan at mukha ay sapat naman ang talas ng gilid ng mga mahahabang hibla ng dahon ng mga iyon para magalusan ang dati'y makinis niyang mukha.
Ilang beses siyang dumura para tanggalin ang damo sa bibig saka muling inalalayan si Ren para tumuyo.
"Ren..." nag-aalalang sabi niya nang mapansing basing-basa ng dugo ang telang nakatali sa hita nito.
"Ayos lang ako, Kenji. Kaya ko 'to," sagot ni Ren sa pagitan ng paghingal.
Wala siyang nagawa kundi tumango. Kahit naman alam niyang nagsisinungaling ang kasama ay wala naman siyang magagawa. Hindi niya kayang pigilan ang pagdurugo ng sugat ni Ren. Lalong hindi sila pwedeng tumigil nito. Ang tanging paraan lang para matulungan niya ito ay ang dalin ito sa naghihintay na sasakyan para makabalik sila sa mansiyon.
Samantala, isa pang palaso ang pinawalan ni Haru saka umabot ng isa pa mula sa lalagyan niyon. Nang maramdaman niyang ilang palaso na lamang ang natitira ay ibinalik niya ang hawak at nilapitan ang pinakamalapit na nakahandusay na kalaban. Tinapakan niya iyon sa leeg, hinawakan ang nakatusok na palaso sa noo at hinugot. Halos kahuhugot lang niya ng palaso nang may kung anong malamig na biglang kumapit sa kaniyang braso.
"Haar!"
Agad niya itong sinaksak sa noo gamit ang matulis na dulo ng palaso saka muling hinugot iyon. Sinaksak niya ang isa pa sa kaniyang harap at humakbang upang pabagsakin din ang dalawa pa. Tumilansik pa ang malapot at halos nangingitim na niyong dugo sa kaniyang noo ngunit imbes na mandiri ay nagbuga lang siya ng hangin saka pinunasan ng braso ang dugo. Nagulat pa siya nang biglang may sumunggab na biter sa kaniya. Napaatras siya at saka tuluyang bumagsak pahiga.
BINABASA MO ANG
Among the Dead #Wattys2016
Mystery / ThrillerChoose your alliances well, sacrifice those of no use to you, outsmart the living and survive the dead. Sa mundong kanilang ginagalawan, yan ang kanilang natutunan. To hell with reasons. To hell with the law. You better create your own rules. Learn...