"Kamusta ang baboy?" tanong ni Kenji sa nag-aasikaso ng nahuli nilang baboy-damo sa gubat. Kasalukuyan nitong nililinis ang kulungang matagal na nakatengga hanggang nahuli nila ang kauna-unahang hayop na umukopa noon.
"Ayos naman, Kenji. Malusog at malakas kumain," sagot ng lalaki.
Tumango lang siya at saglit na pinagmasdan ang hayop. Mahigit isang linggo na mula nang mahuli nila iyon. Dalawang beses na silang bumalik sa kagubatan ngunit wala silang nakita ni isang baboy damo. Ipinagpapasalamat na lang niyang malusog ang nag-iisang hayop sa kanilang pangangalaga.
Pinasalamatan niya ang lalaki sa pag-aalaga nito sa baboy saka niya binalingan ang taniman sa kanang bahagi ng bakuran. Mukhang maayos din naman ang kanilang taniman. Berdeng-berde ang hilera ng mga gulay at sa tingin niya ay doble na ang laki ng mga iyon mula nang una niyang makita ang mga iyon. Ewan ba niya kung bakit ngunit noon lang niya napansing may tanim din palang mga kamatis ang mga kasamahan nila at malalaki na ang mga iyon. Sa katunayan ay marami nang bulaklak ang karamihan at ang iba ay may ga-munggo nang mga bunga. Mabilis lumaki ang mga kamatis. Mukhang mabilis din namang lumaki ang ibang tanim ngunit alam niyang kailangan pa nilang maghintay ng ilang linggo bago magsimulang mamulaklak ang mga iyon.
Naagaw ang pansin niya ng tasa ng kape na inilahad sa kaniyang harap. Nang binalingan niya ang nag-abot niyon ay nakita niya si Haru. Nakatayo na ito sa kaniyang tabi at may dalang isa pang tasa ng mainit na inumin para sa sarili. Tinanggap niya ang inalok nito. Saglit pa siyang natigilan sa gagawing paghigop ng mainit na likido nang mapansing maputla ang kulay niyon.
"Mauubos na kase kaya tinitipid namin," paliwanag ni Haru nang mapansing natigilan siya saglit. Humigop ito mula sa sariling tasa saka dumiretso ng tingin. Humigop din siya ng kape.
"Sa tingin mo...makakaya ko talagang pakainin ang mga tao natin?" tanong niya maya-maya. Hindi niya tiningnan ang katabi. Ni hindi niya ito nagawang sulyapan man lang.
Saglit siyang pinagmasdan ni Haru.
"Bakit naman hindi?" sagot nito saka ibinalik ang tingin sa tanawin.
"Maliliit pa ang mga tanim nating gulay. Siguro aabutin pa ng mahigit isang buwan bago magsimulang mamunga ang mga iyan. At ang alaga nating hayop...hanggang ngayon, iisa pa rin."
Mahinang tumawa si Haru saka humigop muli ng kape. Kunot ang noong napatingin siya dito. Hindi niya malaman kung maiinis ba sa katabi o mahihiya.
"Kenji, halos limang buwan na kaming nakatira dito sa mansiyon. Sa loob ng panahong iyon ay walang buhay na hayop na naiuwi ang kahit sino sa amin. Kung iyong mga gulay naman ang inaalala mo, pare, hindi mo kontrolado ang paglaki ng mga iyon. Kahit hindi ka pa mamuno sa mga tao dito sa mansiyon ay mananatili pa ring ganoong kalaki ang mga iyon at walang mababago sa bilis ng kanilang paglaki. Kaya pwede ba, wag kang paranoid?" mahabang sabi nito.
"Alam ko. Pero nagyabang ako na kaya kong pakainin ang lahat ng tao dito. Na kaya ko silang protektahan. Ngunit sa nakikita ko ngayon...Haru, alam kong mabibigo ako eh," sagot ni Kenji na hindi nabawasan ang pag-aalala.
"Isang linggo pa lang ang nakakalipas, Kenji. Isang linggo. Give yourself a break. Ang intindihin mo ay si Maeda."
Saglit niya itong tinapunan ng tingin bago sumagot.
"Si Maeda? Bakit si Maeda?" tanong niya kahit alam naman niya kung bakit nito binanggit ang babae.
"Kinausap mo na ba siya?" seryosong tanong nito.
Umiling siya.
"Wala naman kaming dapat pag-usapan, 'di ba?"
"Wala nga ba?" balik tanong ni Haru. Tinapik siya nito sa balikat bago ito naglakad papunta sa taniman. Sinundan lang niya ito ng tingin hanggang makalapit ang binata sa mga nag-aalaga ng pananim.
BINABASA MO ANG
Among the Dead #Wattys2016
Mystery / ThrillerChoose your alliances well, sacrifice those of no use to you, outsmart the living and survive the dead. Sa mundong kanilang ginagalawan, yan ang kanilang natutunan. To hell with reasons. To hell with the law. You better create your own rules. Learn...