02 | Chauffeur
━━━━━━━
Paano ba malalaman kung isa ka nang dukha?
Kapag wala ka nang makuhang toothpaste kahit anong pisil pa ang gawin mo.
Inis na itinapon ko sa basurahan ang sachet na iyon. Kahit siguro umusok na ang puwet ko kakapisil, wala na talagang lalabas na toothpaste.
Walanghiyang buhay 'to.
Aburidong lumabas ako sa banyo at ginulo ang buhok ko.
Pantay-pantay daw ang lahat. Magbanat lang daw ng buto at magbubunga iyon.
Ngumisi ako at hinablot ang nanlamig kong kape.
Kung totoo iyon, hindi sana ako mas mahirap pa sa daga ngayon. Wala akong ginawa kundi magtrabaho buong buhay ko. Pero narito pa rin ako - dukha at inggitera.
"Wala ka na talagang ipinagbago! Kuntento ka na sa ganito! Ayos na sa'yong may kakainin ngayong araw! Ayaw mong mag-isip para bukas! Kung magkaanak tayo, ganyan pa rin ba ang pag-iisip mo? Wala tayong kinabukasan kung gano'n, Troy!"
Gumaragal ang piping daing sa gitna ng lalamunan ko habang buryong pinagmamasdan ang pagsabog ni Mariel. Ang aga-aga, para na naman silang mga machine gun ng pinsan ko. Ilang araw na silang ganito.
Nakakairita ang ingay niya pero naiintindihan ko ang punto niya. Kuntento na kasi si Troy sa maliliit na bagay. Isa siyang simpleng taong hindi naghahangad nang sobra sa sapat. Okay na sa kanya na kaya niyang itawid ang araw-araw. At hindi ganoon sa Mariel. Gusto niya ng pinaghandaang kinabukasan. Iyong konkreto at planado.
Sumisimsim sa kape na pinagmasdan kong ipagtanggol ng pinsan ko ang sarili niya sa pagsabing napaka-demanding ni Mariel para humiling ng mga bagay na hindi nila kaya.
Hindi ko maintindihan kung paanong nakukuntento ang ilan kahit salat sila sa lahat. Ang pagiging kuntento ay para lamang sa mga taong kayang tustusan ang mga pangangailangan nila. Sa katulad naming laki sa kasalatan, isa iyang kalokohan.
Isang insulto.
Mas umingay ang dalawa kaya mas binilisan ko ang pag-aagahan para makaalis na. Siguradong pag-uusapan na naman sila ng mga tsismosang kapit-bahay namin. Ipagpuputok na naman iyon ng butse ni Mariel sa mga susunod na araw.
Dalawang araw na akong walang trabaho. Dalawang araw na rin akong hindi mapakali. Kung gusto kong mabuhay at mamuhi pa sa mundong ito, kailangan ko ng trabaho sa lalong madaling panahon.
"Maghiwalay na lang tayo! Wala kang pangarap! Isa kang tanga!" dinig kong sigaw ni Mariel bago niya padabog na isinara ang pinto ng kuwarto nila.
Bumuntong-hininga ako saka isinuot ang sandals ko. Hindi naman nagpatalo si Troy. Malakas ang mga katok niya sa pinto ng kanilang kuwarto ni Mariel habang nagsasabi ng masasamang salita.
Sana lang pagbalik ko payapa na rito.
Papunta na ako sa gate nang may tumigil na motorsiklo sa tapat. Napagsino ko lang ang driver nang alisin nito ang suot na helmet. Si Reiven.
"Babayaran daw ni Lola Conchita 'pag punta niya rito," dinig kong sabi niya sa nanay niyang nasa sari-sari store.
Mabagsik ang naging tugon ni Tita Vilma sa kanya. Hindi ko masyadong marinig pero hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na iritado siya sa mga umuutang na hindi agad nagbabayad. Isa na roon si Lola Conchita na nasa kabilang kalsada. Sinubukang pakalmahin ni Reiven ang nanay niya sa pagsabing nangako naman ang matanda na magbabayad sa susunod na linggo.
BINABASA MO ANG
The Dangerous (Quantum Meruit Series #2)
Fiksi UmumAstrud C. Ventura - the dangerous. * * * Hanggang saan ang kaya mong gawin para sa pera? Astrud hated her life. She was poor as hell and completely an ophan. Noong naglilinis yata ang langit, nakabuka ang bibig niya para saluhin ang lahat ng kamalas...