26 | Payong

114 11 0
                                    

26 | Payong

___________

Huwag mo na ‘kong utuin! Tama ako, ‘di ba? Gusto mong makipaghiwalay kasi hindi ako mayaman! Hindi ako mapera katulad ng inaasahan mo!”

“Pera lang naman ang dahilan kung ba’t nandito ka, ‘di ba?”

“Akala ko naman, matino ka. Hindi ka na nga maganda, gold digger ka pa.”

“Walang tunay na magmamahal sa’yo sa ugali mong ‘yan!”

Malakas akong bumuntong-hininga at tumingala sa langit. Magmula noong huling pagkikita namin ni Reiven, hindi na tumigil ang isip ko sa pagbalik-tanaw. Mas lalo kong na-realize na hindi nga ako basta-basta nakukuntento.

Lahat ng naging boyfriend ko ay may kaya. Hindi man mayaman ngunit kaya naman akong pagbigyan sa mga luho ko. Pero malaki ang pangarap ko para sa sarili. Mas malaki pa sa kaya kong ibigay at isakripisyo. Kaya halos lahat ay hindi naman nagtagal sa akin.

Tama nga si Reiven.

Pera lang ang kaya kong mahalin.

Dumako ang tingin ko sa pinto nang narinig kong bumukas iyon. Nabuhay ang bawat himaymay ko nang nagtagpo ang mga mata namin. Gusto kong ngumiti – kahit iyong tabingi. Pero nang seryoso rin ang atensyon niya sa akin, hindi ko na ipinilit ang sariling magpanggap.

“Pauwi ka na?” mahinahon kong tanong na halos hindi ko makilala ang sarili.

Ilang segundo ang dumaan bago nagsalita si Reiven, “Anong ginagawa mo dito?”

Pumunta ako ritong handa sa kung anumang reaksyon niya. Pero masakit pa rin.

Bakit ba pumunta pa ako rito?

Hindi ako kumibo at mukhang hindi niya naman ininda iyon. Nanatili kaming nakatayo ilang metro ang layo sa isa’t isa. Pero sigurado akong mas malayo pa kami nang sandaling iyon.

Ang tanga. Ako ang pinagsalitaan ng masakit. Ako ang nagmukmok nang ilang araw. Ako ang dapat naghihintay ng sorry. Pero bakit ako ang narito?

Kumulog ang langit at unti-unting lumuha ang mga ulap. Alam kong uulan ngayon katulad ng mga nakaraang araw. Pero sumugod ako ritong hindi man lang handa kahit sa sipon at sakit ng ulo.

Baliw talaga.

Narinig ko ang sunod-sunod na mura ni Reiven. Nang balingan ko siya ay naglalakad na siya papunta sa akin – may hawak na payong.

“Ang bobo mo talaga,” dinig kong bulong niya, kunot na kunot ang noo, bago ako isinukob.

Lumakas lalo ang ulan at pakiramdam ko ay mabubutas ang maliit at mumurahing payong na dala niya. Paroo’t parito ang mga tao, nagtatawanan at nagpapasalamat dahil pansamantalang naibsan ang init ng lungsod.

“Tara na,” aya niya.

Matapos sulyapan ang nababasa niyang polo shirt ay naglakad na ako na mabilis niyang sinabayan. Dahil hindi naman kalakihan ang payong ay inakbayan niya ako at inilapit sa kanya. Pinigilan ko ang sariling tumiklop.

“Kumain ka na?” malamig na tanong niya.

“Hindi pa.”

Tumango lang siya at wala nang sinabi pa.

Wala akong ideya kung anong nasa isip niya. Alam niya ba ang ipinunta ko rito? Kunsabagay. Hindi naman siya ganoon kabobo.

Tumigil kami sa pamilyar na convenience store. Pagkatapos niyang isara ang payong ay nagpatiuna siya at itinulak ang pinto. Nanatili akong nasa likuran niya at nakasunod.

The Dangerous (Quantum Meruit Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon