32 | Employed

88 8 0
                                    

32 | Employed

_________

Nag-aagaw na ang dilim at liwanang nang muli akong tumingala sa langit.

Hindi ko lubos akalain na ganito pala kaganda ang dapit-hapon sa Pilipinas. Kunsabagay. Pagod akong tumitingala sa langit noon. Umaasang matapos na ang umaga para makapagpahinga.

“You’re in Visayas?”

Pinagmasdan ko ang mga paang muling niyakap ng dagat. “Opo. Kahapon po ‘ko dumating—”

“What do you mean ‘kahapon’? You’ve been here and you didn’t tell me?”

Pinigil ko ang mapabuntong-hininga. Nakikita ko na ang busangot ni Julia mula sa kabilang linya. Paano pa kaya kapag nagkaharap na kami?

“I’m sorry po,” sabi ko habang pilit na tumunog-dismayado rin. “Nawala sa isip ko. ‘Tsaka gusto ko rin po muna mag-relax bago pumunta diyan sa Maynila.”

“Kahit na. You should’ve told me. So what were you planning? Susulpot ka na lang talaga dito nang walang pasabi? Magkikita na lang tayo sa board meeting, gano’n?”

Marami pa siyang litanya. Hinayaan ko na lang dahil sanay naman na ako. Sa pagkakatanda ko noon, hindi naman siya ganito kadaldal.

Matapos ang tawag ay naupo ako sa buhangin at ibinaluktot ang mga paa para pagmasdan ang mga bituin.

Mag-iisang taon na rin pala nang magbago ang lahat. Sobrang bilis na pakiramdam ko ay hindi ako nakasabay.

Kumusta na kaya siya?

Bumuntong-hininga ako at ipinatong ang pisngi sa mga tuhod. Malamang ay okay lang siya.

At galit na galit sa akin.

Lumapit sa akin mayamaya ang isa sa mga bodyguard ko. Doon lang ako naging aware sa oras at inaya na silang bumalik sa villa. Maaga ang flight ko bukas papuntang Maynila kaya kailangan ko nang magpahinga.

Plano ko sanang manatili pa nang ilang taon sa ibang bansa. Pero tadhana na ang nagsabi na kailangan ko nang pagbayaran ang mga naging kasalanan ko.

Pagkarating sa Maynila ay hindi na ako nagulat nang tumawag agad si Julia at nagtanong kung didiretso na ba ako sa mansion. Sinabi ko na lang na magkita-kita na lang kami mamayang hapon at sasaglit muna ako sa sementeryo.

“Ang tagal na rin pala,” bulong ko matapos ilapag ang pumpon ng bulaklak sa lapida.

Ilang araw matapos ang kasal namin ni Reiven, namaalam na si Lolo Arturo. Sigurado ako noon na hindi ako maaapektuhan. Nagkakilala lang naman kami nang ilang buwan, e.

Kaya buong akala ko ay hindi ako magdadamdam.

Iniwan niya nga karamihan sa ari-arian niya sa akin. Marami akong narinig na sabi-sabi mula sa mga kamag-anak namin lalo na kay Tito Lenard. Kesyo wala naman daw akong sapat na edukasyon para i-manage ang mga iyon. Baka raw masayang lang ang lahat ng naipundar ng lolo ko kasi wala akong kaalam-alam.

Bumuntong-hininga ako at hinaplos ang marmol.

Hindi ko alam kung galit ba siya sa akin bago siya namayapa. Dahil para makuha ang mana mula sa kanya, pinilit kong pakasalan ako ng taong ayaw sa akin.

Parang magnanakaw sa gabi, iniwan ko rin ang taong iyon nang walang paliwanag.

Sarkastiko akong napangiti. Ano kayang gagawin niya kapag nagkita kami ulit? Paano niya kaya ako sisingilin sa kasalanan ko sa kanya?

Hanggang kailan ko ba siya babayaran?

Nanatili ako roon nang halos isang oras bago naistorbo nang tumawag ulit si Julia. Umuwi na raw ako para makapagpahinga na. Ayoko pa sana pero padilim na rin at ayokong maabutan ng gabi roon.

“So, you’re staying for good?” excited na usisa sa akin ni Natasha.

Ilang segundo akong natigilan bago nagsalita, “Isang taon lang ako sa ibang bansa. Makatanong naman ‘to . . .”

“You told me you would stay abroad for a while. When you said ‘a while’, I thought you meant at least five years. But, well,” nakangisi niyang sinuyod ang kabuuan ko, “I guess it’s more fun in the Philippines?”

Inirapan ko siya at sumimsim ng alak. Tumawa ang gaga at muli akong niyakap nang mahigpit.

Hindi ko inasahan na may hinanda palang munting salu-salo si Julia. Naroon sina Natasha, Mariel at Troy, at Kevin. Pupunta raw sana ang ilang kamag-anak namin pero may mga biglaang ganap daw. Hindi naman ako tanga para isiping totoo ang mga ‘yon.

Kung ayaw nila sa akin, mas ayaw ko sa kanila.

“Grabe, ang bilis ng panahon, ano?” ngiting-ngiting sabi ni Mariel pagkaupo sa tabi ko. “Isang taon na rin pala magmula no’ng nabuo tayo nang ganito.”

“Yeah, that’s true,” mabilis na sang-ayon ni Natasha. “Maybe we can travel naman some time. Are you in, Mariel?”

“Tingnan ko.”

“What do you mean ‘tingnan mo’? If Troy won’t let you, hindi ka sasama?”

“Ano na namang paninira tungkol sa’kin pinagsasabi mo diyan, ha, Natasha?” sabad ni Troy na bigla ay nasa tabi ko na.

Napailing-iling na lang ako at binalingan muli ang alak. Mayamaya pa ay ‘nag-aaway’ na ang dalawa. Kung hindi pa lumapit si Julia para magtanong kung anong problema, hindi sila titigil.

Masyado raw akong na-miss ni Natasha kaya naging malapit na rin siya sa magdyowa. Naalala ko na panay ang reklamo sa akin ni Troy noong nasa ibang bansa pa ako. Kung ano-ano raw kasi ang itinuturo ni Natasha kay Mariel.

“Kumusta si Lola?” tanong ko pagkatapos nilang tumawa sa isang malamyang biro.

“Okay naman siya. Masungit pa rin. Ano? Gusto mo bang dalawin? Balak naming magbakasyon nang ilang araw sa probinsya sa susunod na linggo. Puwede kang sumama,” sagot ni Troy.

Nahulog ang mga balikat ko. “Magagalit lang ‘yon ‘pag nakita ako.”

“Matagal na ‘yon. Hindi na ‘yon galit. Nagtatanong nga ‘yon minsan sa’kin kung kumusta ka, e. Subukan mong tawagan mamaya. Tingnan mo, kakausapin ka no’n.”

“Ayaw.”

“Ewan ko sainyong dalawa. Ganyan din sinasabi niya. Bahala nga kayo.”

Hindi na ako umimik.

Ang tagal na rin pala talaga nang huli kaming nagkausap ni Lola Isabel. Hanggang sa umalis ako, ni wala akong narinig sa kanya. Madaling magkimkim ng sama ng loob ang matandang ‘yon at lalong matagal niyang dalhin iyon. Kaya kung galit pa rin siya sa akin magpahanggang ngayon, hindi na ako magtataka.

“Ah, oo. Doon nga raw siya nagtatrabaho. Palaging busy na ang damuho. Hindi na sumasama ‘pag inaaya ko ng inuman.”

Napatingin ako kina Troy na hindi ko namalayang iba na ang pinag-uusapan.

“Really? Wow. Good for him! Akala ko galit pa rin sa’kin kaya ako iniiwasan, e,” sabi ni Natasha.

Tumawa si Mariel. “Galit pa rin naman talaga sa’yo ‘yon!”

“Sinong . . . pinag-uusapan niyo?”

Napatingin sa akin ang lahat. Kitang-kita ko kung paano binawi ang ngiti sa mukha nila. Bigla ay nilamon ako ng pagsisisi kung bakit pa ako nagtanong gayong alam ko naman kung sino ang itinutukoy nila.

Tumikhim si Natasha. “Reiven got recently employed in a government office.”

“Ah, gano’n ba?” paos kong tugon, pilit ang ngisi. “Mabuti naman. Ang tagal niya ring tambay.”

Awkward na tumawa ang tatlo. Dahil biglang nanikip ang dibdib ko, nagpaalam akong magre-restroom muna.

Parang may pakpak ang mga paa ko at hindi ko maramdaman ang bawat hakbang. Na-realize ko kung gaano ako kaapektado nang nakita ko ang sariling mukha sa repleksyon, punong-puno ng sakit at pagsisisi.

Hindi ko na yata talaga mapipigilan pa ang pagkikita namin ulit.

The Dangerous (Quantum Meruit Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon