28 | Cruise

107 10 0
                                    

28 | Cruise

__________

Noong bata pa ako, hindi maganda ang tingin ko sa mga taong nagpapakasal para sa pera. Lalo na sa mga babaeng nagpapakasal sa matandang foreigner para sa maalwang buhay.

Tamad.

Manggugulang.

Oportunista.

Ilan lamang iyon sa makukulay na deskripsyon ko. Kasi ano pa ba naman ang masasabi sa kanila? Nanggagamit sila ng ibang tao para umangat sa buhay. Gusto nila ng pinakamadaling paraan para magkapera.

Pero ngayong matanda na ako at nasa sitwasyong ito, ang pangungutya at pandidiri ko sa kanila ay napalitan ng paghanga at pag-iintindi.

“K-kailangan kong magpakasal para makuha ko ang mamanahin ko kay Arturo,” mabilis kong dagdag. “Gusto niya rin akong makitang ikasal bago siya m-mamatay.”

Ilan sa atin ay pribilehiyo ang magpakasal para sa pag-ibig. Ilan sa atin ay kailangang isakripisyo ang sariling kaligayahan para sa mas praktikal na mga dahilan. Ilan sa atin ay nagdurusa at madalas ay hindi natin iyon maintindihan.

“Maawa ka sa’kin, Reiven,” pagsusumamo ko saka mahigpit na hinawakan ang kanyang kamay. “Kahit ano! Kahit anong hilingin mong kapalit, ibibigay ko. Pakasalan mo lang ako, please . . .”

Nanatiling blangko ang tingin niya at mas lalong nagkandabuhol-buhol ang sistema ko.

Maraming ayaw sa akin dahil mataas daw ang tingin ko sa sarili. Hindi raw ako maabot dahil langit ang gusto kong liparin. Proud ako sa reputasyong iyon. Kaya ngayong ipinipilit ko ang gusto na umabot pa sa puntong luluhod ako kung sabihin niya, nangangati akong hubarin ang sariling balat.

“Kahit ano?”

Sumikdo ang dibdib ko at mabilis na tumango-tango. “O-oo! Kahit ano! Bahay? Kotse? Pera? Ibibigay ko, ibibigay ko. Ano bang gusto mo? Sabihin mo.”

Nagtagal ang titig niya sa akin bago siya muling nagsalita, “Bakit ako?”

Lumuwang ang pagkakahawak ko sa kanya. “H-ha?”

“Puwede namang iba. Bakit ako ang gusto mo?”

Marami akong baon na pansagot sa bawat tanong niya. Puwera sa gusto niyang malaman.

Bumuntong-hininga siya, sumandal sa kinauupuan, at humalukipkip. “Ba’t hindi na lang ‘yong ugok na nirereto sa’yo ng lolo mo?”

“A-ayoko.”

Tumaas nang bahagya ang kilay niya.

“Naisip ko kasi na . . . na kung ikakasal ako, gusto ko sa’yo.”

Nanlaki ang mga mata niya. Hindi nagtagal ay namula ang buong mukha niya at leeg. Nalito pa ako noong una. Pero nang na-realize ko kung bakit, alam kong naging mas mapula pa ako kaysa sa kanya.

“P-para sa mana, siyempre!” sagip ko sa sarili. “Pero kung . . . kung . . .”

“Kung ano, Astrud?”

The Dangerous (Quantum Meruit Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon