20 | Husband
_____________
“He’s stable now. For the meantime, dito muna siya para mas mabantayan nang maigi.”
Marami pang ipinaliwanag ang doktor na hindi ko nasundan. Kaya pinili ko na lamang maupo at hayaan roon si Julia.
Nasa hapag-kainan daw si Arturo nang bumigat ang paghinga nito hanggang sa nawalan ng malay. Ang sabi ng doktor ay mabuti raw na mabilis na nadala siya rito sa ospital.
Umalon ang lalamunan ko habang pinagmamasdan ang mga daliri kong kinakamot ang isa’t isa. Ito ang unang pagkakataon na dinala siya sa ospital magmula nang lumipat ako sa mansion niya. Kaya hindi ko alam kung anong pakiramdam ang unang bibigyan ng atensyon.
“He’ll be conscious anytime from now,” sabi ni Julia, sumisinghot, pagkaupo niya sa tabi ko. “Don’t worry too much.”
“Palagi po bang nangyayari ‘to sa kanya?”
Umiling-iling siya. “I think this is the second time. Mabuti na lang at hindi nabagok ang ulo niya. It would have been another burden for him.”
Hindi na ako nagsalita.
Nanatili kaming nakaupo roon, nag-aalala at naghihintay. Paminsan-minsan ay kinailangan ni Julia na lumayo para sagutin ang mga tawag sa kanya. Nag-usap na lamang kami ulit nang ayain niya ako sa kuwarto ni Arturo matapos mailipat ang huli.
Nanikip ang dibdib ko habang pinagmamasdan ang matanda. Nakaukit sa mukha niya ang mga kapansanan ng edad niya. Bigla ay mahirap alalahanin ang mga ngiti niya sa akin.
“Ang sabi ng doktor, w-we should spend more time with him,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Julia. “H-he could really leave us anytime, Astrud.”
Lumunok ako at nag-iwas ng tingin.
Nang sumunod na mga minuto ay hinayaan ko si Julia na manatili sa tabi ng matanda. Hindi siya matigil sa pag-iyak. Kaya mas lalong bumigat ang puso ko.
Kung mawala na nga siya, anong sunod kong gagawin?
“I’ll be back, okay? Hindi ako magtatagal,” dagdag ni Julia habang iniipon ang mga gamit niya.
“Opo.”
Makalipas ang halos isang oras at hindi pa rin nagigising si Arturo, nagpaalam si Julia na babalik muna sa bahay nila at magbibihis. Umuwi na lang daw ako pagkabalik niya.
Hindi ko na sinabing ipinadala ko na sa katulong ang mga kakailanganin ko rito.
Idinikit ko ang likod sa upuan at humalukipkip. Pare-parehas nga lang talaga tayong lahat sa mata ng Diyos. Ano ka man, sino ka man, mamamatay ka rin. Nasaiyo man ang pera ng buong mundo, magkakaproblema ka pa rin.
Bumuga ako ng hangin, pilit ikinalma ang sarili.
Mamamatay si Arturo. At may posibilidad na baka sumunod din ako.
Ginusto ko lang namang guminhawa ang buhay. Dahil wala akong ibang naging alam kundi kung paano tipirin ang kakarampot na pera hanggang sa susunod na akinse. Hindi naman iyon masama, a.
Pero bakit ang dami-daming hinihingi sa aking kapalit?
Naalerto ako nang mahinang umungol ang matanda. Halos madapa ako nang tumakbo patungo sa kanya.
“Nandito po ‘ko,” sabi ko sa kanya saka hinawakan ang kanyang kamay.
Unti-unti siyang nagmulat. Tila may pumiga sa puso ko nang ngumiti siya at nagkaroon ng buhay ang kanyang mga mata.
BINABASA MO ANG
The Dangerous (Quantum Meruit Series #2)
General FictionAstrud C. Ventura - the dangerous. * * * Hanggang saan ang kaya mong gawin para sa pera? Astrud hated her life. She was poor as hell and completely an ophan. Noong naglilinis yata ang langit, nakabuka ang bibig niya para saluhin ang lahat ng kamalas...