29 | Boyfriend

118 12 2
                                    

29 | Boyfriend

_____________

Sigurado na ako sa gusto kong mangyari.

Tuwang-tuwa ang lahat sa cruise na pinaplano ko. Lalo na sina Mariel at Troy. Iyon ang bukambibig nila sa tuwing dumadalaw ako. Dahil yata roon kaya mas magiliw at mas mabait sila sa akin. Palagi na kasi silang may pahanda kapag dumarating ako.

Pero, siyempre, may isang gustong sirain ang plano ko.

“Bakit daw po?” tanong ko kay Tita Vilma, aligaga sa sinabi niya.

“Hindi ko alam, hija. Basta ayaw niya raw sumama.”

Ayaw sumama ni Reiven! Hindi puwede ‘yon. Siya ang dahilan ng lahat ng ‘to. Kung hindi siya sasama, ano pang saysay ng cruise?

Hindi mapakaling pinisil-pisil ko ang ibabang labi. Ano kayang puwedeng gawin ko para magbago ang isip niya? Ayokong gumastos nang pagkalaki-laki, magplano nang sobrang kumplikado, tapos para lang sa wala.

Nasa ganoon akong pag-iisip nang narinig kong tumawa si Tita Vilma.

“Bakit po?” tanong ko.

Umiling-iling siya. “Wala. Naalala ko lang si Reiven sa’yo. Ganyan din ang ekpresyon niya minsan ‘pag napag-uusapan ka.”

Hindi ko alam kung ngingiti ako o ano. So, problemado rin pala talaga sa akin ang gunggong. Kung namomroblema ako dahil gusto ko siyang pakasalan, namomroblema rin ba siya dahil ayaw niya ‘yon?

Kunsabagay. Kung baliktad ang sitwasyon, malamang ay naiirita rin ako sa pamimilit sa akin.

Pero ako ang taya ngayon. Ako ang nangangailangan. Ako ang handang lumuhod para mapagbigyan niya. Kaya kung anumang reaksyon niya, mabuti man o hindi, dapat ko lang ignorahin.

Sumubsob na ako sa pinakamalalim na parte ng impyerno. Wala na akong panahong makonsensya.

“Puwede ba ‘kong magtanong, hija?” untag sa akin ng ginang na humampas sa akin sa realidad.

“Sige po. Ano po ‘yon?”

Ilang segundo siyang nag-atubili bago niya nabaybay ang mga dapat na salita, “May gusto ka ba sa anak ko?”

Napatitig ako sa kanya, walang salitang dumudulas sa bibig. Ganundin siya sa akin. Lumipas ang ilang sandali at gumuhit ang pagsisisi sa mukha niya.

Nang naramdaman kong magsasalita na siya para aluin ang sitwasyon, inunahan ko na siya, “Opo, Tita.”

Ang peke niyang ngiti ay napalitan ng taimtim na gulat. Tumikhim ako at mabilis na pinunasan ang pawis na namuo sa sariling leeg.

Para sa mana. Para sa magandang buhay.

“Ga’non ba . . .” aniya mayamaya. “E di totoo ‘yong . . . ‘yong naabutan ko kayo  dito na . . .”

Kumunot ang noo ko bago luminaw sa akin ang ibig niyang sabihin. Gusto kong ipakita na natural ang lahat – na walang kaso sa akin iyon. Pero uminit ang buong mukha ko. Hindi niya kailangang buksan ang ilaw para makita kung paanong binalikan ko ang pagkakataong iyon.

“Kung gano’n, masaya ako.”

Nasamid ang mga mura ko para sa sarili sa sinabi niya. Mabini ang ngiti niya, na para bang nabunutan siya ng tinik.

Pero bakit?

“Kung gugustuhin niyo mang magpakasal, hinding-hindi magiging problema sa’kin ‘yon. Kasi kilala kita.” Mas lumawak ang ngiti niya. “Alam mo, sa totoo lang, gustong-gusto na kita para kay Reiven noon pa man. Nasubaybayan ko ang paglaki niyong dalawa. Magkaaway kayo parati pero kayo lang din ang magkakampi. Kaya kung magdesisyon kayong magpakasal, ako ang unang-unang matutuwa para sainyo.”

The Dangerous (Quantum Meruit Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon