05 | Sinungaling

186 12 1
                                    

05 | Sinungaling

_____________

“Akala ko ba hindi ka pupunta?”

Ipinaikot ko ang mga mata at mas binilisan ang pagtingin-tingin sa mga damit. “Ako ang magiging pulutan nila ‘pag ‘di ako sumipot. At ‘tsaka makikikain ako. Do’n man lang makabawi ang bruhildang ‘yon sa mga katarantaduhan niya sa’kin no’n.” Kinuha ko mula sa hilera ang mumurahing kulay itim na pantsuit. “Magkano ‘to, miss?”

“Hindi ko talaga ma-gets isip mo,” sabi ni Reiven at buryong ang mukhang lumapit sa akin. “Ayaw mo naman pala pumunta pero pupunta ka pa rin. Alam mo naman ugali no’n at ng mga kaibigan no’n. Alam mo rin ang mangyayari. Pero, sige. Bahala ka. Madalas ka namang tanga kaya sagarin mo na.”

Kamuntikan ko nang ibato ang hawak na pantalon sa kanya. “Ang lakas ng loob mong tawagin akong tanga. Sino kaya ‘yong pumayag sa sex lang tapos umiiyak kasi ipinagpalit sa mayaman?”

Hindi niya iyon inaasahan kaya pinandilatan niya ako matapos luminga-linga. Arogante ko siyang tinaasan ng kilay at in-enjoy ang pagkasupalpal niya.

Akala niya, a.

“Pero seryoso? Pumayag ka talaga ro’n?” natatawang tanong ko pagkalabas ko sa fitting room at suot ang pantsuit.

Mas bumusangot ang damuho. “Huwag na nga nating pag-usapan.”

Lumakas pa ang tawa ako at umikot sa kanyang harapan. “Okay na ba ‘to?”

“Halatang trying hard.”

Umismid ako at inirapan siya. Pero alam kong ako ang panalo sa aming dalawa kaya hindi rin naman ako masyadong napikon.

Nalaman ko kahapon na iyong niligawan niya na si Maricris ay may bagong boyfriend. Nag-ilang linggo lang sila noong isa. At sa maikling panahon na bakante si Maricris, si Reiven iyong pumupuno. Kaya ngayong may bagong boyfriend na ang babaita, umiiyak-iyak ang buwisit.

“Hindi mo masisisi si Maricris,” sabi ko habang papunta na kami sa motor niya. “Mahirap ang buhay kaya walang oras para maniwala sa pag-ibig. May sakit ang nanay niya tapos magkokolehiyo ‘yong bunso niyang kapatid. Wala ka namang pera kaya ‘di ka talaga no’n seseryosohin. ‘Tsaka bakit ka ba umasa sa kanya? Noong kumunsinti ka na maging ‘libangan,’ hindi niya na problema kung masaktan ka.”

Iritado ang hanging ibinuga niya. “Ang mahirap kasi sainyong mga babae, gusto niyo ng maalwang buhay pero inaasa niyo sa mga lalaki.”

“Bobo ka ba? Hindi lahat ng babae ay may choice—”

“Kaya ano?” putol niya sa akin. “Mag-aasawa ng mayaman, manggugulang ng mga matandang Amerikano? Iaasa sa iba ang pag-ahon sa kahirapan?”

“Hindi ‘yan gawain ng mga babae lang. Ang taas-taas naman ng tingin mo sa mga kabaro mo, a. At kung choice man nilang magpakasal para sa maginhawang buhay, sino ba tayo para humusga?”

“Hindi dapat pera ang dahilan para magpakasal, Astrud.”

“Kung kumakalam ang tiyan mo, mabubusog ka ba ng pag-ibig?”

Nagtitigan kaming dalawa, parehas na kumbinsido sa sariling opinyon.

“Ikaw ba?” basag niya sa katahimikan mayamaya saka mapanuksong ngumiti. “Magpapakasal ka para sa pera o para sa pag-ibig?” Akma akong sasagot nang pinaningkitan niya ako ng mga mata saka nag-iwas ng tingin at ipinagpatuloy ang paglalakad. “Hindi ka naman pala romantic. Ba’t pa ako nagtanong?”

“At anong ibig mong sabihin, ha?”

Humalakhak lamang siya at tinanggap ang hampas ko sa kanyang balikat.

The Dangerous (Quantum Meruit Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon