25 | Mahalin

136 9 1
                                    

25 | Mahalin

___________


Nanatili ang mga mata niya sa akin. Tinitigan ko rin siya pabalik, nagdarasal at nagbabakasakali.

Kahit kailan ay hindi sumagi sa isip ko na darating ako sa puntong ito. At siya - sa lahat pa ng tao.

"T-teka. Sa'n ka pupunta?" nagpa-panic na tanong ko nang walang ano-anong iniwan niya ang kinauupuan.

"Nababaliw ka na talaga," aniya at nagngingitngit.

Hindi naman ito ang unang beses na nakita ko siyang seryoso. Pero ngayon ko lang nasiguro na hindi ko yata siya ganoon kakilala katulad ng iniisip ko.

Marahas akong tumayo. "Hindi pa tayo tapos mag-usap!"

"Mag-usap tayo ulit 'pag nakainom ka na ng gamot mo." At tinalikuran niya ako, walang pakialam kung unti-unti akong natutunaw.

Ilang mura ang dumulas sa bibig ko.

Bakit ba hindi niya muna ako pagsalitain? Ayaw niya ba ng ino-offer ko? Ibibigay ko anuman ang gustuhin niya! Mahirap siya at halos walang direksyon ang buhay. Hanggang saan siya dadalhin ng prinsipyo niya?

Kumabog ang dibdib ko nang nakitang hindi nga siya nagbibiro. Iiwan niya nga ako!

"Mahal kita!"

Hindi ko alam kung saang parte ng katawan ko naipon ang tapang para sabihin iyon sa ikalawang pagkakataon. Dahil nasisiguro kong hindi sa puso at kaluluwa.

Pero okay na rin dahil natigilan siya - narinig niya ako. Iyon naman ang importante.

Ngunit ang saya ko ay agad ding nawala nang naalala kung nasaan kami.

"Ang cute naman."

"Are they a couple?"

"Ganyan na ba ang kabataan ngayon?"

Nasa restaurant nga pala kami!

Nag-iinit ang mga pisnging hinablot ko ang bag, itinakip sa mukha, at nagmamadaling umalis. Nakakahiya!

Bakit ko ba 'yon ginawa?

Lumipas ang mga araw at napapanaginipan ko pa rin ang eksenang 'yon. Hindi ako kinontak ni Reiven tungkol doon kaya inisip ko na lang na baka hindi naman siya masyadong galit. O baka masyado siyang galit kaya hindi niya ako magawang kausapin pa?

Huwag naman sana. Sayang ang pagkawala ng dignidad ko para lang magalit siya sa akin. Pero hindi ko naman siya masisisi kung ganoon nga.

"You're healthy, Miss Ventura."

Kumurap ako. "Po?"

"You don't have leukemia," sabi ng matandang doktor habang nakangiti.

Nanatiling nakabuka ang bibig ko, hindi makapaniwala.

Wala akong leukemia? Hindi pa ako mamamatay?

"P-pero sabi ng naunang doktor . . ." nanginginig na tugon ko.

Nakakaintinding tumango-tango siya. "Yes. You showed me your test results. I don't know what happened. But in my own examination, you are healthy, Miss Ventura."

Tinitigan ko ang mga papel na ibinigay niya na patunay na wala akong sakit habang sinasabi niya ang mga puwede ko pang gawin kung hindi rin ako kumbinsido sa resulta niya.

Noon, naniniwala akong makukumbinsi lamang ako kung naiintindihan ko nang mabuti ang isang bagay. Pero nang pagkakataong iyon, wala akong maintindihan sa mga nakasulat sa papel pero kumbinsido ako at masayang-masaya.

The Dangerous (Quantum Meruit Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon