38 | Dignity

107 10 1
                                    

38 | Dignity

_______

Tamang-tama lang ang apartment. Tipikal at wala namang kakaiba. Maraming suggestion na idagdag at ibawas si Natasha na paminsan-minsan lang pinakikinggan ni Reiven. Mukhang totoo nga 'yong narinig ko na hindi rin sila ayos.

"Wow. This tastes really good! What's this brand?" manghang tanong ni Natasha matapos sumimsim ng kapeng inihanda ni Reiven para sa amin.

Tiningnan lang siya ng huli bago ako binalingan. "Nangongolekta ng basura kada Lunes dito. Kaya ilabas mo na lang ng umaga. Hindi rin ako umuuwi nang tanghali."

Kinuha ko ang walang lamang stick ng kape at inabot kay Natasha. "Marami rin akong ginagawa kaya madalas din akong mawawala rito. Gusto mong kumuha ng katulong?"

"How much is this?" walang kamuwang-muwang na tanong pa ng katabi ko.

Iritadong bumuntong-hininga si Reiven at naglapag ng dalawang piso sa harap ni Natasha habang nakatitig sa akin. "Hindi natin kailangan ng katulong. Hindi praktikal."

"What's this for?"

Binalingan ni Reiven si Natasha. "Bumili ka ng kausap mo."

Inis na kinuha ko ang dalawang piso at ibinagsak sa harap niya. "Wala nga ako rito madalas. Sinong gagawa ng mga gawaing-bahay dito?"

Kumunot-noo siya. "Bakit? Hindi ka ba uuwi t'wing gabi?"

"Depende."

"Anong 'depende'? Okay lang na wala ka rito kapag umaga. Pero dapat nandito ka t'wing gabi."

"Hindi mo ba 'ko narinig? Busy din akong tao. May mga pagkakataon talagang 'di mo 'ko makikita nang ilang araw. O kaya malalaman mo lang na nasa eroplano na 'ko."

Umamo ang kanyang tingin. "'Ilang araw'?"

Tumikhim ako. "Minsan, mga tatlong araw. O kaya one week."

"Anak ng . . ." bulong niya. "Ba't naman ganyan katatagal?"

"You can come with her naman if you want."

Sabay kaming napatingin kay Natasha at napayuko siya nang bahagya. "Sorry."

"Hindi ko naman makokontrol kung ilang araw ako mawawala," sabi ko. "Basta sasabihan naman kita. Huwag kang mag-alala."

"Dapat lang," sang-ayon ni Reiven. "Hindi ka na mag-isa sa buhay ngayon."

Hindi na ako umimik.

Oo nga. Hindi na ako puwedeng magdesisyon ngayon nang hindi ikinokonsidera ang opinyon niya. Mag-asawa kami. Ito ang bunga ng mga naging desisyon ko noon.

Matapos ang miryenda ay nagpaalam nang aalis si Natasha. Sinabihan niya akong habaan daw ang pasensya sa 'asawa' ko dahil parricide ang magiging kaso ko kung sakali. Kamuntikan ko na siyang sipain papunta sa pinto.

"Isa lang ang kuwarto?" gulat na tanong ko kay Reiven.

Sinulyapan niya ako habang abala sa paghuhugas ng mga pinagkainan. "Congrats. Hindi ka bulag."

Pinaglololoko niya ba ako?

"Ba't isa lang?" halos isigaw ko sa kanya. "E, dalawa tayo!"

"Problema ba 'yan?" Humarap siya sa akin habang pinupunasan ang mga kamay. "E di tabi tayo matulog."

Alam kong maririnig ko 'yon sa kanya. Pero bakit mas nakakagulat kapag nalalapatan ng tono?

"Ayoko nga! Pumayag na nga 'kong tumira kasama mo. Tapos pati ba naman sa pagtulog, magkatabi tayo?"

The Dangerous (Quantum Meruit Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon