08 | Raket
__________
“I’m really happy to see you again, Astrud.”
Ngumiti ako kay Julia, na pinilit niyang itawag ko sa kanya, saka tumango-tango. “Ako rin sainyo. Kumusta kayo?”
“We’re doing fine. I hope you are, too.”
Lumawak ang ngiti ko.
Sino bang mag-aakala na muli kaming magkikita? Noong naghiwalay kami nang araw na iyon, hindi ko binalak na ikontak si Julia. Kusang-loob iyong pagtulong ko sa anak niya at hindi na kailangan pa ng kung anong kapalit. Basic human decency, ika nga. Kaya hindi ko lubos maisip na nasa mansion nila ako ngayon at magiging tutor ni Kevin.
Sobrang yaman pala nila. Nakakalula! Mansion ang tinitirhan nila at ang daming sasakyan. Tapos ang ganda-ganda pa ni Julia at ang cute ni Kevin.
Sobrang blessed nila sa buhay.
Sana lahat, hindi ba?
“Ate Astrud!”
Nilingon ko ang tumawag. Naniningkit ang mga mata sa pagkakangiti na tumakbo papunta sa akin si Kevin. Kaya pagkalapit niya ay mabilis ko siyang kinarga at isang beses na ipinaikot. Humagikhik siya kaya natawa na rin ako.
“Kumusta, bata?” malambing kong tanong.
“Okay lang po.”
Ang cute!
“He’s been so fond of you,” imporma sa akin ni Julia nang ibaba ko ang anak niya. “Kaya hindi ka mahihirapan na turuan siya.”
Pinag-usapan na namin ang schedule para sa pag-tutor ko. Okay na raw na three hours weekly at tuwing weekend lang. Pabor na pabor iyon sa akin lalo at ang sasahurin ko ay kasinlaki na yata ng kinikita ko sa convenience store.
Nasabi niya sa akin na marami nang naging tutor si Kevin at halos walang nagtatagal. Maldito raw kasi. Kaya napilitan silang mag-post sa ilang daan sa lungsod para makahanap. Pero in-assure niya ako na mukhang gusto ako ni Kevin kaya huwag akong mag-alala.
“So, let’s meet again next week. Kevin, say your goodbye to your Ate Astrud,” sabi ni Julia sa anak pagkalabas namin sa mansion nila.
Kevin cutely waved at me. “Bye-bye, Ate!”
“Bye-bye, Kevin,” bati ko pabalik at kumaway din.
Sa wakas, may part-time job na ako! Akala ko talaga ay puro na lang kamalasan ang mararanasan ko. Hindi pa naman pala ako ganoon kasama para hindi pakinggan ang mga ipinagdarasal ko!
Magpapaalam na rin sana ako kay Julia ngunit natigilan ako nang nakita kong titig na titig siya sa akin. Napansin niya rin yata ang tingin ko kaya mabilis siyang ngumiti at sinabi sa driver na ihatid na ako.
Weird.
Pagkapasok sa kotse ay pinagmasdan ko ang mukha sa salamin. Wala namang dumi. Bakit ganoon siya makatingin?
“Thank you po,” magalang kong sabi sa driver pagkahimpil nito sa gilid ng kalsada.
Pagkalabas ko sa kotse ay napatingin ang ilan sa kapit-bahay namin. Siyempre, taas na taas ang noo ko. Minsan lang ako ihatid ng ganoong sasakyan kaya lulubusin ko na ang pagyayabang.
Ano kayang malalaman kong tsismis bukas tungkol sa akin? Wala namang maniniwala kung kumalat ulit na may jowa akong dirty old man.
Sana bago naman ang ipagsabi nila.
“Hoy!”
Kamuntikan na akong mabulunan nang malakas na ipinatong ni Reiven ang kamay niya sa kanang balikat ko. Buwisit talaga!
“Tatlo nga pong kwek-kwek,” sabi ng damuho saka muli akong binalingan. “Kaninong kotse ‘yon kani – aray, ‘tang ina!”
Siyempre, lintik lang ang walang ganti. Malakas ko siyang hinampas sa braso.
“O, ano? Masakit, ‘di ba?” sarkastikong sabi ko sa kanya.
Sinamaan niya ako ng tingin habang hinihimas ang braso niya. “Kahit kailan talaga . . .”
“Wow. Galing pa talaga sa’yo? Para ‘yon lang, e. Ang OA mo talaga.”
Umismid siya. “May raket sana ‘kong io-offer sa’yo pero ‘wag na lang.”
“Talaga! Hindi ko kailangan—”
Natigilan ako. Pinandilatan niya ako ng mga mata, naghahamon.
Raket?
Tumikhim ako at lumapit sa kanya. “Anong raket ‘yan?”
Pumalatak siya at lumayo sa akin. “Ang kapal ng mukha mo. Matapos mo ‘kong saktan—”
“Libre kita, libre kita.” Binalingan ko ang tindero. “Manong, ako na po magbabayad sa kakainin niya.” Ibinalik ko ang atensyon kay Reiven. “O, anong raket nga ‘yan?”
“Sa probinsya,” tugon niya saka tumuhog na ng mga calamares.
Sana naman hindi niya masyadong damihan. “Malapit lang?”
“Oo. Halos isang oras lang ang layo.”
“Ano bang gagawin?”
“Magko-costume lang,” tugon niya habang ngumunguya. “Birthday kasi no’ng anak ng mayor kaya may malaking celebration.”
Kumunot ang noo ko. “Magma-mascot?”
“Oo. Ayaw mo?”
“Ayoko!”
Desperada ako sa pera pero hinding-hindi ko ipahihiya ang sarili ko!
“Okay, bahala ka,” balewala niyang sabi. “Ayain ko na lang si Erica. Limanlibo rin ‘yon—”
“Ikaw naman. Ba’t ‘di mo agad sinabi?” Inangkla ko ang braso sa kanya. “Kailan ba ‘yan?”
Sa susunod na linggo raw iyon – Sabado. Hapon daw ang celebration kaya tanghali ang alis.
Pakanta-kanta ako habang pauwi sa bahay. Grabe, ang suwerte ko talaga ngayon. Sana tuloy-tuloy na.
Ngiting-ngiti ako pagkapasok ko sa bahay na agad ding nawala nang napagsino ang bisita kong prenteng nakaupo na parang donya.
“Ate Astrud!” patiling bati sa akin ni Natasha bago tumakbo papunta sa akin sabay yakap. “Grabe, kanina pa kita hinihintay! Where have you been?”
Utang na loob.
![](https://img.wattpad.com/cover/227677989-288-k349753.jpg)
BINABASA MO ANG
The Dangerous (Quantum Meruit Series #2)
General FictionAstrud C. Ventura - the dangerous. * * * Hanggang saan ang kaya mong gawin para sa pera? Astrud hated her life. She was poor as hell and completely an ophan. Noong naglilinis yata ang langit, nakabuka ang bibig niya para saluhin ang lahat ng kamalas...