41 | Magpapagamit

119 10 0
                                    

41 | Magpapagamit

______

Hindi ko alam kung mapa-flatter ako sa sinabi niya. Na-in love sa akin kahit alam niya ang lahat ng masasama sa akin? At mai-in love sa akin nang paulit-ulit?

Akala ko ay sa mga teleserye lang ‘yon.

Kunsabagay.

Ang pag-ibig naman ang maganda. Hindi madalas ang taong pinag-aalayan.

Pagkabalik namin sa bahay, excited ulit ang lahat para sa sayawan sa plaza. Dahil hindi ako sumama sa mga ganap kagabi at uuwi na kinabukasan, wala akong kawala sa pangungulit nila. Hindi naman talaga ako sumasayaw pero lilibangin ko na lang siguro ang sarili sa paghahanap ng mga kakilala.

“Lola . . .” wala sa sariling sabi ko nang naabutan siya sa kusina at naghihiwa ng mga gulay.

Hindi niya ako sinulyapan o anupaman. Ipinagpatuloy niya ang ginagawa na para bang wala ako roon.

Gusto kong umiyak at yakapin siya. Ang tagal na rin nga talaga nang nagkausap kami na hindi galit sa isa’t isa. Na-miss niya rin kaya ako?

Kaming dalawa lang ang nasa kusina. Paminsan-minsang dumaraan ang mga nagluluto para kumuha ng mga ingredient o kaya ay sandok. Busy din sa paliligo ang mga pinsan ko na naunahan ko sa banyo.

Kalkuladong lumapit ako sa kanya. Nang wala naman siyang reaksyon ay marahan kong kinuha ang isa pang kutsilyo at sangkalang nasa mesa. Pagkatapos ay kumuha ako ng isang buong repolyo at sinimulang hiwain din iyon.

“Uuwi na kayo bukas?”

Kamuntikan ko nang mabitiwan ang hawak nang bigla siyang nagsalita. Nasa ginagawa pa rin ang atensyon niya, na para bang araw-araw na pangyayari ang pag-uusap namin ngayon.

“Ah, o-opo,” sagot ko at naghiwa ulit. “May trabaho po kasi si Reiven. May mga kailangan din po ‘kong asikasuhin.”

“Kasal na talaga kayo?”

Natigilan ako at napatingin sa kanya. Bumagal ang paghiwa niya sa carrot saka dahan-dahan akong nilingon.

Natatandaan ko noong sinabi niya na gusto niya akong makitang ikasal. Pero wala siya nang nangyari iyon.

Hindi ko na napigilan ang sarili. Binitiwan ko ang mga hawak at lumapit sa kanya saka siya niyakap. Akala ko ay itutulak niya ako. Ngunit nang naramdaman ko ang marahan niyang paghagod sa likod ko, hindi ko na napigilang umiyak.

“S-sorry, Lola . . .” sabi ko sa gitna ng mga hikbi.

“Wala kang kasalanan,” tugon niya sa basag na tinig. “Ako dapat ang humingi ng sorry. Hindi kita inintindi, apo ko.”

Mas lumakas ang pag-iyak ko. Mayamaya ay narinig ko na rin ang mga hikbi niya. Matagal kaming ganoon at naabutan kami ng lahat. Tinukso pa kami at kung ano-ano. Kung hindi pa pinagalitan ni Lola Isabel ay hindi sila titigil.

Pakiramdam ko ay may naalis na bara sa ilong ko at nakakahinga na ako nang mas maluwag. Akala ko ay ako lang ang may gustong plantsahin ang gusot – na uuwi ako sa lungsod na hindi naaayos ang relasyon naming dalawa. Napakasaya ng puso ko na nangyari ang noon ko pa ipinagdarasal.

Isinama namin sa sayawan si Lola Isabel. Ako ang nasa tabi niya sa lahat ng pakikipaghuntahan niya na palaging natatanong ang biglaan kong pagiging heredera. Minsan din nababanggit ang pagpapakasal namin ni Reiven na maingat niya namang sinagot.

Sobrang na-enjoy ko ang gabing ‘yon. Kaya kahit maaga ang flight bukas ay halos mag-aalas dos na kami umuwi.

“Sa amin po kayo mag-celebrate ng Pasko, ha,” ulit ko kay Lola Isabel matapos kong ipasok ang duffel bag sa van.

The Dangerous (Quantum Meruit Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon