04 | Invitation Card

198 11 0
                                    

04 | Invitation Card

__________________

Nagkamalay ako sa mundong ito nang walang mga magulang. Si Lola Isabel na ang kumupkop sa akin at nagpalaki kasama ang pamilya ni Troy. Namatay ang tatay ko sa isang aksidente sa trabaho at hindi iyon nakayanan ng nanay ko kaya sumunod siya bago ko pa man mamulat ang mga mata.

Bumuntong-hininga ako at ipinatong ang isang bungkos ng mumurahing mga bulalak sa puntod. “Happy birthday in heaven ulit, ‘Tay.”

Nabuhay akong ulila at wala sila sa tabi ko. Minsan nga ay hindi ko naman madama na may kulang sa akin. Pero kapag mga ganitong okasyon ay nakadarama ako ng nakakarupok na kalungkutan. Maraming tanong at pag-iisip kung ano ang sitwasyon kung hindi sila nawala.

Hindi kaya ganito kahirap ang buhay? Kung narito sila, hindi kaya ako nagmadaling tumanda?

“Mabuting tao ang tatay mo, Astrud,” sabi ni Lola Isabel nang palabas na kami sa sementeryo.

Ngumiti ako at sinipa ang nag-iisang maliit na bato. “Palagi niyo pong sinasabi sa’kin ‘yan tuwing birthday niya.”

Naniniwala naman akong mabait nga talaga ang mga magulang ko. Bukod kay Lola Isabel na nanay ng aking ina, marami rin talagang nagsasabi kung paanong kinagiliwan sila ng mga tao rito. Matulungin daw ang tatay ko samantalang ubod naman daw ng bait ang nanay ko. Match made in heaven, ika nga.

“Marami siyang isinakripisyo para sainyo ng nanay mo,” patuloy niya.

“Siyempre, tatay ko siya.”

“Kaya ‘wag kang magagalit sa kanya lalong-lalo na sa nanay mo.”

Hindi ako nakaimik.

“Hindi nila kasalanang namatay sila nang maaga at iniwan ka.”

Gusto kong sabihin na hindi man lang naisip ng nanay ko na sanggol pa lamang ako nang iniwan niya rin ako pero ayoko nang humaba pa ang usapan. Hindi rin naman maiintindihan ni Lola Isabel at baka masabihan pa akong isip-bata.

Pagkatapos noon ay parehas kaming natahimik. Alam kong marami pang gustong sabihin si Lola Isabel pero pinili niya na munang maging pipi. Mabuti rin iyon dahil wala akong lakas makinig pa at wala na rin akong espasyo para magkimkim ng damdamin.

“Kailan po kayo babalik sa probinsya, ‘La?” usisa ko pagkalabas namin sa sementeryo.

“Sa makalawa. Mamimili muna ako ng mga paninda.”

“Bakit po kasi hindi na lang kayo rito tumira kasama namin nina Troy? Mag-isa na lang naman kayo sa probinsya.”

“Ay, hayaan mo ‘ko. Wala naman kaso sa’kin kung mag-isa lang ako.”

Bumusangot ako. Ilang beses ko na siyang pinilit na tumira kasama namin at ayaw niya pa rin talaga. Mag-isa na siya sa probinsya kaya hindi ko maiwasang palaging mag-alala. Matanda na rin kasi siya at nagkakasakit.

“Astrud.”

Mula sa paglinga-linga para makahanap ng masasakyan, ibinaling kong muli ang atensyon kay Lola Isabel. “Ano po ‘yon?”

Madalas namang seryoso ang lola ko pero hindi ko mapangalanan kung paano niya ako tingnan ngayon. “Piliin mo palagi ang umintindi at magmahal. Hindi nagtatagal ang mga materyal na bagay.”

Sa gulat ko sa sinabi niya, hindi ako nakaimik.

Bakit parang kasalanan ko na marami akong hinihiling na wala sa akin? Ganoon naman, hindi ba? Kapag wala saiyo, hihilingin mo. Dahil kung nariyan na simula’t sapul, bakit ka pa maghahangad?

The Dangerous (Quantum Meruit Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon