37 | Consequence
___________
"Nababaliw ka na ba? Ba't sinabi mo 'yon?"
Bored niya akong tiningnan. "Ang dami kong sinabi kanina—"
"Hindi kailangang malaman ng lahat na kasal tayo, Reiven! Ano ba! Hindi ka man lang ba nag-isip?"
Noong ikinasal kami ng kapitan ng barko, wala naman akong pakialam kung malaman man 'yon ng lahat. Mas pabor nga iyon kung mabalitaan ng mga kakilala namin para mas maging realistic. Pero ngayong nagkausap na kami at nagdesisyong itama ang pagkakamali, mas makabubuti na manatiling walang alam ang mga hindi nakabalita.
Tapos ganoon ang sinabi niya kanina?
"Pa'no na 'yan? Pa'no natin ipapaliwanag na maghihiwalay na rin tayo?" kunsumidong patuloy ko habang paroo't parito. "Ikaw naman kasi!"
"Wow, ha. Ikaw pa talaga ang may ganang magalit ngayon?"
Natameme ako at napatitig na lamang sa kanya. Dahil nasa likod niya ang poste ng ilaw, mas nakakatakot siyang pagmasdang nagsasalubong ang mga kilay.
Oo nga pala.
"Totoo naman, a. Asawa mo 'ko. Mag-asawa tayo. Anong masama sa sinabi ko?" dagdag niya.
Huminga ako nang malalim. "Okay, sorry. Kinabahan lang ako kasi—"
"Na malaman nila na kaya tayo ikinasal dahil sa panloloko mo? Na nagpanggap kang mamamatay para maikasal sa'kin?"
Pakiramdam ko ay may tumubong malaking bato sa lalamunan ko. Nakikita kong tuwang-tuwa siyang wala akong masabi – at alam niya na iyon simula't sapul.
"Wala naman sana tayo sa sitwasyong 'to kundi dahil sa'yo," matabang niyang sabi mayamaya.
"Ang akin lang naman, sana hindi mo na sinabi sa kanila 'yon. Kasi maghihiwalay din naman tayo. Hindi na nila kailangang malaman pa."
"Sinong nagsabing makikipaghiwalay ako?"
Napamulagat ako. "Nag-usap na tayo, 'di ba? Na kokonsulta ako sa abogado para makapaghiwalay na tayo?"
Pinaningkitan niya ako ng mga mata bago siya pumikit at umiling-iling na para bang may naalala. Napahawak ako sa dibdib saka bumuntong-hininga.
"Change of plans," aniya. "Ayoko na palang makipaghiwalay."
Ha?
Kinakabahang tumawa ako. "Anong ibig mong sabihin? Maghihiwalay na tayo. Iyon 'yong gusto mo."
Humalukipkip siya at mataman akong tinitigan. Pakiramdam ko ay may natutunaw sa loob ko. Kamuntikan na akong umatras kung hindi ko lang naalalang kailangan kong magtapang-tapangan.
"Sa tingin mo, gano'n lang kadali lang ang lahat?"
Napakurap-kurap ako. "W-wala 'kong sinabi—"
"Baka nakakalimutan mo, Astrud." Humakbang siya nang isang beses palapit sa akin. "Ako ang naagrabyado rito. Ako ang magdedesisyon kung kailan 'to matatapos. Hindi ikaw."
Sumabog yata ang utak ko sa rebelasyon niya kaya napanganga na lang ako habang nakatingin sa kanya.
Seryoso ba siya?
Umayos siya sa pagkakatayo at malamig akong tinitigan. "Ite-text ko sa'yo mamaya address ko."
"Ha?"
"Maliit lang 'yong apartment pero kasyang-kasya naman tayong dalawa."
"Ano? Anong 'apartment'?"
"Sa akin ka na titira."
Kung nakanganga ako kanina, ngayon ay sumayad na sa lupa ang panga ko.
![](https://img.wattpad.com/cover/227677989-288-k349753.jpg)
BINABASA MO ANG
The Dangerous (Quantum Meruit Series #2)
General FictionAstrud C. Ventura - the dangerous. * * * Hanggang saan ang kaya mong gawin para sa pera? Astrud hated her life. She was poor as hell and completely an ophan. Noong naglilinis yata ang langit, nakabuka ang bibig niya para saluhin ang lahat ng kamalas...