39 | Articulo Mortis
___________
Nasa pasilyo pa lamang ako ay narinig ko na ang pamilyar na tawa ni Reiven. Nasundan iyon ng iba pang mga boses, siyang-siya sa kung anumang pinagkukuwentuhan nila.
Bago mag-alas quatro ay nag-text si Reiven na dadayo ang ilang katrabaho niya sa apartment at iinom sila. Mag-aalas siete na at base sa naririnig ko, mukhang wala pa silang balak matapos.
“Astrud!”
Tumaas ang kilay ko nang naamoy ang matinding alak mula sa kanya. “Nakailang bote na kayo?”
“Isa palang.”
Namumula na ang mukha niya’t leeg. Namumungay na rin ang mga mata. Siyempre, sino bang inuuto niya na nakaisa palang sila?
“Uy, asawa ko pala,” sabi niya sa mga kasama habang tinatanggal ko ang suot na mga sapatos.
Binati ako ng mga kasama niyang hindi pinunit ang tingin sa akin. Medyo na-conscious ako pero hindi ko ipinahalata at binati sila pabalik.
“Akala namin nagbibiro lang ‘to si Rei na may asawa na siya,” natatawang turan ni Jude – may braces at nakaparte ang buhok sa gitna.
Ngumiti ako at sinulyapan ang paubos na kinilaw sa mesa. “Gusto niyo bang magluto ako? Mukhang paubos na pulutan niyo.”
Pinigilan kong mapasinghap nang naramdaman ang maingat na hawak ni Reiven sa likod ko. “Huwag na. Ako na bahala rito. Magpahinga ka na.”
“Naku, lover boy naman pala!”
Ngumiti lamang ako, damang-dama ang pag-iinit ng mukha. Ngumisi lang si Reiven sa panunukso ng mga katrabaho niya bago bumulong sa akin na pumasok ako sa kuwarto kung hindi ako komportable. Dadalhan na lang daw niya akong pagkain pagkaluto niya mayamaya. Masyado akong gulat sa pagkakalapit namin kaya hindi ako nakapagsalita.
Pagkapasok sa kuwarto ay hinayaan ko ang sariling maupos sa kama.
Ano ba talagang gusto niyang mangyari? Bakit siya ganito? Hindi ba niya ako kinamumuhian?
Bakit ganito pa rin ang nararamdaman ko?
Impit akong tumili at ginulo ang sariling buhok. Imposible namang may gusto siya sa akin. Sinira ko ang buhay niya. Niloko ko siya dahil makasarili ako. Magkaiba ang mga paniniwala namin at hinding-hindi magkakasundo.
Pero kung hindi niya ako gusto, anong paliwanag sa mga ginagawa niya?
Kung ano-anong ideya ang bumabaha sa utak ko para lang makatulog na walang napagdesisyunang konklusyon.
Nagising ako na patay na ang ilaw sa kuwarto at tanging tanglaw lamang mula sa bilog na buwan na tumatagos sa kurtina ang nagbibigay-liwanag. Kinusot ko ang mga mata at kumurap-kurap. Mukhang ilang oras din akong nakatulog, a.
Natigilan ako nang naramdamang may kung anong nakadantay sa tiyan ko. Mayamaya rin ay napansin kong may pabalik-balik na mabahong hanging kumakapit sa leeg ko.
Humarap ako nang kaunti sa tabi ko – si Reiven, nakanganga at bahagyang humihilik.
Tutulakin ko sana niya nang naalalang nasa kama kami. Bukod sa maaaring mabalian siya ng buto, hindi ko rin siya puwedeng ihulog dahil sa kanya naman itong tulugan. Ako lang ang nakikigamit.
Maingat na hinawakan ko ang braso niya at unti-unting inangat. Ngunit nang bibitiwan ko na, bigla niyang inagaw at niyakap ako nang mahigpit. Paulit-ulit iyon kaya sa huli ay iritado akong sumuko.
So, ganito kami hanggang umaga?
“Astrud . . .”
Nilingon ko siya. Nakapikit pa rin siya at nakakasulasok ang amoy ng alak.
![](https://img.wattpad.com/cover/227677989-288-k349753.jpg)
BINABASA MO ANG
The Dangerous (Quantum Meruit Series #2)
General FictionAstrud C. Ventura - the dangerous. * * * Hanggang saan ang kaya mong gawin para sa pera? Astrud hated her life. She was poor as hell and completely an ophan. Noong naglilinis yata ang langit, nakabuka ang bibig niya para saluhin ang lahat ng kamalas...