06 | Customer

141 10 0
                                    

06 | Customer

______________

“Aray! P’wede ba dahan-dahan naman!”

Panandalian kong ipinikit ang mga mata at marahan nang idinampi ang bulak sa pisngi niya. “O, ‘yan. Okay na, mahal na hari?”

Wala talagang araw na hindi ako binubuwisit ng lalaking ‘to.

Umismid si Markus at kinuhang muli ang maliit na salamin para pagmasdan ang kanyang mukha. “Hinayupak na ‘yon. Nanira pa ng mukha.”

“E ba’t ka ba kasi bigla na lang nanunugod? Tanga ka ba?”

Tiningnan niya ako at sinuyod mula ulo hanggang paa. “Ang kapal talaga ng mukha mo. Kung ako tanga, ano ka pa?”

“Teritoryo nila ‘yon. Kung inabutan tayo ng mga kasama niya, hindi lang ‘to ang inabot mo! Minsan kasi bago ka sumugod, mag-isip ka rin!”

“Wow, ha. Tinulungan na kita’t lahat, galit ka pa rin. Wala na talaga akong tamang ginawa sa’yo, ‘no? Siguro kung hinayaan lang kitang saktan ng lalaking ‘yon, may masasabi ka pa rin!”

“Hindi ‘yan ang pinag-uusapan natin dito!”

“‘Tang ina naman, Astrud! P’wede bang mag-’thank you’ ka na lang muna? Nakakabuwisit, e.” Sinamaan niya ako ng tingin. “Gamutin mo na nga lang sugat ko. Huwag ka munang magsalita.”

Dama ko ang paggalaw ng panga ko. Para na rin sa world peace, sinunod ko ang sinabi niya.

Nakauwi na kami mula sa birthday party. Dahil ayaw niyang makita siya ng nanay niya na may pasa sa mukha, dito muna siya sa amin at ginagamot ko.

Bumuntong-hininga ako habang pinagmamasdan ang mukha niya. Hindi naman ganoon karami at kaseryoso ang pasa niya kumpara sa mga natamo sa kanya ni Nico. Pero ilang araw din yata ang mga iyon mamamalagi sa balat niya.

Hindi rin kasi siya nag-iisip, e. Hindi lahat ng problema ay nareresolba sa dahas. Sana naging kalmado lang siya at maayos na kinompronta si Nico. Hindi sana aabot sa ganito. At malay ba namin kung totohanin noon ang bantang magsasampa raw ng kaso. Parehas kaming malilintikan.

“Kung ‘di ako dumating ro’n, baka kung napa’no ka na,” basag niya sa katahimikan mayamaya.

“Anong akala mo sa’kin? Magpapaapi lang? Kahit ‘di ka dumating, dudurugin ko ang lalaking ‘yon!”

“Pero mabuti na rin na dumating ako. Ang sarap suntukin ng mukha, e. Ang tigas.”

Humiyaw siya nang idiniin ko ang bulak. Nakapabayolente talaga ng taong ‘to.

“Salamat.”

Napatingin siya sa akin, gulat sa mga salita ko. Hindi ko siya pinansin at ipinagpatuloy ang ginagawa.

“Nagdilim lang talaga paningin ko,” mahinang sabi niya nang lumipas ang ilang segundo.

“Alam ko. Iyan naman lagi mong rason ‘pag napapasubo ako, e.”

“Takaw-gulo ka kasi.”

Ngumuso ako, nagpipigil ng ngiti.

The Dangerous (Quantum Meruit Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon