Chapter 06
Tattoo
Kalahating oras lamang ang biyahe papunta sa hotel kung saan gaganapin ang workshop. Sa buong oras na iyon ay natulog lamang si Gab. Paminsan-minsan ay tinutusok ko pa nga ang pisngi niya kaso tulog talaga.
Nang makarating na sa event ay buong lakas kong niyugyog ang balikat niya para magising. Panigurado ay nayugyog ko rin pati kaluluwa niya lalo na at nag-panic siya nang magising.
"Nandito na tayo," sabi ko.
Kumurap-kurap pa siya na parang bata. Inunahan ko na siya sa paglabas ng shuttle bus. Umaambon kaya nauna na ako sa lobby. Hinintay ko na lang ang mga kasamahan ko.
Nahuli si Gab na bumaba ng bus. Kaagad naman siyang tumingin sa paligid at huminto lamang nang makita ako.
Nagtaas ako ng kilay at itinuro ang relo ko at ginaya pa ang dismayado niyang iling. Natawa lamang siya at tumakbo para hindi mabasa.
"Ang sarap ng tulog mo," ani ko. "Tumutulo pa nga laway, eh."
Kumunot ang noo niya. "Not really. Masamang magsinungaling."
"Meron nga kasi. May picture pa nga ako, eh."
Nagtagal ang titig niya sa 'kin. Gusto ko lang naman talaga siyang tuksuhin. Ngunit parang naniwala si Gab. Tuluyan naman akong natawa nang tiningnan niya ang sariling bibig mula sa cellphone.
"Biro lang," sabi ko. "Tara na. Nasa loob na yata ang ilan."
Alas dos pa lang at sinabihan kami ng adviser na magpahinga na raw muna at magkikita mamayang alas kwatro. Sakto rin at gusto ko nang mahiga,
Imbis na sumunod kami sa mga kalahok ay pumunta sa ibang daan si Gab. Nagkatinginan kami at sinenyasan niya akong sundan siya.
"Saan tayo pupunta?" tanong ko.
"Sa kwarto natin."
"Naroon iyong debate team. 'Tsaka iisa lang tayo ng floor number."
Binigyan niya ako ng key card pagkapasok namin sa isang elevator na mukhang patago at pawang mga exclusive lang ang pwedeng gumamit. Ibang-iba ito sa elevator na nasa kabila.
Tumingala ako kay Gab na mukhang inaantok pa talaga.
"Anong ibig sabihin nito?" tukoy ko sa key card.
"Kwarto mo."
"Pero nandoon nga iyong debate team."
Pagod siyang tumingin sa 'kin. "I booked two exclusive rooms. Private. Big. Clean. Magpasalamat ka na lang."
Lumubo ang mga mata ko. Palipat-lipat ang tingin ko sa key card at sa kanya. Ibang klase talaga kapag maraming pera.
Bumukas na iyong elevator at lumabas na kami. Sa hallway pa lang, halata na na mamahalin. 'Tsaka parang mas reserved.
"Bakit naman?" tanong ko. "Anong problema kung kasama natin 'yung iba?"
"I just don't want to. Kung gusto mong makisama sa kanila, punta ka na lang doon. Tawagin mo na lang ako kung ano ang ganap. I'll just sleep."
Magtatanong pa sana ako nang pumasok na siya sa room niya. May kaya naman kami. Sa totoo lang, lumaki talaga ako na may pera palagi, pero hindi naman ako ganito kagastador.
Malaki ang kwarto na para sa akin. Sobrang lawak nito na parang pwede nang ipasok iyong bilayaran. Ang sabi raw kasi ay dalawa o tatlong tao sa isang kwarto. Akalain mo nga naman. May balkonahe pa!
Binuksan ko kaagad ito at sinalubong ang sobrang lamig na hangin. Umaambon pa rin pero pumunta ako roon. Kinuha ko na rin ang sigarilyo at sinindihan ito ng lighter.
BINABASA MO ANG
Memories of the Wind
RomanceKatarina Bales is scarred by her parents' separation. Lalo na nang lumipat sila sa iisang bahay kasama ang bagong asawa ng papa niya. It is painful. It is haunting. Kaya naman ito ang nagtulak sa kanyang mag-rebelde. She never believes that kindnes...