Dahan: 6

162 6 0
                                    

KABANATA 6

    “Nay!”

    Masaya kong sinalubong si nanay nang makauwi siya galing sa trabaho. Sa tingin ko ay dumaan pa siya sa palengke dahil may mga bitbit siyang mga plastic na may mga gulay at isda. Kinuha ko kaagad ang mga iyon sa mga kamay niya para makapagmano at matulungan siya.

    “Ay, salamat, anak. Wala ka bang assignment?” tanong niya pagkapasok sa bahay.

    “Natapos ko na po, nanay. Nakapagluto na rin po ako ng hapunan. Maghahanda na po ba ako ng lamesa?” pagpapaalam ko sa kaniya bago dumiretso sa kusina at nilapag ang mga pinamili niya.

    “Ay talaga? Naku, ang swerte ko talaga sa anak ko. Siya sige at magbibihis lang muna ang nanay,” malapad ang ngiti niyang ani.

    Pasado alas-syete na at pagkauwi ko talaga kanina galing paaralan ay mabilis kong ginawa ang aking mga asignatura para makapagluto. Kapag ganito kasi at lunes ay talagang ginagabi si nanay dahil lunes ang araw na napakarami nilang labahin sa mga Villaruel. Lalo pa ngayon, dagdag na ang mga apo.

    Nang maalala ko sila senyorito ay muli akong nakyuryoso.

    Naghahanda na ako ng lamesa noon nang pumanhik si nanay papasok sa kusina. Nakapagbihis na rin siya ng mas kumportableng pambahay. Tumingin ako sa kaniya at ilang segundo pa bago nagsalita.

    “Kumusta ngayon sa trabaho, nay?” pauna kong tanong habang nagsasandok ng kanin.
   
    Nakita kong inayos niya ang mga pinamili niya at bahagyang sumulyap sa akin.

    “Ayun, jusko. Naging triple ang labahin. Aba’y ewan ko ba. Minu-minuto yata nagbibihis iyong apo ng senyor at senyora, iyong si senyorito Nathan. Napakamitikuluso at perfectionist ng bata na iyon, ewan ko ba.”

    Nasabi na nga rin ni nanay noon sa akin na medyo suplado ang ikalawa sa magkakapatid na Villaruel ngunit hindi ko masyadong napansin. Ngayon na kaklase ko siya, natanto ko na tama nga talaga si nanay. Para ba siyang may galit sa mundo at sa mga tao sa paligid niya.

    “Hindi ba sa eskwelahan namin sila mag-aaral? Nagulat ako kanina nay, kaklase namin siya!” pagbabalita ko at nakita kong bahagya siyang nagulat at namangha.

    “Talaga?” gulat niyang usal. “Aba’y hindi ko alam kung matutuwa ako riyan, Miko. Pero kumusta ang unang araw niyo? Wala naman siguro siyang ginawa? Sa klase niyo o sa’yo?”

    Natawa ako. “Kay sungit nga, nay!”

    “Aba’y sabi ko nga, hindi ba?” Umiling pa siya. “Naku, huwag mo na lamang pansinin at nangangapa pa siguro sa kapaligiran niya. Alam mo naman na hindi sila sanay sa ganitong pamumuhay. Mabait naman iyong bunso na babae, ewan ko lang sa panganay at susunod pa lamang daw rito sa probinsiya. Hindi ko maisip kung paanong pagpapapayag ang ginawa ng pamilya nila sa mga batang iyan at kung bakit dito pa sa probinsya pinatuloy para sa pag-aaral. Basta anak, ha? Huwag ka na lang magkamali kay senyorito Nathan o sino man sa kanila. Villaruel pa rin sila, malayo ang agwat sa atin. Kahit apakan nila tayo, wala pa rin tayong laban diyan sa kanila. Mabuti na lang talaga at mabait ang senyor at senyora.”

    Napayuko ako at kahit dumaraan sa isip ko na unfair ang ganoon, tama pa rin si nanay. Sa probinsiya na ito, isa sila sa mga mayayamang angkan at ginagalang na pamilya. Marahil sa prebilihiyo ay ganoon na lang kalaya umasta ang senyorito. Kahit siya ang mali alam niyang luluhod pa rin sa harap niya ang kaniyang biktima. Nakakagalit naman talaga isipin, pero ang mga kagaya naming isang kahig at isang tuka, walang magagawa kung hindi magpaubaya na lamang sa mas nakakataas.

    Kaya mas nag-aalala ako kay Roshan dahil kahit sinusunod niya ngayon si senyorito, madawit lang ang pamilya niya alam kong lalaban at lalaban siya. Isa iyon sa mga bagay na hinangaan at minahal ko sa kaniya.

🌈 ISMS1: Dahan (BL) ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon