KABANATA 16
“Maari ba kita makausap mamayang uwian, Mik?”
Natigilan ako sa paglalakad patungong linya sa flag ceremony nang sabihin sa akin iyon ni Roshan. Nahuhuli kami sa paglalakad sa likod habang nasa harap namin si senyorito Nathan kasama si Esther. Sumulyap ako sa gawi nila bago tumango kay Roshan. Tumibok ang puso ko dahil alam ko kung ano ang nais niyang sabihin sa akin. Sa nakikita ko pa lamang na pagdadalawang-isip sa mga mata niya, sa ilang beses niyang pagdila sa ilalim ng labi niya na animo’y ninenerbyos at sa pamumuo ng ilang pawis sa noo niya. Gusto kong sabihin sa kaniya na hindi na niya kailangang mangamba dahil alam ko na at hindi ko naman siya huhusgahan, ngunit nais ko pa ring marinig mismo sa kaniya. Wais ko rin talaga kung saktan ang sarili ko.
“Oo ba. Saan mo ba ako dadalhin at mukhang importante talaga iyang sasabihin mo? Uunahan na kita, ah? Wala akong pera,” sinubukan kong magbiro para pagaanin ang nararamdaman niya.
Binatukan niya ako kaya inis ko siyang sininghalan. Ngumisi siya sabay akbay sa akin. Ang pathetic ko na masyado. Alam kong masasaktan lang ako, pero kahit kakarampot na oras lang para masolo ko si Roshan. Nakatatawa na dati halos araw-araw kaming magkasama, walang kasawaan. Ngayon pakiramdam ko ay namamalimos na ako ng oras niya dahil may kahati nang iba. Kung magkatuluyan nga sila ni senyorito, panigurado kahit segundo, hindi ko na mahihingi para lang masolo siya. Dahil ipaprayoridad na niya si senyorito Nathan. Anong laban ko kung hanggang kababata lang talaga ako?
“Sira!” sigaw niya sa mukha ko sabay pisil sa pisngi ko. “May sasabihin lang akong importante. Halos hindi ako makatulog kaiisip paano ko ito sasabihin sa iyo.”
Disgusto ko siyang tinignan at pabirong yinakap ang sarili ko. Tinignan ko siya mula ulo hanggang paa.
“Mukhang iba na yata ‘yan, tol, ah?” anas ko na kinasimangot niya. “Bakit ako lang? Si Esther?”
Nalukot ang mukha niya.“Mas importante ka sa akin kaya mas importante sa akin ang opinyon mo kaysa sa tomboy na ‘yan. Bahala siya riyan.”
Mas importante ka sa akin. Ayos na ako ro’n.
Lihim akong nangiti.
“Kung nababakla ka sa akin diretsuhin mo lang,” ani ko sabay malisyosong ngumisi sa kaniya.
Nakita kong manlaki ang mga mata ni Roshan. Windang niya akong tinulak na para bang ang marinig ang sinabi ko ay tila bato na tumama sa kaniya. Hindi nakatakas sa akin ang pamumula ng tungki ng ilong niya na nangyayari lang kapag nahihiya siya. Lakas naman ng impak ng biro ko?
“Oi, gago, huwag ka nga,” nauutal niyang sambit at napalunok pa. “H-Hindi sa iyo…”
Pabulong niya lang na sinabi ang huli na akala niya ay hindi ko narinig. Oo na, hindi na sa akin. Alam ko na.
“Anong sabi mo?” kunwari ay sabi ko.
“Wala!” Nakanguso siyang tumingin ulit sa akin. “Ang cute mo talaga, ano? Sarap mong tirisin.”
Ngayon ako naman ang sumimangot. Tumawa pa ang loko sabay turo sa mukha ko. Tatawa-tawa siyang tumakbo papunta kila Esther, nilabas ang dila sa akin na tila nanalo siya sa lotto. Napailing na lamang ako.
Pasalamat ka, ayos lang sa aking saluhin ang sakit marinig ko lang iyang tawa mo. Basta masaya ka lang, Roshan. Handa kong ipagpalit ang damdamin ko basta hindi ka lang masaktan. Ayaw kong humadlang kahit gustong-gusto ko dahil ayaw ko na ako pa mismo ang maging dahilan ng pagluha mo. Hindi mo naman responsibilidad itong damdamin ko, eh. Ako naman ang nakaramdam nito. Ako naman ang nagmahal sa iyo kaya hindi tamang sisihin kita kung bakit ako nasasaktan ngayon. Dahil hindi mo naman kasalanang minahal kita higit pa sa pagkakaibigan.
Pagkatapos nga ng klase ay nagsabi si Roshan na hindi kami sasama sa kanila sa pag-uwi. Dahilan niya ay magpapatulong siya sa akin sa pinapabili ng tatay niya. Hindi ako nakaligtas sa paninitig ni senyorito Nathan, napakamapanuri iyon. Tumikhim ako at nang si Esther naman ang tinignan ay kakaiba ang ngiti niya sa akin, nanunukso. Sinimangutan ko lamang siya.
“Saan tayo?’
“Hmm…” Ngumisi si Roshan habang nakaakbay sa akin. “Sa tambayan natin.”
Hinahanda ko na ang sarili ko sa daan pa lamang. Ilang beses kong pinaalalahanan ang sarili ko sa tamang reaksiyon na ibibigay sa kaniya mamaya. Hindi maaari na makita niya akong nasasaktan. Dapat wala siyang mahalata. Kunsabagay, sa manhid ba naman nitong si Roshan.
“Anong sasabihin mo sa akin?” tanong ko sabay sandal sa bakal na harang ng rooftop.
Maganda ang simoy ng hangin noon at papalubog na rin ang araw. Rumepleka ang liwanag noon sa nininerbyos noon na si Roshan sa harap ko. Nakapamulsa at halatang tensiyunado.
“Alam mo naman na sa ating dalawa, Mik, hindi tayo naglilihim, hindi ba?” panimula niya na tinanguan ko. “Nitong nakaraan kasi, gulong-gulo ako. Hindi ko muna sinabi sa inyo, lalo na sa iyo dahil gusto ko munang resulbahin iyon sa sarili ko.”
Tumikhim ako nang marinig ang sinabi niya. Nanatili akong tahimik at nakikinig.
“Nang matanto ko, natakot ako. Noon pa man alam mong may mga babae na rin naman akong natipuhan, kaso wala pa iyon sa isip ko, hindi ba? Bukod sa masyado pa tayong bata para sa mga ganiyan, mas inuuna ko ang pamilya ko.” Napalunok siya at nag-iwas ng tingin. “Ngunit ngayon iba na, hindi ko na mapigilan. Gusto ko talaga siya kahit na… lalaki siya.”
Hindi ako nagpakita ng pagkagulat. Nininerbiyos na siya at ayaw ko siyang mas mawindang kung makakita siya sa mukha ko ng kaunting ilang sa akin.
“Natatakot ka ba na huhusgahan kita?” Natigilan siya. “Rosh, maliit pa lamang tayo, magkasama na tayo. Noon pa man suportado na natin ang isa’t isa sa lahat ng bagay, hindi ba? Basta masaya ka o ako, iyon lang naman ang importante sa atin pati na rin kay Esther.”
Nakita kong nakahinga siya nang maluwag nang marinig iyon sa akin. Natuod ako nang bigla niya akong yinakap nang mahigpit. Matagal pa bago ako nakabawi at yumakap sa kaniya pabalik. Pinahinga ko ang ulo ko sa balikat niya. Ninanamnam ang sandali na ganito kaming dalawa. Ang amoy niya, ang init niya, sana habangbuhay na lamang ako makulong sa mga bisig na ito.
Sana ako na lang.
“Tae, kabado pa ako sa magiging reaksiyon mo kaysa sa paghandaan na sabihin ito sa mga magulang ko, eh.” Natawa siya. “Salamat, Mikmik. The best ka talaga.”
Natawa rin ako at marahan siyang sinuntok sa likod.
“Tarantado.” Napawi ang ngiti ko. “Sino ba iyang gusto mo?”Ramdam ko ang paghigpit pa ng yakap niya sa akin. Pati ang pintig ng kaniyang puso.
“Si Nathan.”
Buti na lang. Buti na lamang at yakap niya ako noon. Kumapit ako sa kaniya ng mabuti nang manghina ang mga tuhod ko. Hindi niya nakita ang panginginig ng mga labi ko. Pumikit ako at hinayaan ang mga luha kong umagos mula sa aking mga mata. Sana lang, hindi niya maramdaman ang panginginig ko.
“Suportado kita,” ang tangi kong nasabi.
Alam mo ba, Rosh? May mahal na mahal din akong lalaki. Matagal na, ilang taon ko nang inaalagaan. Alam mo ba kung sino? Ikaw. Ikaw lang at walang iba. Ang natatangi kong lakas at akin ding kahinaan. Ngunit hindi mo na kailangang malaman pa dahil alam ko na. Kahit sinabi ko man o hindi, sa iba pa rin mahuhulog iyang puso mo.
Hanggang dito na lang talaga itong pagmamahal ko sa iyo.
BINABASA MO ANG
🌈 ISMS1: Dahan (BL) ✔
Fiksi RemajaIstorya sa Musika Serye (NEW) #1: COMPLETED Inspired from December Avenue's Dahan BLURB: "Pinky promise?" "Pinky promise." Bata pa lang, magkasama na sina Roshan Ignacio at Miko Dela Cruz. Laging dikit at hindi na mapaghiwalay, kung kaya...