KABANATA 2
“Mik! Sensiya natagalan,” hingal na sigaw ni Roshan nang makarating na siya sa pwesto ko.
Pinunasan niya ang mga pawis sa kaniyang noo gamit ang likod ng kaniyang palad dala ng pagtakbo. Ngumiti ako habang hawak ang magkabilang strap ng aking backpack. Hinintay ko kasi siya rito sa labasan papuntang falls habang si Esther ay nauna na at sumabay sa mga kaklase namin papunta roon. Nagbihis pa kasi si Roshan saglit. Hindi na ako nagulat nang makita na bitbit niya lang ang mga pangbihis niya mamaya kaya kaagad na akong tumalikod para mailagay niya iyon sa backpack ko.
“Iniwan ka ni Esther?” kunot-noo niyang tanong pagkatapos na maisara ang backpack ko.
Natawa ako. “Alam mo namang madali mabagot iyon at ayaw sa lahat ay ang maghintay.
Napailing na lamang siya at inakbayan na ako para makapagsimula na kaming maglakad. Mabilisan kong sinulyapan si Rosh at ang gwapo na naman niya sa paningin ko. Nakasuot lang siya ng plain sleeveless na itim at itim ding jersey shorts. Kita ko ang noo niya ngayon na karaniwan ay natatakpan ng mga buhok niya dahil pabaliktad siyang nakasuot ng sumbrero sa ulo. Mabilis akong nag-iwas ng tingin at nailing, sinusuway ang sarili.
“Grabe, parang kalian lang third year na tayo sa pasukan,” bigla niyang sambit noong malapit na kami sa bukana ng patutunguhan.
“Kaya nga, eh. Ang bilis. Dami na ring nagbago.”
“Alam mo kung ano ang hindi nagbago?” parang nanghahamon niyang sabi.
Kunot-noo akong lumingon sa kaniya. Bahagya pa akong nasilaw dahil nakatingala ako sa tangkad niya. Naroon kasi sa banda niya ang sikat ng araw.
“Ano?” nanghahamon ko ring tanong.
“Pagkakaibigan natin.” He pinched my cheek after he said that at umalis na sa pagkakaakbay sa akin para puntahan ang mga kaklase namin.
Wala sa sariling napahawak ako sa pisngi ko habang tinatanaw siyang nakikipagtawanan na sa mga lalaki naming kaklase. Dapat matuwa ako dahil sinabi niya na wala pa ring nagbabago sa aming dalawa, kaso hindi ko alam kung bakit tila hinihiwa ang puso ko.
Pagkakaibigan. Mapait akong napangiti. Kaya natatakot akong sabihin sa iyo, eh. Dahil kapag nagkataon, baka magbago na ng tuluyan ang pagkakaibigan natin. Sabi mo nga, hindi ba? Hindi nagbago iyon. Hindi nagbago ang pagkakaibigan natin. Nakakatakot sirain.
“Oh, tulala ka na riyan? Kanina ka pa namin tinatawag!” si Esther na noo’y lumapit sa akin habang may kinakain nang ihaw-ihaw.
Ngumisi ako sa kaniya at pinilit na makisali sa kasiyahan kahit na nawalan na ako ng gana. Kanina excited pa ako, ngayon wala na ako sa hulog. Gusto kong umuwi at magmukmok sa bahay kaso ang arte ko naman no’n. Kung bakit kasi tinamaan pa ako ng lintek na pag-ibig na ito. Sa kaibigan ko pang lalaki. Ang hirap tanggapin mga pare.
“Sama ng timpla ng mukha natin, ah? Ano nangyari noong papunta kayo rito kanina? Nauna na nga ako para makapag-moment ka kasama siya tapos mas sasama lang pala ang awra mo,” sabi ni Esther noong tumabi siya sa akin sa may gilid ng falls.
Naliligo na kami ngayon pagkatapos naming makakain kanina at magpahinga ng kaunti. Napagagod na ako kakalangoy kaya huminto muna ako rito sa may gilid. Si Roshan ay naroon pa rin sa kubo habang nagigitara. May iba kaming mga kaklaseng lalaki na nakiki-jamming sa kaniya habang ang iba naming mga kaklaseng babae na may sekretong paghanga sa kaniya ay nagpapapansin din doon. Nalukot ang mukha ko lalo.
“Napag-usapan kasi namin na kaybilis ng panahon at third year na tayo. Marami na ring nagbago. Alam mo ba anong siningit ng abno?”
Tumaas ang isang kilay ni Esther sa akin. “Ano raw?”
BINABASA MO ANG
🌈 ISMS1: Dahan (BL) ✔
أدب المراهقينIstorya sa Musika Serye (NEW) #1: COMPLETED Inspired from December Avenue's Dahan BLURB: "Pinky promise?" "Pinky promise." Bata pa lang, magkasama na sina Roshan Ignacio at Miko Dela Cruz. Laging dikit at hindi na mapaghiwalay, kung kaya...