Dahan: 11

136 5 0
                                    

KABANATA 11

Manghang-mangha kami nang mas nakita ang kabuoan ang party ng Senyorito Nathaniel sa loob. Halos magtago lang kaming tatlo sa likod niya dahil may ibang mga bisita na napatitingin sa gawi namin. Nakahihiya at bahagyang nakapanliliit.

"Para lang talaga sa pagkain, shuta," bulong ni Esther na nasa gitna namin ni Roshan kung kaya ay kinurot ko siya.

"Umayos ka ngang babaita ka. Sumbong kita mamaya sa Lola mo," banta ko na inirapan niya lang.

"Patay gutom talaga," alaska ni Roshan sa kaniya kaya pinigilan kong matawa.

"Ano? Ulitin mo 'yun, Ignacio!"

"Patay gutom."

Nagsimula na sila sa sikreto nilang bangayan na dalawa. Kung hindi lang tumigil si Senyorito Nathaniel sa paglalakad ay hindi rin silang dalawa tatahimik. Bahagyang nawala ang alinsangan na nadama ko dahil sa maikli naming katuwaan na magkaibigan. Nagiging maayos talaga ang lahat kapag magkasama kaming tatlo. Kung ako lang siguro ang mag-isa rito ngayon, hindi ko na alam ang gagawin.

"They're here!" masayang anunsiyo ni Senyorito Nathaniel sa harap.

Nakarating kami sa isang lamesang pabilog na nakalagay lang sa may gilid ng kanilang pool. May mga pagkain na roon at halos marinig ko ang pagkulo ng aking tiyan. May anim na upuang nakapaikot din sa lamesa at dalawa roon ay inuupuan na nina Senyorita Nathalie at Senyorito Nathan na bagama't bugnot ang mukha kanina ay dinaanan ng bahagyang tuwa ang mga mata nang makita kami. Pinilit niyang kunutin ang kaniyang noo kahit may pilit na tinatagong ngiti sa mga labi. Halatang-halata ko iyon. Ang mga mata niya'y nahanap kaagad ang kababata ko.

"Finally!" masayang sigaw ng senyorita.

Lumapit kami sa lamesa at naupo kaagad sa mga bakanteng upuan. Pinilit naming hindi tignan ang mga bisita sa paligid na pakiramdam ko ay tinitignan pa rin kami. Sino nga ba ang tatlong kabataan na ito na personal pang hinatid ni Nathaniel Jude Villaruel sa kanilang lamesa at kasama pa roon sina Nathalie Jade Villaruel at Nathan James Villaruel? Kung ako rin sila ay mapatitingin at magtataka rin ako.

"You're late," seryosong saad ng Senyorito Nathan na magkakrus na ang mga braso at kay Roshan nakatingin.

Napabaling ako sa kababata kong tumabi sa Senyorito Nathan. Si Esther naman ang nasa tabi ko na pinagitnaan ulit namin ni Roshan. Si Senyorito Nathaniel daw ang uupo sa kabilang tabi ko na umalis muna pagkahatid sa amin dahil may tatawagin daw habang si Senyorita Nathalie naman pagkatapos ang sa kabilang tabi niya na katabi rin ang Senyorito Nathan. Ganoon ang eksaktong posisyon namin sa pabilog na lamesa.

"Eh, sorry na. Naubos load ko, eh," palusot ni Roshan na alam naming hindi totoo.

Tinignan ko sila ni Senyorito Nathan na nagkaroon na kaagad ng sarili nilang mundo. Naalala ko ang expresiyon at ang mga sinabi ni Roshan sa akin kanina. Sabi niya ay hindi raw kami nararapat dito dahil magkaiba ang mundo nila kaysa sa amin. Kahit ako ang kaharap niya kanina, para bang lagpas sa akin ang mga salitang iyon. Parang may iba siyang pinagsasabihan at klaro kong alam kung sino iyon. Habang nakikita ko sila ngayong dalawa, bakit tila hindi naman hadlang ang pagkakaiba namin ng mundo? Sa isang iglap, wala na ang pagkabigo sa mga mata ni Roshan. Para bang ang makaharap at makausap ang senyorito ngayon ay nagpabigay ng kaginhawaan sa kaniya.

Bumalik ang kakaibang kirot na nadama ko sa aking puso. Ayaw kong mabigo si Roshan at masakit sa akin ang nakita kong expresiyon niya kanina, ngunit nang mapawi iyon ngayon sa harap ng senyorito, aaminin kong bahagya ring nawala ang pangamba na aking nadama. Ngunit bakit ganoon? Sabi mo hindi ka nararapat sa mundo niya dahil mahirap ka lang at mayaman siya. Pero tayo, nasa parehong mundo, ngunit bakit pakiramdam ko ay mas pipiliin mo pa ring pasukin ang mundo niya kaysa manatili rito... sa mundong parehong nandoon tayo?

🌈 ISMS1: Dahan (BL) ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon