KABANATA 25
Noong araw na iyon, klaro kong naalala ang lahat. Nagkatuwaan kami sa napakagandang paraiso na iyon. Tirik ang araw, pero hindi namin alintana at sabay-sabay kaming nagsitakbuhan para sumuong sa napakalinaw at asul na dagat. Amoy na amoy ang alat sa hangin at nangibabaw ang aming tawanan. Kahit siguro nakapikit ako ay hinding-hindi ko malilimutan iyon.
Ngunit hindi ko alam kung bakit sa isang iglap, ang katuwaan na iyon ay napalitan ng sigawan. May mga lalaking nakaitim na pilit kinukuha ang mga Villaruel lalo na si senyorito Nathan. Lahat kami ay nagulat at nataranta. Ang nakatatandang Villaruel ang unang nakaalam kung ano ang nangyayari. Siya ang unang humarap sa mga lalaki at sinabihan niya si Roshan na tumakbo na sila ng senyorito Nathan, kaso sobrang dami nila. Nakita ko na lamang sa isang iglap ang umiiyak na si senyorita Nathalie habang si senyorito Nathaniel ay nawalan ng malay sa isang mabilis na pag-neck-chop sa kaniya. Sinubukan ni Roshan na itago ang kasintahan niya, ngunit sa huli, wala rin kaming nagawa lahat laban sa mga tauhan ng mga Villaruel.
“Nathan!” ang nakabibinging sigaw ni Roshan habang tumatakbo para mahabol ang kotse kung nasaan doon ay lulan ang magkakapatid.
Pilit na hinahampas ni senyorito Nathan ang bintana ng kotse at tila umiiyak na tinatawag din si Roshan. Kami naman ni Esther ay pilit hinihila si Roshan sa pilit niyang paglapit doon dahil baka mas lumala pa ang sitwasiyon.
“Rosh, huwag! Baka may baril o ano sila at baka hindi sila magdalawang-isip na saktan ka!” pigil ko sa kaniya.
“Bitawan niyo ako, Mik! Kailangan kong mapuntahan si Nathan!” sigaw niya pabalik. “Nathan! Mik, ano ba?”
“Tawagan mo na lang siya mamaya para makapag-usap kayo! Sa ngayon hayaan mo na lamang muna silang makaalis,” pagmamakaawa ko.
Narinig naming ang pagkabuhay ng kotse sa harap at nang makita naming nagsisimula na iyong umalis ay mas nagpumiglas si Roshan. Kita ko ang desperadong pagpupumilit ni senyorito Nathan para makalabas at kagaya ng kuya niya ay napatulog din siya ng mga tauhan. Halos mapunit ang puso ko sa sigaw ni Roshan nang makita niya iyon. Nakawala siya sa amin ni Esther at hinabol ang kotse pero huli na ang lahat, tuluyan nang nawala ang kotse sa aming paningin.
“Putangina!” galit niyang sigaw habang tumataas-baba ang dibdib sa halong hapo at inis.
“R-Rosh…” tawag ko sa kaniya habang nakatayo kami ni Esther sa likod niya.
Hindi ko napaghandaan noong pumihit siya paharap at sinuntok ako! Napasalampak ako sa buhanginan at nanlalaki ang mga mata na nakatingala sa kaniya. Nalasahan ko kaagad ang dugo sa gilid ng aking labi.
“Hoy!” si Esther sabay dalo sa akin. “Ano sa tingin mo ang ginagawa mo?”
“Kung hindi niyo ako pinigilan, sana naabot ko pa si Nathan! Hindi ba sinabi kong bitawan niyo ako?” inis niyang sisi habang dinuduro ako.
Nalunok ko ang pilit na kumakawalang damdamin sa akin. Ibig bang sabihin, ako pa ang sinisisi niya ngayon? Pero natatakot lang naman ako sa maaaring mangyari!
“Ayaw ko lang naman na masaktan ka o may gawin sila sa iyo,” may halo na ring inis kong sambit. “Kung ganoon lang din pala, sana nanuod na lang kami ni Esther kanina at hayaan kung mabaril ka man nila o bugbugin, Rosh.”
Natigilan si Roshan sa narinig at kita ko ang bahagyang pagdaan ng guilt sa mga mata niya. Tumayo ako at pinunasan ang dugo sa gilid ng aking labi. Mukhang bahagya na rin siyang kumalma. Bumuka ang bibig niya at humakbang ng isang beses palapit sa akin, ngunit tila hindi na rin niya natuloy ang nais niyang sabihin.
“Kaysa magtalo pa tayo rito, umuwi muna tayo. Ikaw Roshan, tawagan mo kaagad ang senyorito Nathan pagkauwi natin para mapanatag ka. Balitaan mo na lang tapos kami kung ano ang plano mo o ninyo ni senyorito para makatulong kami,” ani Esther.
May sakit sa mga mata na tinignan ako ni Roshan, pero umiwas lang ako ng tingin.
“Sorry, Mik.”
Naging tahimik kami sa daan namin pauwi. Mabuti na lamang ay may dala kaming mga allowance kaya nakauwi kami ng walang hirap. Hindi ko pa rin kinikibo si Roshan kahit panaka-naka niyang tinatawag ang pangalan ko. Mayroon pang susundutin niya ako, ngunit nang makita na wala ako sa mood ay natigil na rin siya.
Pagkauwi namin sa probinsiya ay tila wala namang kakaiba. Wala namang nagbubulungan o tinitignan kami na tila may nangyari kaya suspetsa namin ay tahimik na nakauwi ang magkakapatid sa hacienda. Kaagad na nagkalikot si Roshan ng cellphone niya. Bigla ring dumilim ang langit at tila may nagbabadyang ulan sa kabila ng tirik na araw kanina.
“Hindi sumasagot si Nathan,” ani Roshan nang subukang tawagan ang senyorito.
Nang makuha ko ang gamit ko sa bus ay kaagad akong nagpaalam sa kanila.
“Uuwi muna ako,” walang gana kong sambit.
“Mik…” si Roshan.
Nasaktan ako. Hindi sa suntok ni Roshan kung hindi sa pinakita niya sa akin kanina. Naiintindihan ko na inis siya sa nangyari, ngunit hindi naman siguro tama na ibunton niya iyon sa akin na nag-aalala lamang sa kaniya.“Sige na, Mik. Ako na muna ang sasama sa’yo rito Rosh hanggang sa malaman mo kung nasa ayos lang sila senyorito o hindi. Susubukan ko ring tawagan si senyorita.”
May pag-aalinlangan pang tumingin sa akin si Roshan noon, ngunit nang makita ang kaseryosohan ko ay marahan din siyang tumango. Kaagad akong naglakad pauwi. Pakiramdam ko ay pagod na pagod ako kahit na hindi pa natatapos ang araw na dapat ay nagkakatuwaan kami. Sakto pa nang makapasok ako sa bahay ay siyang buhos nang malakas na ulan. Nasa isip ko pa rin ang galit kanina ni Roshan at muli ay dumaan ang kirot sa aking dibdib.
“Mik!”
Napalabas ako sa kusina nang marinig ko ang sigaw ni Esther sa bukana ng aming bahay. Maingay na noon ang lakas ng ulan at walang senyales ng pagtila. Nagulat ako nang makita siyang basang-basa at tila takot na takot ang mukha. Kaagad akong nabahala at nilapitan siya. Tinanong ko kung ano ang nangyari at nang sinabi niya sa akin ang balita ay walang pag-alinlangan na tumakbo ako palabas ng bahay, sinuong ang malakas na ulan. Rinig ko pa ang pagtawag sa akin ni Esther, ngunit ang sinabi niya lamang sa akin ang nagpaulit-ulit noon sa aking mga tenga.
Nalaman na ng mga Villaruel ang tungkol kila Roshan at senyorito Nathan at ngayon nga ay pinaghihiwalay na sila. Iyon ang balitang sinabi sa akin ni Esther.
“Rosh!” tawag ko sa kaniya nang maaninag ko siya sa harap ng gate ng mansiyon ng mga Villaruel.
Nakatayo lang siya roon. Basang-basa na ng ulan at walang emosiyon na nakatingala sa bahay na nasa kaniyang harap. Hindi ko alam kung umiiyak ba siya ng mga oras na iyon dahil umuulan. Ngunit ang pigura niyang iyon, umukit nang lubusan sa aking utak. Naroon ako, hindi kalayuan sa kaniya. Nakatayo rin at basang-basa ng ulan. Nais ko siyang tawagin ulit, ngunit tila ba ayaw nang bumuka ng mga labi ko kaya nanatili lang akong nakatanaw sa kaniya. Sa taong mahal ko.
Alam kong pareho kaming nasasaktan ng mga oras na iyon. Ngunit ang pinagkaiba lang, nasasaktan si Roshan dahil kay senyorito Nathan, samantalang ako, nasasaktan dahil kay Roshan.
I was there. I remember it all too well.
BINABASA MO ANG
🌈 ISMS1: Dahan (BL) ✔
Fiksi RemajaIstorya sa Musika Serye (NEW) #1: COMPLETED Inspired from December Avenue's Dahan BLURB: "Pinky promise?" "Pinky promise." Bata pa lang, magkasama na sina Roshan Ignacio at Miko Dela Cruz. Laging dikit at hindi na mapaghiwalay, kung kaya...