Dahan: 24

142 9 3
                                    

KABANATA 24

    Tahimik at walang ibang maririnig sa munti naming sala noon kung hindi ang tunog ng orasan at ang panaka-naka naming buntong-hininga ni Roshan. Muli ay nagnakaw ako sa kaniya ng tingin. Nanatili siyang nakayuko habang nakatingin sa inuming inabot ko sa kaniya kanina.

    “Rosh,” pukaw ko sa atensiyon niya. “Ano ba ang nais mong pag-usapan natin?”

    Halos kinse-minutos na kasi ang lumipas, wala naman siyang sinasabi. Siya ang pumunta rito at nagsabi na gusto niyang makipag-usap.

    “Ilang gabi na akong hindi halos makatulog dahil sa kaiisip, Mik,” problemado niyang saad na kinatigil ko. “Hindi ako pinatutulog ng konsiyensiya ko kaiisip na dahil lang sa nagkaroon ako ng relasiyon ay tila binabalewala ko na ang pagkakaibigan natin, ikaw. Hindi ba sinabi ko naman sa’yo noon na hindi ko kayang magkatampuhan o hindi tayo nag-uusap? Ngayong nangyayari iyon dahil sa kung anong mayroon sa amin ni Nathan… binabagabag ako, Mik.”

    Nag-angat siya ng tingin sa akin at tila ba piniga ang puso ko nang makita ko ang miserable niyang mukha. Hindi ko akalain na kinakain din pala siya ng sitwasiyon namin ngayon. Alam ko na magkaiba kami ng nararamdaman ni Roshan kahit pareho kaming binabagabag ng kung anong mayroon sa aming lahat ngayon, pero higit sa lahat, alam ko rin kung gaano kaimportante kay Roshan ang pagkakaibigan namin. Masaya ako sa kaisipang iyon kahit papaano.

    Tipid akong ngumiti sa kaniya.

    “Sabi ko sa’yo na naiintindihan ko naman, hindi ba?”

    Bahagya siyang tumitig sa akin bago siya yumuko ulit. Pinagsiklop niya ang mga kamay niya at marahang tumango.

    “Pero pakiramdam ko kasi, inaagaw na rin ang bestfriend ko sa akin,” halos pabulong niyang maktol.

     Nanlaki ang mga mata ko sa narinig. Ano raw? Ako inaagaw? Ibig ba niyang saibihin ay ang madalas na naming pagkikita at pagsasama ni senyorito Nathaniel? Hindi ko maiwasang matawa! Bakit ang unfair niya?

    “Ano ka ba! Iyan ba ang minamaktol mo ngayon sa akin?” natatawa kong saad.

    Salubong ang kilay na tumingin siya ulit sa akin. Nanliit ang mga mata niya habang nakanguso. Dinuro ko ang mukha niya habang tumatawa pa rin.

    “Bakit, hindi ba? Halos lagi ka ngang pinupuntahan no’n dito,” nakalabi niyang ani. “May mga tropa naman siguro siyang iba, bakit nakiki-bestfriend pa siya sa may bestfriend na?”

    Napailing ako habang natatawa pa rin.

    “Sabihin mo rin iyan sa sarili mo, tol. Naging magkaibigan din naman kayo noong una ni senyorito Nathan bago kayo naging magsyota, ah?” bintang ko sa kaniya sabay maangas siyang tinanguan.

    Ang abno, umismid lang sa akin at humalukipkip pa.

    “Kahit na, sinasabi ko naman sa’yo lagi kung may pupuntahan o aalis kami ni Nathan noon. Eh, ikaw ba? Hindi ko nga alam na lalabas kayo kanina.”

    Napakamot ako sa ilong ko. May kumawalang ngisi sa mga labi ko nang maalala na noong maliit pa kami at naging malapit kaming dalawa ni Esther, ganitong-ganito rin si Rosh. Napakaseloso nga pala nito kahit sa ganito kaliit na bagay.
   
    “Kung maririnig ka lang ni senyorito Nathan ngayon, tiyak malilintikan hindi lang ikaw, kung hindi pati na ako, eh. Kaya tuloy pinalalayo tayo noong dalawa at kahit ako ay pinagseselosan dahil ganiyan ka,” mahaba kong paliwanag.

    Nakita kong natahimik siya.

    “Sinabi ko nga ulit sa kaniya na ayaw kong iniiwasan ka at huwag na siyang magselos sa iyo dahil nga bestfriend naman kita kaso…” Umiling siya. “Nagtampo na naman sa akin.”

    Mahirap talaga ang walang alam, oo. Pasalamat talaga ako at hindi pa rin ako binubuking ni senyorito Nathan dito kay Roshan kahit siguro kating-kati na iyong magsabi. Bumuntong-hininga ako at ganoon din siya. Yumukod ako para maabot siya sabay tinapik siya sa balikat.

    “Hirap pala mag-alaga ng tampuhin at selosong jowa, tol. Kaya ayaw kong magjowa, eh,” pagbibiro ko para gumaan ang sitwasiyon.

    “Gago,” mura niya kaya natawa kaming dalawa.

    “Sige para makabawi naman tayo sa isa’t isa, overnight ka rito ngayon, ano? Tapos dating gawi?” taas-baba ang kilay na saad ko.

    Nakuha naman kaagad noon ang atensiyon niya. Kapag kasi nag-o-overnight iyang si Roshan dito sa amin mula pa noon, magdamag kami niyang nagmo-movie marathon sa maliit at lumang player na narito sa bahay namin. Ang unang antukin at makatulog, lilibrehin ang panalo kinabukasan.

    Ngumisi siya. “Kol.”

    Hindi ko alam kung kailan naming huling ginawa ito, ngunit nagpapasalamat ako na napagbigyan ako ulit kahit saglit, kahit pansamantala.

    Lumipas ang ilang araw at dumating na ang weekend. Natuloy ang sinabi ni senyorito Nathaniel na lalabas kaming probinsiya at pupunta sa isang resort. Iyong magsyota na nagkatampuhan, ngayon ay ayos na. Grabeng suyo rin ang ginawa ni Roshan mawala lang ang tampo ni senyorito Nathan. Sa huli, kahit labag sa kaniyang loob ay sinabi ni senyorito Nathan na huwag na raw kaming dumistansiya ni Roshan sa isa’t isa. Kaya para mapanatag din ang loob niya, kinausap ko siya ng masinsinan na huwag na siyang mabahala sa akin dahil hindi ako gagawa ng ikasisira nilang dalawa. Sinabi ni senyorito sa akin na nakararamdam din naman daw siya ng habag sa akin, pero mahal niya raw si Roshan at hindi niya raw ito bastang pakakawalan. Ang huling sinabi ko na lamang sa kaniya ay basta masaya ang kaibigan ko, wala na akong ibang nais pa.

    “Whooh!”

    Naunang tumakbo si Esther kasama ang senyorita Nathaniel nang makapasok na kami sa magandang resort. Namangha ako! Sobrang pino ng buhangin doon at asul na asul ang dagat. Hindi karamihan ang tao ngayon dito at preparado na rin ang cottage na ni-reserve raw ng mga Villaruel para sa aming outing.

    “How is it? Like it?” narinig kong tanong ni senyorito Nathan kay Roshan na noo’y magkahawak-kaya na naglalakad sa likod ko lang.

    “Sobrang ganda, pero mas maganda pa ring pagmasdan ka,” sagot ni Roshan na kinalukot ng mukha ko.

    Peste, anong klaseng banat ‘yun? Tss.

    “How about you, Miko? Like it?” nakangiting tanong ni senyorito Nathaniel na noo’y katabi ko naman.
   
    Tumango ako at ngumiti. “Sobra.”

    “Right? At mas gumanda iyon kasi nandito ka.” Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya na kinatawa niya. “Kidding.”

    “Tss…” si Roshan sa likod.

    Tumikhim ako at hindi na pinansin iyon. Tumingin na lamang ako sa harap at pinagsawa ang sarili sa ganda ng lugar. Kung narito lang sila nanay at tatay, tiyak tuwang-tuwa ang mga iyon. Ni minsan hindi pa kami nakaapak sa ganito kagandang paraiso. May paghihinayang man, bubusugin ko na lang ang mga mata ko at magsasaya para na rin sa kanila.

    Hindi lang namin alam lahat na bukod sa aming magkakaibigan, may ibang mga mata pa palang nakatanaw sa amin noon. Noong araw ring iyon, isang napakalaking unos ang gumiba sa relasiyon nila senyorito Nathan at Roshan.

🌈 ISMS1: Dahan (BL) ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon