KABANATA 7
Tulala ako papasok sa school kinaumagahan. Hindi ko alam, ngunit kahit wala naman akong sakit ay ang bigat ng pakiramdam ko. Hindi naman masama ang pakiramdam ko, pero wala akong gana. Hindi ko alam kung kailan ang huling umaga na ganito ako katamlay. Para ngang ngayon lang ito nangyari sa akin sa unang pagkakataon. I always loved mornings. Lalo na kapag maglalakad ng ganito patungong paaralan.
Dahil ba… may kulang?
Malakas at malalim akong bumuntong-hininga. Alam kong ang dahilan kaya hindi na namin siya nakakasama tuwing umaga sa paglalakad ay dahil sa batas ng senyorito, pero…
“Hay…”
Kunot-noo akong tumingin kay Esther sa tabi ko. Kagaya ko ay para rin siyang lantang gulay.
“Ano ‘yan? Wala ka ring gana?” puna ko.
“Paano ba naman kasi, kanina pa ako dada nang dada rito, wala ka naman sa huwisyo.”
Guilty akong ngumiti sa kaniya. Naalala ko ngang ang sigla niya noong binati niya ako kanina pagkalabas namin sa mga bahay namin dahil magkapit-bahay lang kami, ngunit ako lang talaga itong may problema. Pinipilit ko naman nitong nagdaaan, ngunit hindi ko na yata kaya pang magsinungaling sa sarili ko.
“Pasensiya ka na, Ter. Hindi lang ako sanay na… ganito.”
Narinig kong pinatunog ni Esther ang dila niya. Nanatili ang tingin ko sa daang tinatahak namin. Noon ko na-realize na mula noong maliit kami hanggang ngayong mga binata at dalaga na kami, tila wala pa ring nagbago sa daan na iyon. Kung mayroon man, kami ang nagkaroon. Kung makapagsasalita nga lang siguro ang mga puno sa paligid na saksi ng paglaki namin, baka mapasabi sila na, unti-unti nang nag-iiba ang ihip ng hangin.
“Naiintindihan naman kita, Mik. Sobra kitang naiintindihan. Nasanay ka, eh. Mas nauna kayong naging magkaibigan, halos kambal-tuko na kayo nang maging kaibigan niyo ako. Ngayong nagkaroon na ng gap sa pagitan niyo, unti-unti nang nararamdaman ng isa sa inyo ang lamat. Lalo ka na…” Nalulungkot na tumingin si Esther sa akin. “Wala akong pinapanigan sa inyo dahil wala rin namang kasalanan si Roshan sa iyo at ganoon ka rin sa kaniya. Nagkataon lang talaga na may nangyaring hindi natin inaasahan. Ganoon talaga sa buhay, Mik. Walang permanente.”
Napayuko ako. Tama si Esther. Dapat inasahan ko na ito. Na darating talaga ang araw na magkakalayo rin kami ni Roshan. Na hindi habangbuhay ay magkasama kami. Na darating din ang punto na bubuo kami ng kaniya-kaniya naming buhay. Masakit lang dahil sa akin, kasama siya sa mga plano ko. Ngunit alam ko na ngayon, hindi ko ito maaaring ipilit. Lalo pa kapag nalaman niya itong damdamin ko? Paniguradong mas masisira lang kami. Kaya mas lalong umigi ang damdamin ko na itago na lang, hanggang sa kaya ko. Kapag malaman pa niya ngayong halos hindi na kami magkasama, baka tuluyan na siyang mawala sa akin.
“Naiisip ko lang…” ani ko sa mababang boses bago ibinalik ang paningin kay Esther. “Kagaya kaya niya ay nalulungkot din siya na wala tayo? Wala… ako?”
Sasagot pa lang sana si Esther nang mapatalon kaming dalawa sa biglaang busina ng sasakiyan na nagmumula sa likod namin. Napatigil kaming dalawa sa paglalakad nang mamataan ang isang makintab at mamahaling kotse na marahang pumihit palapit sa amin. Dahil ako ang nasa gilid ng kalsada, ako ang nabungaran ng driver noon nang ibaba niya ang salamin ng kaniyang kotse.
Sumalubong sa aking harap ang nakangiting gwapo na lalaki. Fresh with his clean cut, pantay-pantay at mapuputing ngipin, may nunal sa gilid ng kaniyang labi na mas nagpa-sexy lang lalo kapag nakangiti siya, sakto lang ang kaniyang katawan at… sobrang bango. Napasinghap ako. Sino ‘to? Mukha rin siyang pamilyar.
“Hi. Uh… sorry I’m lost. Alam niyo ba kung saan ang Husdado Integrated School dito?” tanong niya sa malumanay at palakaibigang boses.
BINABASA MO ANG
🌈 ISMS1: Dahan (BL) ✔
Fiksi RemajaIstorya sa Musika Serye (NEW) #1: COMPLETED Inspired from December Avenue's Dahan BLURB: "Pinky promise?" "Pinky promise." Bata pa lang, magkasama na sina Roshan Ignacio at Miko Dela Cruz. Laging dikit at hindi na mapaghiwalay, kung kaya...