Dahan: 27

169 6 3
                                    

KABANATA 27

    Akala ko hindi na papasok si Roshan kinabukasan matapos nilang maghiwalay ng senyorito, ngunit kami pa ni Esther ang nagulat nang makita namin siya sa upuan niya kinabukasan at kagaya nang mga nagdaang araw ay tahimik lamang at nakatingin sa kawalan. Bagama’t may ideya na ang lahat sa maaring sanhi ng hindi na pagpasok ng mga Villaruel sa paaralan, pinagpapasalamat namin na nanatili silang tahimik kahit panaka-nakang ninanakawan ng tingin si Rosh. Pinangangamba ko nga na baka makaabot na maging sa labas ng paaralan namin at maapektuhan maging ang pamilya ni Roshan.

    Hindi pa rin kami gaanong kinikibo ni Roshan kahit pa sumasama pa rin naman siya sa amin. Nirerespeto naman namin ni Esther ang nararamdaman niya sa ngayon at handa kaming maghintay na tuluyan na siyang bumalik sa dati. Masakit lang para sa akin na makita ang taong mahal ko sa ganitong sitwasiyon, ngunit wala manlang akong magawa para sa kaniya.

    Sa araw-araw na lumilipas sa mga buhay namin ay tila palungkot nang palungkot. Ang mga tao sa paligid nami’y nakalilimot na sa mga pangyayari, ngunit kaming tatlo at heto pa rin, naroon pa rin sa tagpong iyon. Alam ko rin kung gaano kaapektado si Esther dahil kay senyorita Nathalie na kahit nakangiti at ganoon pa rin siya sa kung ano siya, nakikita ko pa rin iyon sa kaniyang mga mata.

    “Kaunti na lang, summer na ulit, huling taon na tapos natin sa hayskul. Napag-usapan namin ni lola na kapag nakatapos ako, luluwas kaming siyudad para roon ako magkolehiyo, Mik. Ikaw, anong plano mo?” tanong ni Esther isang araw habang nagre-review kami sa finals sa rooftop.

    Wala sa sarili na napatingin ako sa gawi ni Roshan na nakahiga lang sa tabi. Nakaunan ang mga braso niya sa kaniyang ulo habang ang kaniyang reviewer ay nakatakip lang sa kaniyang mukha. Mukhang kailangan ko na namang mag-review ng maigi ngayon para mabigyan siya ng mga sagot mamaya.

    “Kung saan magkokolehiyo si Roshan, baka roon na rin ako, Ter. Alam mo namang hindi ko siya pwedeng pabayaan,” diretso kong saad. “Magsisimula na rin akong maghanap ng pansamantalang trabaho ngayong summer para makaipon kaagad ako para sa susunod na pasukan at sa kolehiyo na rin. Kukuha rin ako ng scholarship.”

    Nakita ko ang pag-iling ni Esther.

    “Lintek nga naman iyang pagmamahal mo kay Roshan, ano? Kailan ka ba gagawa ng desisyon para sa sarili mo na hindi nakabatay sa kaniya? Pero kunsabagay, desisyon mo naman iyan. Basta kapag kailangan mo ng tulong, sabihan mo lang ako. Kahit saang lupalop pa ako ng mundo, gaagwin ko ang lahat matulungan pa rin kita,” ani Esther sabay tapik sa balikat ko. “Pamilya mo na rin kami ni lola, Mik. Alam ko rin na ayaw ni Aling Anitha na mapabayaan kang mag-isa.”

    Sinsero akong napangiti nang marinig iyon. Paano na talaga ako kung wala ang mga taong ito sa paligid ko?

    “Salamat.” Bahagya akong natigilan bago naglakas-loob na magtanong. “Ikaw? Ayos ka na ba? Tungkol kay senyorita Nathalie…”

    Kita kong nagulat siya sa sinabi ko. Oo nga pala, napansin ko lang ang damdamin niya at hindi naman niya sinabi sa akin. Nahihiyang tumawa si Esther sabay kamot sa ulo niya.

    “Takte, nahalata mo pala?” Bumuntong-hininga siya. “Buti pa nga si Roshan, nasabi niya sa senyorito Nathan ang damdamin niya, pero ako, wala, natorpe, eh. Tsaka baka matakot si Nathalie kapag sinabi kong gusto ko siya. Baka… nasa maling pagkakataon at panahon talaga siguro itong damdamin ko, Mik. Hindi talaga siguro pwede.”

    Maling pagkakataon at panahon. May bahagyang kirot sa dibdib ko nang marinig iyon mula kay Esther. Tila ba naiintindihan ko kung saan siya ngayon nakatayo. Baka nga… dahil hindi naman natin hawak ang tadhana.

    Pero mali bang umasa na balang araw magiging tama na ang mga mali?

    Ngunit, nang dumating ang summer noong taon na iyon, isang hindi magandang balita ulit ang dumating. Tuluyang umalis ang mga Villaruel ng probinsiya pabalik ng Korea. Kasama nga rin ang senyor at senyora at tanging mga katiwala ang naiwan sa hacienda pansamantala. Walang nakaaalam kung kailan babalik ang dalawang matanda.

    “Roshan!” tawag ko sa kababata ko.

    Hapon noon. Nagkukulay kahel na ang kalangitan dahil sa papalubog na araw. Umuwi si Esther at naiintindihan ko kung bakit dahil si Roshan ay ganoon din. Muli, nakatayo ulit siya sa gate ng hacienda kung saan wala nang bakas ng mga Villaruel. Nakatayo lang siya roon, walang expresiyon ang mukha habang nakatingala sa partikular na bintana kung saan alam ko ay silid ng senyorito Nathan noong narito pa siya.

    Dahan-dahan akong lumapit at tahimik na tumayo sa tabi niya.

    “Ganoon ba talaga ako kadaling bitawan at iwan?” biglang saad ni Roshan na kinagulat ko.

    Wala sa sariling napailing ako.

    “Huwag mong sabihin iyan, sigurado ako na naging mahirap din kay senyorito Nathan na iwan ka.”

    Bumuntong-hininga si Roshan sabay hilamos ng isang kamay sa mukha niya. Kita ko ang pagod sa kaniyang mga mata. Tila pinupunit noon ang puso ko.

    “Sabi ko sa kaniya hanggang dito lang siya at manatili sa tabi ko, gagawin ko ang lahat ipaglaban lang ang relasiyon namin. Handa na akong sabihin kila nanay, Mik, eh. Kaso naunang malaman ng pamilya niya,” nagdaramdam niyang saad. “Hindi ko alam kung bakit ganoon lang kabilis sa kaniyang magdesisyon na umalis na tila ba wala lang sa kaniya ang mga pinagsamahan namin.”

    Hindi ako nakasagot. Wala akong nagawa noong punto na iyon kung hindi itaas ang isang kamay ko at marahan siyang tapikin sa balikat. Malungkot na ngumiti si Roshan sa akin sabay aya na umuwi na kami. Habang nakikita ko noon ang malapad niyang likod, ang likod ng taong mula pa noon ay nasa puso ko na, tila hindi na ako nakatiis. Kinagat ko ang ibaba ng labi ko at tinawag ang pangalan niya dahilan para mapalingon siya ulit sa akin at matigil kami sa paglalakad.

    “H-Hindi ba pwede na ako na lang?” nanginginig ang boses kong pag-amin.

    Kitang-kita ko kung paano nanlaki ang mga mata ni Roshan nang marinig ang sinabi ko. Kaagad na nabalutan ng kakaibang takot ang mga mata niya dahilan para kumabog din sa takot ang puso ko.

    “A-Anong sabi mo, Mik?” halos pabulong niyang saad sa hangin.

    “Rosh, mahal kita,” sa wakas ay pag-amin ko. “Mahal kita noon pa. Kaya hindi ba pwede na ako na lang?”

    Pagkatapos kong umamin sa kaniya at nakita ang sunod-sunod niyang pag-iling, tila bigla akong nabingi. Noon lang yata tumigil sa pag-ikot ang mundo sa harap ko mismo. Hindi ko alam kung paanong sa isang iglap ay wala na si Roshan sa harap ko at naiwan ako roong nakatayo pa rin. Madilim na ang paligid at ramdam ko na ang lamig. Suminghap ako at pilit pinatigil ang sarili ko sa pag-iyak.

    Minsan, may mga mali pala na kailanman, hindi na magiging tama. Kaya Rosh, dahan-dahan na kitang bibitawan. Dahan-dahan… hanggang sa hindi na kita mahal.

🌈 ISMS1: Dahan (BL) ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon