KABANATA 20
Nang mauwi na ang mga labi ni nanay at sa ilang araw na naulan ng mga nakiraramay ang aming bahay, sila Esther at nanay Estella ang naging katuwang ko sa lahat. Hindi muna ako nakapasok sa paaralan at si Esther na ang nag-excuse sa akin. Dumalaw rin naman ang ilan naming mga guro sa aming bahay maging ang ilang katrabaho ni nanay. Labis din silang nagulat lahat at pilit nilang pinalalakas ang aking loob. Hindi pa ako ayos, iyon ang totoo. Ngunit kung wala ang mga taong ito sa aking tabi, baka mas lalo ko nang hindi nakaya."Bukas na pala ang libing?" ang tanong ng aming kapitbahay na pumunta ulit ngayon dito para sa last day ni nanay.
Tumango ako at pilit na ngumiti. "Opo. Maraming salamat po pala sa mga abuloy at bigay ninyo para sa akin."
Hinagod ni Aling Ema ang likod ko. Naaawa niya akong tinignan.
"Huwag kang mag-alala, ijo. Handa kaming mga kapitbahay mo hindi lang sila Aling Estella na tulungan ka. Bukas ang mga pinto namin para sa iyo. Magpalakas ka lang sa kabila ng dagok na ito. Makakaya mo rin iyan," anito na bahagyang nagpagaan ng aking loob.
Tumayo ako pagkatapos naming mag-usap para tulungan sila Esther at Lola Estella na asikasuhin pa ang ibang pumunta sa last day ni nanay. Panaka-naka akong tumitingin sa labas ng gate namin, hinihintay si Roshan. Aniya ay pupunta raw siya rito ngayong gabi. Narito na rin naman siya kaninang umaga kasama ang mga magulang niya na kaagad nang dumalaw dahil baka hindi raw sila makasusunod kay Roshan ngayong gabi. Naiintindihan ko naman iyon. Nagpapasalamat ako na sa buong durasiyon ng lamay ni nanay ay nariyan din siya sa tabi ko. Isa siya sa pinagkukuhaan ko ng lakas kahit pa na... umiigi ang tensiyon ni senyorito Nathan sa akin dahil doon. Alam kong pansin niya dahil iisa lang kami ng nararamdaman. Kahit masakit pa rin, isinintabi ko muna ang mga pansarili kong naramdaman dahil mas masakit ang dagok ng pagkawala ni nanay sa akin.
Nagulat ako nang mapatingin ang lahat sa labas ng gate namin. Biglang nag-ingay ang mga tao sa labas na noo'y naglalaro ng baraha. Mula sa kusina ay lumabas ako at kaagad lumapit si Esther sa akin na bitbit ang isang tray ng mga juice.
"Anong mayroon?" taka kong tanong.
"Narito ang buong angkan ng mga Villaruel, Mik!" nagugulat niyang anunsiyo sa akin.
Nagulat din ako at dali-daling sumilip sa labas. Nakita ko ang magagarang sasakiyan nila at maya-maya pa ay natanaw ko na ang senyor, senyora, sila senyorito Nathaniel at ang mga magulang nila. Kaagad kaming nagkumahog nila lola at Esther na ayusin ang sala at maglagay ng mga maiinom at pagkain. Ang mga tao nama'y pinagbigyan sila ng espasiyo para makaupo silang lahat sa loob. Namamangha ang lahat sa presensiya nila.
"Ay magandang gabi po, senyor, senyora, at sa lahat. Pasok po kayo," si Lola Estella.
Mabilis akong lumapit at tumayo sa harap nila para sila ay salubungin. Giniya ko sila para makaupo na sila sa maliit naming sala.
"Magandang gabi po. Maraming salamat po sa pagpunta ninyo," magalang kong ani habang si Esther ay binibigyan sila ng maiinom.
Lumapit si senyorita Nathalie sa akin para yumakap ganoon din ang senyorito Nathaniel na halos lagi namang pumupunta rito kapag umuuwi na galing sa kaniyang trabaho sa kanilang farm. Nahihiya na nga ako sa kaniya minsan, ngunit aniya ay hayaan ko na lamang daw siyang tulungan ako sa gitna ng aking pinagdaraanan. Sa totoo lang, malaki rin ang pagpapasalamat ko sa kaniya at isa siya sa mga taong hindi umalis sa aking tabi. Ewan ko nga ba kung bakit ganoon na lang siya kalapit sa akin. Si senyorito Nathan naman ay tumango lang sa akin habang magkakrus ang mga brasong nakaupo na sa tabi ng kaniyang ama.
"Kami ay nakiraramay, ijo," ang paunang sabi ng senyor. "Kami rin ay labis na nagulat at nalungkot nang dumating ang balita ng pagkawala ni Anitha. Isa siya sa mga tapat at matagal na naming katiwala. Handa kaming tulungan ka ano mang oras kapag iyong kailangan. Huwag kang mahiyang magsabi sa amin."
BINABASA MO ANG
🌈 ISMS1: Dahan (BL) ✔
Teen FictionIstorya sa Musika Serye (NEW) #1: COMPLETED Inspired from December Avenue's Dahan BLURB: "Pinky promise?" "Pinky promise." Bata pa lang, magkasama na sina Roshan Ignacio at Miko Dela Cruz. Laging dikit at hindi na mapaghiwalay, kung kaya...