KABANATA 21
Nagsimula akong umiwas kay Roshan pagkatapos noon. Kung ganito lang din pala ang tingin sa akin ng kasintahan niya at para na rin maiwasan ko nang masaktan kung sakaling paulit-ulit akong mabigo ni Roshan dahil si senyorito Nathan na ang pinipili niya palagi, kailangan ko na sigurong dumistansiya. Alam kong napapansin na rin ni Rosh ang pag-iwas ko magmula noong gabi na iyon at kita ko ang hirap sa mga mata niya. Ngunit sa kabila ng lahat, binigyan ko siya ng ngiti na nagsasabing, distansiya na lamang muna para sa ikabubuti ng lahat. Alam kong nakita niya rin ang pagkabigo sa akin nang sabihin niyang hindi siya matutuloy dahil kay senyorito Nathan, kaya para hindi na rin siya makonsiyensiya, ako na ang nag-adjust.
“Pasensiya na, Mik. Hindi ko rin alam kung bakit ganito na lang ang nararamdaman na selos sa iyo ni Nathan.” Nahihiya siyang nagkamot ng batok. “Sabi ko naman na magkababata lang tayo, pucha. Ang tigas ng bungo nitong syota ko.”
Hindi mo kasi naiintindihan, Rosh. Nakikita ni senyorito Nathan ang kailanman man ay hindi mo nakita at naramdaman. Napakamanhid.
Napabuntong-hininga ako at ngumiti sa kaniya.
“Hayaan na. Mahal ka lang niya ng sobra kaya natatakot siyang may iba kang pinaglalaanan ng atensiyon. Suyo well na lang, par,” biro ko.
Pabiro niya akong sinuntok at ngumisi lamang ako sa kaniya. Hindi niya alam na masahol pa sa suntok ang nadaramang sakit noon ng puso ko.
Pinalis ko ang aking mga luha nang unti-unti nang ibinababa ang ataol ni nanay. Ilang gabi na akong humahagulhol at alam kong mas malulungkot si nanay kapag nakita niya akong miserable sa tuluyang pagbibigay paalam namin sa kaniya. Nang mapalis ko na ang aking mga luha ay malalim akong bumuntong-hininga. Kasabay ng tuluyan na pagtabon ng lupa kay nanay. Pumikit ako at sinatinig ang aking huling paalam sa kaniya sa kaniyang hantungan. Pinangako ko sa aking sarili na tutuparin ko ang lahat ng pangarap ko at pangarap nila sa akin ni tatay. Alam ko na magkasama na sila ngayon at kapwa nila ako gagabayan sa aking paglalakbay.
“Gusto mo ba munang mapag-isa muna rito, Mik?” tanong ni Esther sa akin.
Napatingin ako sa paligid at nagsisialisan na pala ang ibang mga tao. Nakita ko sila Roshan at senyorito Nathaniel na tulong-tulong sa pagsalansan ng mga upuan na ginamit kanina. Sila senyorita Nathalie, Esther, at senyorito Nathan naman ang narito sa aking tabi. Tipid akong ngumiti sa kanila at tumango.
“Salamat, Ter. Susunod ako sa inyo.”
Tinapik ako ni Esther sa aking balikat sabay tinanguan.
“Sige, hihintayin ka namin, ah?”
“Salamat.”
Tumalikod sila at inaya na ang dalawang lalaki sa likod na iwan muna ako pansamantala. Nagkatinginan pa kami ni senyorito Nathan bahagya bago siya sumunod sa kanila. Ganoon pa rin naman ang senyorito, masungit at bugnutin. Ngunit mahahalata ko talaga sa kaniya ang kakaibang tensiyon kapag nagtatagpo ang aming tingin. Bumuntong-hininga na lamang ako at binigyan ng taimtim na panalangin si nanay bago tuluyang umalis doon.
“Paalam, nay. Diyan lang kayo ni tatay. Tutuparin ko lahat ng mga pangarap natin.”
Pagkatapos ng halos dalawang linggo ay nakabalik na rin ako sa eskwela. Bumaha ng pangungumusta at pakiraramay ang mga kaklase at ibang kamag-aral ko sa akin. Sa lessons naman ay halos wala naman akong hahabulin dahil my notes na t-i-n-ake note si Esther para sa akin. Nasasanay na rin naman akong mag-isa sa bahay, pero halos naroon na rin palagi si Esther na hinahayaan lang din ni Lola Estella para samahan ako.
“Grabe, na-miss ko ring pumasok,” saad ko pagkaupo na pagkaupo ko sa aking pwesto.
“Na-miss ka rin namin! Grabe, nakasusuka kasama sila senyorito Nathan at Roshan. Nagtitiis na nga lang ako kay senyorita Nathalie,” wala sa sariling ani ni Esther na tinawanan ko na lamang.
BINABASA MO ANG
🌈 ISMS1: Dahan (BL) ✔
Teen FictionIstorya sa Musika Serye (NEW) #1: COMPLETED Inspired from December Avenue's Dahan BLURB: "Pinky promise?" "Pinky promise." Bata pa lang, magkasama na sina Roshan Ignacio at Miko Dela Cruz. Laging dikit at hindi na mapaghiwalay, kung kaya...