Dahan: 4

189 6 0
                                    

KABANATA 4

    Napatingin ako sa gilid ko at nawala sa pakikinig sa harap nang maramdaman ko ang malakas na sipa sa aking upuan mula kay Roshan. Binalingan ko siya at nakitang namumutla pa rin siya at halatang takot. Nakagat ko ang ibaba ng aking labi para pigilan ang aking sarili na matawa. Para siyang matatae na ewan!

    “Pota, ano na gagawin ko, Mik?” pabulong niyang tanong. “Baka ipakaladkad ako mamaya nila senyor dahil ginano’n ko ang apo niya.”

    Napabuga ako ng hininga at napailing. Tumingin ako sa may harap kung saan nakaupo ang senyorito. Mabuti na lang at malayo sila ni Roshan dahil kung nagkataon, hindi ko na alam kung ano ang nangyari. Umurong na ang buntot nitong kababata ko, mukha pa namang matapang si senyorito Nathan.

    “Ayan kasi, lagi ka na lang hindi nag-iisip,” pasaring ko kay Roshan at nakita kong napahawak siya sa kaniyang dibdib, umaktong parang nasaktan sa sinabi ko.

    “Grabe ka na sa akin, Mik! Parang hindi mo na ako mahal,” walang malay niyang sambit.

    Gulat akong napatingin sa kaniya dahil sa huli niyang sinabi! Kinabahan ako, gago. Ano raw sabi niya? Parang hindi ko na siya mahal? Bakit bigla siyang namemersonal diyan? Parang hindi niya naman sinadya iyong nasabi niya kaya kumalma rin ako. Anak ng pating, ako yata ang aatakihin dito sa isang ‘to. Kung nakikita niya lang siguro ang puso ko, makikita niya kung gaano nag-uumapaw ang pagmamahal ko sa kaniya.

    “Sige na, sige na. Tutulungan kita,” pag-alo ko sa kaniya.

    Mabilis siyang napatingin sa akin at tila gusto pa akong yakapin kaya tinaasan ko na lang siya ng kamao. Medyo intimidating ang senyorito, pero hindi naman ako natatakot sa kaniya. Baka nga makasama kay Roshan kung hindi maaayos ang gusot na ito. Hindi basta-basta ang minura niya. Tarantado talaga. May kasalanan din naman ang senyorito, kaso sana kinalma niya rin muna ang sarili niya bago inuna ang inis, eh. Kahit hindi ako kasama, nadadawit din tapos ako.

    Para sa ngalan ng pag-ibig, putangina.

    Dumating ang recess namin at si Roshan, halos dumikit na sa likod ko para lang makatago. Nagsilabasan na ang iba naming mga kaklase. Ang mga malapit sa senyorito ay parang ninja na mabilis tumayo para makaalis. Halatang natakot sa kaniya. Naawa nga ako kanina sa seatmate niyang pinakatahimik sa classroom namin, eh. Parang maiiyak na at maiihi sa salawal.

    “Umayos ka nga! Hihingi lang naman tayo ng tawad.” Pinanlakihan ko ng mga mata si Roshan na parang tuta nang nakakapit sa uniporme ko.

    “Eh, baka mamaya may mga gwardiya pala ‘yan sa paligid tapos bigla niyang utusan na barilin ako o ano.” Luminga pa siya sa paligid na parang abno. “Ikaw na lang kaya lumapit? Dito na lang ako sa may malapit.”

    “Bwiset ka naman, eh! Sinasagad mo masyado pagtulong ko. Ako talaga mainis Roshan ikaw na papalapitin ko roon.”

    Umayos naman siya at nang muli kaming tumingin sa direksiyon ni senyorito, halos madapa kami ni Roshan nang makita na kinakausap na siya ni Esther. Nakatayo na ang senyorito at mukhang papalabas siguro ng classroom kaso nakatayo na si Esther sa harap niya, kinakausap siya. Nakita ko kung paano tumaas ang kilay ng senyorito habang mukhang mahinahon naman siyang kinakausap ni Esther. Maya-maya pa, tinuro ni Esther ang pwesto namin ni Roshan. Ramdam ko ang paninigas ni Roshan kaya hinatak ko siya para makalapit na sa dalawa.

    “Magandang araw po, senyorito,” nakangiti kong bati kay senyorito Nathan.

    Tipid na tumango ang senyorito sa akin bago pasaring na pinadaanan ng tingin ang katabi ko. Mahina kong siniko ni Roshan at kita ko sa gilid ng aking mata na napaayos siya nang tayo.

🌈 ISMS1: Dahan (BL) ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon