Dahan: 22

132 7 2
                                    

KABANATA 22

    Wala nang sinabi si senyorito Nathan nang marinig ang sagot ko sa kaniya roon sa cafeteria. Akala ko nga ay magagalit siya o kokontrahin ako, ngunit nanahimik siya pagkatapos noon at bahagyang napawi ang tension sa kaniya. Sa palagay ko kahit kaunti ay may na-realize siya, naiintindihan din kung saan ako nanggagaling kagaya kung gaano ko siya iniintindi bilang karelasiyon ng taong mahal ko. Masakit na kahit ako ang nauna, hindi naman sa akin napunta. Ngunit kagaya nga ng sabi ko, basta masaya lang si Roshan, wala na akong dapat pang pagsisihan.

    Natigil ako sa paglalakad at payapang tinignan ang imahe nila Roshan at senyorito na naglalakad ng magkasama. Habang tinitignan ko sila sa harap ko, noon ko natanto kung gaano na kalayo sa akin  si Roshan. Iyong tipong so near, yet so far. Kung dati ako ang naroon at nakatayo sa tabi niya, kasa-kasama niya sa saya at lungkot, ngayon may iba nang nagpupuno noon at mas higit pa sa akin ang tao na iyon. Dahil siya ang pinili at mahal ni Roshan.

    “Mik?”

    Nawala ako sa paninitig sa aking harap nang tawagin ako ni Esther na nagtataka dahil tumigil ako sa paglalakad. Bumuntong-hininga ako at ngumiti sabay takbo palapit sa kaniya para muling makasunod sa kanila. Umakbay ako kay Esther sabay tingala sa langit. Sa unang pagkakataon pagkatapos na mabasag ang puso ko at sa pagkamatay ni nanay, ngayon lang ulit ako nakangiti ng walang bigat sa dibdib. Tama nga ang sabi nila minsan na para makalaya ka na sa bigat at sakit na iyong naranasan, kailangan mo lang ng pagtanggap. Sa ngayon, kahit medyo sariwa pa ang lahat, kailangan ko na lamang tanggapin. Na hindi sa lahat ng pagkakataon hawak ko ang oras na kapiling ko at nasa akin ang mga taong mahahalaga sa akin.

    “Ter,” tawag ko sa atensiyon ni Esther habang nakatingala pa rin sa langit. “Sa tingin mo, mayroon pa riyan na para sa akin? Tao na para lang sa akin?”

    Binaba ko ang aking tingin at nilingon si Esther na diretso lang ang tingin sa harap at mukhang nag-isip. Hindi talaga bagay sa kaniya ang nag-iisip, wala naman sa bukabulariyo iyon ni Esther. Pero dahil mukhang seryoso naman siya sa ginagawang pag-iisip, naghintay na lang ako ng sasabihin niya.

    “Alam mo kung ano ang naisip kong sagot sa mga tanong mo na iyan, Mik?” aniya kaya umiling ako. “Na hindi pala bagay sa akin ang mag-isip ng seryoso, pucha walang pumapasok sa utak ko. Ano na naman ba iyang drama mo? Tungkol ba sa napag-usapan niyo kanina ni senyorito sa cafeteria?”

    Gulat kong naituro ang mukha niya. Inis niya namang pinalis ang daliri kong nakaduro sa pisngi niya. Natawa ako.

    “Paano mong alam na nag-usap kami? Ikaw, ah? Pinagmamasdan mo talaga siguro ako lagi, ano?” Ngumiwi ako sa kaniya. “Hindi tayo talo, Ter. Sensiya na.”

    “Pucha!” mura niya sabay tulak sa akin. “Kadiri ka, gago! Hindi rin naman ikaw ang mga tipo ko, yak! Kilabutan ka nga.”

    Muli akong natawa dahilan para kyuryoso na bumaling si senyorita Nathalie sa amin na naglalakad at nagdudutdot sa cellphone niya na nasa harap lang namin ni Esther. Sila Roshan at senyorito Nathan naman ang sa pinakaunahan namin. Uwian na kasi at naglalakad kami ngayong lahat palabas ng gate. Ngumisi ako kay senyorita at sinenyas na huwag na kaming pansinin ni Esther.

    “OA mo naman,” ani ko sabay nguso.

    “Hindi naman kasi tinititigan. Nagkataon lang na nakita ko kayong nag-uusap habang nasa pila kami kanina. Mukhang seryoso pa naman ang pinag-uusapan niyo. Baka mamaya nag-aaway na pala kayo, ah? Pinalalayo ka ba kay Roshan?” taas ang isang kilay niyang akusa.

    Lakas ng radar ng hayop.
   
    “Pinaubaya ko na sa kaniya ang kaibigan natin. Wala na akong magagawa, siya na panalo, eh.”

    “Naks!” Muli siyang umakbay sa akin. “Ganiyan nga, par! Ang tapang mo ro’n. Hindi ka nakipag-agawan, bagkus tinanggap mo na lang. Kaya bilib din talaga ako sa’yo, eh. Sayang si Roshan, napakamanhid at bulag pa.”

    Napailing na lang ako.

    “Hayaan na.”

    Nang nasa gate na kami ay kaagad na naghiwalay ang dalawang magsyota na kanina ay naka-holding hands pa. Nariyan na kasi ang sundo ng magkapatid na Villaruel. Mahirap na baka tsismoso rin ang driver nila at masumbong ang dalawa. Pero sa totoo lang, may times na pinagdarasal ko na mahuli sila, eh. Atin-atin lang, ah?

    “Iyong pinasuyo ko sa’yo, ah? Send mo sa akin mamaya sa email ko,” ani senyorita Nathalie sa katabi ko.

    “Areglado, senyorita. Aasikasuhin ko kaagad pagkarating ko,” sagot ni Esther at sumaludo pa. “Para sa’yo…”

    Nanliit ang mga mata ko nang ibulong niya ang huling mga kataga. Tinanaw pa namin na makaalis na ang sasakiyan nila bago rin kami tumulak na tatlo.

    Mukhang may ideya na ako kung sino ang napupusuan nitong si Esther. Napangisi ako sa aking sarili.

    “Anong nginingisi-ngisi mo riyan, ah?”
   
    Napapitlag ako nang biglang umakbay sa akin si Roshan sabay pisil sa aking pisngi. Nanuot sa akin ang pamilyar niyang amoy na may pinaghalong amoy ni senyorito Nathan. Lihim akong napasimangot. Kinuha ko ang kamay niyang nakaakbay sa akin at kusa na rin akong dumistansiya ng bahagya.

    “Wala,” sagot ko sa kaniya. “Tagal na rin nating hindi nagsasabay tatlo sa pag-uwi ano?”

    Natawa si Esther na noo’y naglalakad sa harap namin. Ngingisi-ngisi naman akong lumingon kay Roshan ngunit napawi iyon nang makita ko siyang matiim na nakatitig sa akin. Bumuntong-hininga siya sabay kamot sa kaniyang ulo, tila naiinis sa kung ano.

    “Mik, wala na rito si Nathan,” aniya.

    Natigilan naman ako bahagya bago natanto ang ibig niyang sabihin. Mapakla akong natawa sabay kamot sa pisngi ko.

    “Sensiya na, Rosh. Nagkukusa na, eh.”

    Maingay na tumikhim si Esther sa harap namin. Gago, ang awkward na naming dalawa ni Roshan.

    “Mik, nasabi pala niyan kanina sa akin na babawi raw sa iyo.” Tumingin ng makahulugan si Esther kay Roshan. “Kaya mauuna na ako para magka-quality time naman kayo ulit na magkaibigan.”

    Nalaglag ang panga ko sa narinig at nalilitong nagbalik-balik ang tingin sa dalawa. Nahuli ko pang pasimple na pinanlakihan ng mga mata ni Roshan si Esther habang si Roshan nama’y binelatan ni Esther.

    “H-Ha? Iyong hindi ka nakatulog sa amin noong last day ni nanay?” tanong ko. “Gago, kahit huwag na. Sabi kong naiintindihan ko naman.”

    “Pero Mik –”

    Naputol ang sasabihin ni Roshan nang may malakas na bumusina sa gilid ng daan kung saan malapit kaming tatlo. Sabay naming nilingon ang kotse na pamilyar na pamilyar na sa amin. Napatingin kaagad sa akin si Esther habang si Roshan ay bahagyang tumabi sa akin.

    “Senyorito Nathaniel,” tawag ko sa pangalan ng taong kaagad na nakangiti sa akin pagkababa niya ng kotse. 

🌈 ISMS1: Dahan (BL) ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon