Dahan: 10

133 4 0
                                    

KABANATA 10

    Sumapit ang gabi at hindi na ako magkandaugaga sa paghanda para sa party ni senyorito Nathaniel. Hindi na umuwi si nanay dahil tutulong na rin daw siya roon sa paghanda. Binilin niya sa akin kaninang umaga bago siya umalis na maghihintay na lamang daw siya roon sa hacienda. Ilang mensahe pa ang natanggap ko kanina kay senyorito Nathaniel at sinabi niya na susunduin pa raw niya ako, ngunit ilang beses akong tumanggi. Nagsabi rin siya ng personal noong hinatid niya ako kaninang umaga galing sa palengke at hiningi nga niya ang numero ko pagkatapos. Ewan ko ba bakit ang kulit niya.

    “Ayos na ba ‘tong suot ko?” bulong ko sa sarili habang nagdadalawang-isip na tinitignan ang aking sarili sa salamin.

    Hindi ko maalala kung kailan ako huling nangalkal sa aparador ko para lang maghanap ng disenteng masusuot. Naaanyayahan naman kami nuon sa hacienda ng mga Villaruel kapag may pakain ang senyor at senyora, ngunit iba ito. Party mismo ng apo nila kaya nakahihiya naman na pumunta roon ng nakapambahay lang. Kinalkal ko talaga ang mga sinusuot ko kapag recognition namin sa paaralan.

    “Ayos na siguro,” bulong ko ulit.

    Isang kulay puti na polo shirt ang suot ko at tinernuhan ko ng itim na pantalon. Nagsuot din ako ng itim na rubber shoes kong medyo may kalumaan na rin. Hindi ko na inayos ang buhok ko, total clean cut naman na iyon. Ilang beses ko pang tinignan ang ayos ko sa salamin bago napagdesisyunan na pumanhik.

    “Hoy, Miko! Handa ka na ba riyan? Tara na!” sigaw ni Esther sa labas sakto na paglabas ko sa aking kwarto.

    Ala-sais na at maglalakad pa kami nila Esther papunta roon. Ala-syete ang pakain at dahil hindi naman kalayuan ang hacienda sa amin, tantiya ko ay ala-sais y media naroon na kami. Nandiyan na kaya si Roshan? Limang bahay lang naman ang layo ng bahay nila sa amin ni Esther at isa pa, noong bago ako maligo kanina ay nagpalitan kami ng mensahe na naghahanda na rin daw siya.

    “Nandiyan na!” sigaw ko pabalik.

    Kinuha ko ang susi ng bahay bago lumabas. Sinigurado kong naka-lock ang aming pinto. Pitaka at cellphone ko lang naman ang dala ko ngayon.

    “Naks, japorms! Tagal na panahon ko nang hindi nakikita na pormado tayong ganito. Hindi na ako sanay. Mas sanay na akong batang hamog tayong tatlo,” ani Esther pagkaharap ko sa bukana ng bahay namin.

    Lihim kong nahigit ang hininga ko nang sa tabi niya ay nakita ko ang tumawa na si Roshan sa sinabi na iyon ni Esther. Kagaya namin ay pormadong-pormado rin siya. Gwapo na si Roshan kahit hindi inaayusan, ngunit ngayong hindi plain na damit at kupas na pantalon ang suot niya, triple ang pagkagwapo niya. Hindi paawat ang puso ko sa paglundag habang nakatitig sa kaniya.

    Isang itim na t-shirt ang suot niya. Ang silver na dog tag na minsan lang niya sinusuot ang nagpalakas ng dating sa simple niyang t-shirt. Itim na ripped jeans at isang kulay pulang rubber shoes. May silver na relo rin siya na suot na hula ko ay sa tatay niya sa laki noon, ngunit sumakto sa mamasel na si Roshan. Ang itim niyang buhok na laging bagsak ay nilagyan niya ng wax. Nakaparte sa gilid at may kaunting tinira sa may noo.

    Ang daya! Napakabango pa ng gago! Hindi amoy baby cologne na lagi niyang dala, para iyong menthol pero hindi masakit sa ilong.

   “Ano, Mik? Pogi na ba?” Ngumisi siya sabay pogi sign.

    Umismid ako pagkarating ko sa harap nila. Nahagip ko ang nanunuksong tingin ni Esther sa tabi kaya lihim ko siyang pinanlakihan ng mga mata. Subukan mo lang manukso na inggrata ka, ikaw ang uunahin kong kainin ngayong gabi.

    “Parang wala namang nagbago, tol,” pang-aalaska ko sabay tinitigan siya mula ulo hanggang paa. “Akala ko nga kanina iyong tambay sa kanto ang katabi ni Esther.”

🌈 ISMS1: Dahan (BL) ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon