Dahan: 9

139 5 0
                                    

KABANATA 9

    Sabado ng umaga, maganda ang aking gising. Hindi ako nagkamali noong sinabi ko kay nanay na personal akong inanyayahan ni senyorito Nathaniel na pumunta sa welcome party niya, natuwa at nagulat siya. Sasama rin sila Esther at Roshan dahil inimbitahan din ng dalawa pang magkapatid. Tinanong ako ni nanay kung paano ko naman daw nakilala ang panganay ng mga Villaruel kaya kinuwento ko sa kaniya ang lahat. Nangangamba pa rin siya sa pagiging malapit namin sa mga Villaruel, ngunit sinigurado ko naman kay nanay na hindi kami gagawa ng ikasasama ng mga pamilya namin.

    “Mamamalengke ka na, anak?” tanong ni nanay na handa na sa pagpasok.

    Linggo lang kasi ang day-off ni nanay at kapag sabado, ako ang toka sa pamamalengke. Walang reklamo sa akin iyon dahil bukod sa hindi ako nagdadalawang-isip sa pagtulong sa nanay ko, makikita ko pa si Roshan. Kagaya nga ng sabi ko, kapag walang pasok, nasa tindahan siya at tumutulong sa mga magulang niya.

    “Maliligo lang muna ako, nay. Ingat ka po,” sagot ko.

    “Oh siya sige at gagayak na ako,” paalam niya.

    Pagkatapos maghanda ay sinigurado kong naka-lock ang pinto namin bago umalis. Bitbit ang banig na basket na paglalagyan ko ng mga bibilhin ay handa na ako sa pagpunta sa tindahan. Natanawan ko pa si Esther sa bakod nilang nakanguso habang nagwawalis. Natawa ako. Hindi na naman makapupuntang computer-an ang gaga at mukhang nautusan na naman ng lola niya.

    “Sipag, ah? Babaeng-babae ka riyan, inday! Magdaster ka sa sunod!” patukso kong sigaw.

    Inangasan niya ako at inis na kinagat ang ibabang labi. Sumilip siya sa paligid mukhang tinitignan kung nariyan ang lola niya bago niya ako pakyuhan gamit ang dalawang kamay. Ngunit malas niya dahil nakita iyon ng lola niya na saktong lumabas ng bahay nila. Nabatukan tuloy. Humagalpak ako at tinuro-turo si Esther.

    “Tarantada kang bata ka! Hala magwalis ka na riyan!” si Lola Estella. “Oh! Magandang umaga, Miko! Mamamalengke ka?”

    “Opo, la,” sagot ko sa matanda.

    “Aba’y mabuti. Hoy, Esther! Gayahin mo nga itong si Miko. Ikaw puro ka kabalastugan na bata ka, kababae mong tao,” pangaral pa niya sa apo bago bumalik sa loob ng bahay nila.

    Dinilaan ko na lang si Esther na pabiro akong inambaan ng hawak niyang walis. Inggrata talaga. Mabuti nga sa’yo.

    Nakangiti akong naglakad palabas ng bahay namin. Hindi na ito bago sa akin, pero masaya pa rin talaga ako sa kaisipang makikita ko si Roshan. Heto ulit ang pagkakataon na makasasama at makaaasaran ko siyang kami lang dalawa. Walang senyorito sa paligid! Miss na miss ko na si Roshan, hindi ko itatago iyon. Magmula nang gawin siyang alalay ni senyorito ay parang tinatangay na rin niya ang kababata ko. Binuntong-hininga ko na lang ang kaunting tampo at pangungulila.

    “Ay, pota!” sigaw ko nang may malakas na bumusina sa akin mula sa likod.

    Hawak ang dibdib ay bumaling ako at nagulat nang makita ang pamilyar na kotse ni senyorito Nathaniel. Anong ginagawa niya rito? Namamasyal kaya siya?

    “Miko!” masaya niyang tawag nang inilapit ang kotse niya sa banda ko.

    Yumuko ako ng bahagya para makita siya sa driver’s seat.
   
    “Senyorito! Magandang umaga po!” sinubukan kong siglahan ang pagbati sa kaniya.

    Sa totoo kasi awkward pa rin ako sa kaniya magmula nang araw na iyon sa café. Ngunit hindi ko ikakaila na natuwa rin dahil nagustuhan ko ang reaksiyon ni Roshan no’n. Pota, parang pinapapak ng uod ang tiyan ko no’n, eh. Gusto kong manapak sa tuwa. Asadong-asado ako.

🌈 ISMS1: Dahan (BL) ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon