Dahan: 26

165 8 2
                                    

KABANATA 26

    Tila lantang bulaklak sa ilalim ng makalumlim na langit, ganoon ang pakiramdam ko noong mawala sa amin si tatay. Nang si nanay naman ang nawala sa akin, tila ako naglalakad sa itaas ng tubig sa gitna ng madilim na paligid. Everything was empty kahit ang kalooban ko. Ganoon talaga siguro ang pakiramdam kapag nawawalan ka ng mahal sa buhay. Noong pinili ni Roshan si senyorito Nathan, para bang biglang tinangay ang puso ko, pero nanatiling mulat ang mga mata ko habang nakikita siyang masaya sa iba. Hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ngayon ni Roshan, ngunit sa gitna ng kalungkutan, napakasama kong magkaroon ng kaunting kasiyahan sa akin. Dahil tila ba unti-unting binabalik ang nawalang puso ko sa akin.

    Ngayong wala nang kasiguraduhan sa kanilang dalawa, maaari na kayang pagbigyan ng tadhana ang damdamin kong ito? Kung sasamahan ko ba si Roshan sa kaniyang pagkabigo ngayon ay mapapansin na niya ang damdamin ko? Dahan-dahan na kayang magkakatsansa ang dati’y hindi maaari?

    “Ano ba ‘tong iniisip ko? Dapat mag-alala muna ako para sa kanila…” bulong ko sa aking sarili.

    Pagkatapos nang nangyari noon sa resort, wala na kaming narinig sa mga Villaruel magmula noon. Nagtataka nga rin ako kung bakit wala ring sinasabi si Roshan magmula ng araw na iyon sa ilalim ng ulan. Hindi ko alam kung nagkausap na ba sila ni senyorito o ano, pero malaki ang naging epekto ng lahat kay Roshan. Naging tahimik na siya at minsa’y walang emosiyon na nakatingin sa kawalan.

    “Ano kaya ang nangyari kay senyorito Nathan, ano?” rinig kong bulong ng isa naming kaklase.

    “Oo nga, eh. Rinig ko ay hindi na rin pumapasok ang kapatid niyang senyorita Nathalie. Ni wala nga raw lumalabas sa mansiyon nila dalawang araw na! Ano kaya ang nangyari, ano?”

    Kita kong pasimple silang nagnakaw ng tingin sa aming tatlo rito sa likod, ngunit nang makita na nakatingin ako ay kaagad ring umiwas. Malungkot akong bumuntong-hininga. Tumingin ako sa harap kung saan naroon ang bakanteng upuan ni senyorito pagkatapos ay tinignan ko ang katabi kong tahimik at nakatanaw lang sa labas ng bintana. Si Esther naman sa kabilang tabi ko ay nag-aalala ring bumaling sa akin.

    “Nakontak mo na ba ang senyorita Nathalie?” pabulong kong tanong kay Esther.

    Umiling siya at malungkot na tumingin sa kaniyang cellphone. Kita ko ang higpit ng pagkahahawak niya roon.

    “Wala pa rin, eh.”

    Natigilan ako at napatitig kay Esther. Oo nga pala, maging siya siguro ay apektado rin. Hindi man niya sabihin, alam ko nang may pagtingin si Esther sa senyorita. Bigo akong nag-iwas ng tingin sa kaniya at nanahimik. Napatingin din ako sa cellphone ko dahil kahit si senyorito Nathaniel ay hindi pa nag-rereply kahit sa isang mensahe ko. Kahit ang tawag ko’y hindi rin kumukonekta kaya naisip ko na baka ay kinuha ang mga gadgets nila para hindi sila makapag-usap kahit kanino sa labas.

    Umayos ako nang upo nang pumasok na ang aming adviser. Natahimik ang lahat dahil mukha siyang seryoso. Isa-isa niya kaming tinignan bago niya huling pinadapuan ng tingin ang bakanteng upuan na iyon sa harap. Bigla akong kinabahan.

    Tahimik kaming nag-abang sa kung ano ang sasabihin niya. Bumuntong-hininga siya at inayos ang salamin niya sa mata.

    “Nakatanggap kami ng tawag kaninang umaga mula sa senyor ng mga Villaruel,” panimula niya. “Mula sa araw na ito ay hindi na raw papasok sa paaralan na ito ang magkapatid na Villaruel.”

    Napasinghap ako sa gulat at mabilis na napabaling kay Roshan na noo’y dahan-dahang napatingin sa harap habang nanlalaki ang mga mata. Halatang hindi inaasahan at nagulat din siya sa narinig. Kaagad na napuno ng bulungan sa aming paligid. Rinig na rinig ko ang kabog ng sarili kong dibdib sa halo-halo kong nadarama.

    “Hindi rin naming alam ang dahilan dahil walang sinabi ang senyor,” pagpapatuloy ng aming adviser. “Ngunit may posibilidad na umalis ulit sila sa probinsiya na ito at bumalik sa Korea.”

    Napamura ako sa aking utak nang marinig ko ang marahas na pagtayo ni Roshan pagkatapos bitawan ng adviser namin ang mga katagang iyon. Naging alerto rin kami ni Esther at napatayo lalo nang tumakbo si Roshan palabas. Hindi maganda ito.

    “Rosh!”

    Hindi na naming pinansin ang adviser at mga kaklase namin na tumatawag sa amin. Kasunod ko si Esther habang si Roshan na sobrang bilis ang takbo ay halos hindi na naming maabutan. Ngunit kahit ganoon, alam ko naman kung saang direksiyon ang tinatahak niya. Iyon ay sa mansiyon ng mga Villaruel.

    Pagkarating doon, kahit hapo kami ni Esther ay wala na kaming sinayang na sandali. Nang nasa harap na kami ng gate ng mga Villaruel ay nakita namin si Roshan na nanlalaban sa mga gwardiya roon. Kapwa kami naalarma ni Esther at kaagad nilapitan ang pwesto nila para maawat si Roshan.

    “Rosh!” nag-aalalang tawag ko sa kaniya. “Roshan, tama na!”

    “Bitawan niyo ako! Kailangan kong makausap si Nathan!” Nagpumiglas siya. “Nathan!”

    Ilang minuto pa kaming naghilahan doon sa gate hanggang sa nakita naming lumabas ang senyorito Nathan. Sa likod niya ay ang pamilya niya. Tila may sinabi ang senyora sa kaniya bago siya hinayaang makalapit sa gate kung nasaan si Roshan. Nagulat pa ako dahil halatang namayat kaagad ang senyorito at ang itim sa ilalim ng mga mata niya ay hindi maitatago. Kaagad na tumakbo si Roshan sa kaniya at niyakap ang senyorito. Napaiwas ako ng tingin.

    “Mik, tabi muna tayo para makapag-usap sila,” bulong ni Esther na mabigat sa loob kong tinanguan.

    Lumayo kami ng ilang hakbang sa kanila, ngunit ang paningin ko’y hindi inaalis sa kanila. Nang matapos sa pagyakapan, nagharap na silang dalawa. Seryoso lang ang senyorito Nathan habang si Roshan ay mababakas ang labis na pag-aalala sa mukha. Nakita kong hinawakan ni Roshan ang mukha ng senyorito ngunit umiwas ito. May sinabi ang senyorito kay Roshan na tila kinagulat niya. Hinawakan niya ang senyorito sa mga balikat at inalog ito. Ilang minuto pa ay nagsisigawan na sila, ngunit agad ring natigil nang tumango si Roshan, tila pasuko na. Nanatili lang na seryoso si senyorito buong paghaharap nila ni Roshan, ngunit nang talikuran niya ang kababata ko, kitang-kita ko ang pagtulo ng mga luha niya. Ang sakit nilang tignan ng punto na iyon.

    Bahagya akong naglakad, hindi na nakatiis na hindi sila lapitan.

    “Sigurado ka na ba sa desisyon mo na ito?” may hinanakit na ani Roshan kay senyorito.

    Hindi nagsalita ang senyorito Nathan, bagkus ay nagsimula nang maglakad at tuloy-tuloy na tinalikuran ang kababata ko na napayuko na lamang. Ngunit sa kabila noon, kahit naroon ang sakit sa mga mata ni Roshan, hindi ko siya nakitang umiyak. Mabilis akong lumapit sa kaniya at hinawakan siya sa braso.

    “Roshan…” tawag ko sa pangalan niya.

    Marahas niyang winaksi ang braso niya mula sa pagkahahawak ko at natigilan ako nang lagpasan niya ako para umalis na roon. Gusto ko siyang tawagin ulit, ngunit tila umurong na ang dila ko. Sa direksiyon naman ng senyorito ay pumasok na rin siya ulit sa mansiyon nila kasama ang pamilya niya. Hindi ko alam, pero sa tingin ko ay winakasan na ni senyorito Nathan ang kung ano man ang mayroon sa kanila ni Roshan.

    Saksi ako kung paano silang nagmahalan, ngayon saksi ulit ako kung paano sila nagwakas. Ngunit hindi kagaya noong nauna, may sumibol na kakaibang pag-asa sa aking kalooban. Na baka sa pagkakataong ito, ako naman ang mapagbigyan. Gaano man hindi kaganda pakinggan at isipin, may bumubulong mula sa kaibuturan ng aking puso na sana, ang susunod na ngiti at tingin ng pagmamahal ni Roshan ay para naman sa akin. Kung sana ako na lang ang minahal niya…

    Pero mapapalitan ko nga ba ang taong minahal ng taong mahal ko sa kaniyang puso? 

🌈 ISMS1: Dahan (BL) ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon