Dahan: 38

183 11 9
                                    

KABANATA 38

    Halos isang minuto na ang lumipas at nanatili kaming tahimik na magkaharap ni Nathan. Maging sila Betty ay ramdam ko ang pakiraramdam sa aming dalawa. There was no tension, pero pakiramdam ko ay na-su-suffocate ako. Umiling ako at ako na ang naunang bumasag sa katahimikan.

    “Bakit ka narito ngayon at ano ang nais mong pag-usapan?” mahinahon kong tanong.

    Bahagya siyang natigilan nang magsalita ako ngunit kalaunan ay ngumiti rin. Marahan niyang nilapag ang mug ng kape sa harap niya. He’s still the perfectionist Nathan, ngunit kung may nagbago man sa kaniya, iyon ay madalas ko na siyang makitang ngumiti hindi kagaya noon na tila lahat ng sama ng loob sa mundo ay salo niya.

    “I wanted to tell you a secret,” aniya.

    Napatitig ako sa kaniya at ramdam ko ang mariing pagkunot ng aking noo. Bumuntonghininga ako.

    “Maaari mo ba akong diretsuhin?”

    He pursed his lips at tumango. Tumingin siya sa labas ng shop at kaagad na napawi ang ngiti sa kaniyang mga labi. Nakita ko ang pagkawala ng kislap sa mga mata niya na tila ba may nakaraan siyang binabalikan. Isang nakaraan na hindi maganda para sa kaniya.

    “Roshan is…” halos pabulong niyang ani sa hangin. “Roshan is my first love, Miko. Alam ko na hindi maganda kung paano kami unang nagkita, but what really caught my heart about him was how gentle he is as a person. He’s super caring, he always make sure na masaya ka at hindi malungkot. I wanted to monopolize him kaya kahit sa iyo na bestfriend niya at una niyang nakilala ay ayaw kong maging ganoon siya. I knew that between us, you knew him best. Kaya sa lahat, sa’yo ako sobrang selos.”

    Nalipat ang paningin niya sa akin at ramdam ko ang riin noon. Napakuyom ang mga kamay ko sa ilalim ng mesa. Tinapatan ko ang mga titig niya kahit ramdam ko ang sunod-sunod na pagtambol ng puso ko.

    “Alam mo rin noon ang nararamdaman ko para sa kaniya, hindi ba?” ang katanungan na kailanman ay hindi naisatinig noon pa.

    May maliit na ngiting lumagpas sa mga labi niya ngunit kaagad ring nawala. Tumango siya.

    “Alam ko.” He paused. “Kaya mas natakot ako, Miko. Dahil kahit sinabi niya na gusto niya rin ako, kahit akin na siya noon, sobrang takot pa rin ako. Alam mo ba kung bakit?”

    Kumurap-kurap ako sa harap niya at mariing lumunok.

    “B-Bakit?”

    Malungkot siyang ngumiti sa akin. “Dahil kahit nasa akin siya noon, pakiramdam ko may kahati pa rin ako sa kaniya. Alam mo ba kung sino? Ikaw, Miko.”

    Kulang ang salitang gulat nang marinig ko ang sinabi ni Nathan. Hindi totoo iyan. Hindi totoo iyang sinabi niya. Ako? Kaagaw niya kay Roshan?

    Muli ay naalala ko ang pamilyar na pakiramdam na unti-unti mismong nawawala sa aking tabi ang taong mahal ko. Na harap-harapang masaya at nagmamahal ng iba ang sa umpisa pa lang ay iniingat-ingatan ko na sa aking puso. Kung paano nabasag ang puso ko noong talikuran niya ako nang sinabi kong mahal ko siya. Kaya paano niya nasasabi na pakiramdam niya ay kahati niya ako kay Roshan kung siya ang dahilan kung bakit nawala sa akin ang kababata ko noon?

    “Hindi totoo ‘yan,” garalgal ang boses kong sambit. “Kitang-kita mismo ng mga mata ko na pinili ka niya kahit sa umpisa pa lang ay ako na ang nariyan! Tinanggap ko kahit masakit! Sa harap ko mismo nangyari kayo ni Roshan kaya paano mo nasasabi iyan?”

    Suminghap ako at kaagad na pinalis ang butil ng luha na kumawala sa aking mata. Umiwas ako ng tingin sa kaniya. Mabilis na tumaas-baba ang dibdib ko sa emosiyong kumawala sa akin. Bakit ba niya sinasabi iyan sa aking ngayon? Gulong-gulo pa ako sa sinabi ni Roshan kahapon, tapos heto naman? Gusto na yatang sumabog ng utak ko.

    “Hindi mo talaga alam kung bakit takot at inis ako sa presensiya mo noon, ano? Hindi lang dahil alam kong kababata ka niya, Miko. It was more than that.” Umiling-iling siya. “Si Roshan… natutunan niya lang akong magustuhan dahil takot siya. Takot siya na kung piliin niya ang tinitibok mismo ng puso niya, tuluyan nang mawala ang tao na iyon sa kaniya. Dahil ang dalawang taong nagmamahalan, kapag nasira, wala nang matitira kahit pagkakaibigan.”

    Nagulat ako sa sinabi niyang iyon. Nanlalaki ang mga mata na muli ay tumingin ako sa kaniya. Nakita ko ang simpatya sa mga mata niya habang nakatingin sa akin. Umiling ako at natawa. Ganoong-ganoon din kasi ang naiisip ko noon kaya takot akong malaman ni Roshan ang damdamin ko. Ibig ba niyang sabihin ay ganoon din si Roshan dati kagaya ko?

    “Hindi –”

    “Pakiramdam ko kailanman ay hindi siya nagin akin. Ako ang kaharap niya pero ikaw lagi ang bukambibig. Ako ang kasama pero lagi kang sinusundan ng mga mata. Alam mo ba kung bakit ganoon na lang ang inis niyang ni Roshan kay Kuya Nathaniel? Dahil naging magkalapit kayo! He was jealous of my brother! Pero dahil takot siya, pinagpilitan niya sa sarili niya na ako na ang para sa kaniya. Pero sa totoo? Hindi.” Umiling siya at kita ko ang pamamasa ng mga mata niya. “Hindi, e.”

    Umiling ako at tinakpan ng isang kamay ang aking bibig. Nananakit ang lalamunan ko sa pilit kong pagpigil ng aking iyak. Sobrang sakit ng puso ko na pakiramdam ko ay masisira noon ang dibdib ko sa pagtambol.

    “Paano mo nasasabi ang mga iyan?” halos pabulong kong ani.

    “Noong araw ng huli naming pag-uusap ni Roshan, sa tapat ng gate namin, sinabi ko sa kaniya lahat ang mga napansin at hinanakit ko. Alam kong nasaktan din siya sa nangyari sa amin, ngunit nang marinig niya ang mga sinabi ko, na pakiramdam ko ay hindi naman siya naging akin, natahimik siya. Natahimik siya na tila ba hindi siya makapaniwala na nabasa ko ang laman ng puso niya. Na naamoy ko ang kinatatakutan niya. He never cried when we broke up, right?” Mapait na ngumit si Nathan. “Because he only liked me; I am not the one he loves, Miko.”

    Suminghap ako at tumikhim. Tila nabibingi na ako sa lakas at bilis ng tibok ng puso ko. Ayaw kong lunukin! Ayaw kong tanggapin! Dahil kung ganoon lang din pala, para saan pa at nasaktan ako noon?

    “Bakit mo sinasabi ito sa akin ngayon?” ani ko habang nakatingin sa kawalan.

    Narinig ko ang maingay na langitngit ng kinauupuan niya hudyat na tumayo na siya. Hindi ko na siya tinignan pa ulit.

    “I wanted to be free from the past now. Masaya na ako ngayon, Miko. Pero hindi ako tuluyang magiging masaya pa lalo kung may mga kaisipan pa ring humihila sa aking nakaraan.” Bahagya siyang natahimik. “Rest assured that I already moved on. Ang masasabi ko lang ay sana mapalaya niyo na rin ang mga sarili niyo at sundin kung ano talaga ang sinisigaw ng mga damdamin niyo.”

    Nanatili akong nakatulala at nakatingin sa harap ng shop kahit noong halos kalahating oras nang umalis si Nathan. Nilapitan ako nina Betty at sinabi ko na lang sa kanila na wala ako sa huwisyo para magpatuloy pa sa trabaho sa araw na iyon. Binigyan na lamang nila ako ng maiinom at nanatili akong nakaupo sa pwesto ko at pinanuod ang araw na lumubog sa labas ng shop.

    “Boss,” marahang ani Betty. “Magsasara na.”

    Tumango ako. “Ako na ang magsasara. Umuwi na kayo.”

    Mula sa gilid ng aking mata ay nakita ko pa siyang tumitig sa akin. Bumuntonghininga siya bago naglakad at umalis. Ngayon ay ako na lang ulit ang mag-isa sa loob ng shop. Patay na ang ilang ilaw at naka-close sign na sa labas. Nang mabingi ako sa katahimikan ay noon lang pumatak ang mga luha ko hanggang sa naging palahaw. Tila gripo na bumuhos lahat ang damdamin na pilit kong inipon. Tinakpan ko ang mukha ko at hinayaan ang sarili na mawala sa pag-iyak.

    Narinig ko ang pagbukas ng pinto ng shop at ang mga yabag na tila nagmamadali. Naamoy ko ang isang pamilyar na pabangong panlalaki dahilan para mas lalo akong umiyak.

    “Mik!” ang nininerbyos na tawag sa akin ni Roshan. “Mik, bakit ka umiiyak? Anong nangyari?”

    Hinawakan niya ang magkabila kong pisngi at namumungay naman ang mga mata kong tumingala sa kaniya. He looked so worried for me. For me. Sa akin.

    I cupped his face back at nakita ko kung paano nagparte ang mga labi niya. Natuon ang paningin ko roon hanggang sa hindi ko napigilan ang sarili ko. Marahan kong nilapit ang mukha ko sa kaniya at hinagkan ang mga labing matagal ko nang gustong angkinin para sa aking sarili. Ramdam ko ang gulat ni Roshan ngunit nang maramdaman niyang paatras na ako ay saka niya ako mariin na hinawakan sa batok para diinan ang inumpisahan kong halik.

🌈 ISMS1: Dahan (BL) ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon