KABANATA 5
“Putangina ka! Nakita pa kita ulit na gago ka!”
Kaagdad kong sinuway at sinamaan ng tingin si Esther nang sinubukan niyang gayahin ang kahihiyan ni Roshan kanina. Ang impakta, humagikhik lang na tila tuwang-tuwa habang ako medyo hindi pa rin napapanatag. Tahimik ang naging recess namin kanina sa kabila ng kyuryosong mga tingin at bulungan ng mga estudyante. Mabilis na kumalat na si senyorito Nathan at senyorita Nathalie – na nakababatang kapatid ni senyorito – ay mga Villaruel. Ang pinagtataka lang siguro nila ay kaming mga kasama nila. Alam kong kahit mga kaklase namin ay nangangati nang magtanong kung anong nangyari bigla, ngunit dahil intimidated pa rin sila sa senyorito ay nanatili na lamang muna sa patingin-tingin.
“Pwede ba, Ter? Kanina mo pa ginagawa ‘yan. Para kang tanga,” naiinis kong bulong sa kaniya.
“Oh, easy. Galit agad, eh.”
Umismid ako sabay baling muli sa harap namin kung saan naglalakad sila senyorita, senyorito, at katabi ang kababata kong seryoso pa rin. Tanghalian na namin at papunta na naman kami sa canteen. Sa harap namin sila ni Esther. Sa lahat ng ito, mukhang si senyorita ang pinakanatutuwa. Ewan ko ba. Magmula nang malaman niya ang kwento mula mismo sa kuya niya ay manghang-mangha siya. Tila noon niya lang nakita na may hinayaan ang kuya niya na ganoon kalapit dito.
Nalipat ang tingin ko kay senyorito na mukhang naaliw rin sa ginawa niya. Gusto kong mainis, pero alam ko na hindi ko rin siya makokontra. Isa lang kaming hamak na mga langaw sa harap niya. Nang tumingin naman ako sa kababata kong kaawa-awa sa tabi ay tila nalukot ang puso ko. Kahit naman may pagkapilyo at palaasar iyang kababata ko ay ayaw na ayaw kong ginaganiyan siya. Alam kong pumayag lang siya sa gusto ng senyorito dahil nga maprinsipyo at responsable rin iyang si Roshan. Ngunit kita naman na hindi lang siya ang may mali. Naagrabyado siya sa sitwasiyon at iyon ang dahilan kung bakit nasasaktan ako. Mahal ko si Roshan at mas gugustuhin ko pang ako ang inaapakan o saktan kaysa siya. Kaya rin siguro ako nakararamdam ng inis ngayon dahil nahahaluan iyon ng damdamin ko para sa kaniya.
“Ang unfair, Ter,” bigla kong sambit noong malapit na kami sa canteen. “Alam kong may kasalanan din si Roshan pero…”
Naramdaman ko ang pagtapik ni Esther sa balikat ko. Nang tumingin ako sa kaniya ay alam kong nakita niya ang tunay kong nararamdaman ngayon sa aking mga mata.
“Naiintindihan kita, pero wala tayong laban diyan, Mik. Iyan din siguro ang pumasok sa isip ni Roshan kaya pumayag. Hindi matalino iyang kaibigan natin pero kapag sa mga sitwasiyon na ganito ay rasiyonal naman siya,” pag-alo ni Esther sa akin. “Huwag ka na magselos diyan.”
“Hindi ako nagseselos!” impit kong sigaw at pabiro siyang inambaan ng suntok.
Tumawa lang ang gaga sa sinabi ko. Ang seryoso ng usapan tapos biglang babasagin ng gano’n. Sarap upakan.
“Huwag mo nang ipagkaila, Mik. Sa akin ka pa talaga magloloko. Alam kong nag-aalala ka, pero alam ko ring nag-aalala ka sa kaisipang mahahati na ang atensiyon ni Roshan.”
Natahimik ako. Wala talaga akong maitatago rito. Hindi ko nga alam kung bakit wala pang napapansin si Roshan sa akin dahil kaming dalawa ang mas malapit. Magaling lang talaga siguro akong magtago ng damdamin ko sa harap niya.
Oo. Bukod sa hindi ko gusto ang sitwasiyon na ito, nag-aalala rin ako. Habang tinitignan ko sila sa harap ko ngayon, parang may mga karayom na isa-isang tumutusok sa puso ko. Alam ko na hindi naman lahat ng lalaki na mapalapit sa kaniya ay kagaya ko na may damdamin para sa kaniya. Mas mabuti nga na hindi babae si senyorito at kong si senyorita naman ay bata pa para kay Roshan. Pero… ang makakita ng ibang tao na lagi nang nasa tabi niya simula ngayon, parang torture na kaagad sa akin. Lalo pa kung ito na ang araw-araw kong makikita sa harap ko. Hindi ako mapanatag.
BINABASA MO ANG
🌈 ISMS1: Dahan (BL) ✔
Novela JuvenilIstorya sa Musika Serye (NEW) #1: COMPLETED Inspired from December Avenue's Dahan BLURB: "Pinky promise?" "Pinky promise." Bata pa lang, magkasama na sina Roshan Ignacio at Miko Dela Cruz. Laging dikit at hindi na mapaghiwalay, kung kaya...