KABANATA 23
“Senyorito Nathaniel,” tawag ko sa pangalan ng taong kaagad na nakangiti sa akin pagkababa niya ng kotse.
Nakatingin kaagad sa akin ang senyorito pagkababa ng kotse niya. Siguro ay galing ulit siya sa farm nila kung saan siya na raw ang may hawak at namamahala. Napakamot ako sa pisngi ko. Simula noong mamatay si nanay, naging madalas na rin ang pagdalaw sa akin nitong si senyorito na nasasabi na ni Esther minsan na baka raw may pagtingin ito sa akin. Ayaw kong paniwalain ang sarili ko roon at iniisip magmula sa una na nais niya lang akong kaibiganin talaga, ngunit sa mga nagdaang araw na may kakaiba na akong nararamdaman sa mga kilos niya ay maging ako rin ay napapaisip na rin.
“Miko!” aniya bago napansin ang dalawa kong kasama. “Oh, wala kayong date ni Nathan ngayon?”
Napatingin kaming lahat kay Roshan. Kapag uwian kasi, walang mintis ang mga lakad nila niyang ng senyorito Nathan. Ngayon nga lang namin ulit siya nakasama ngayong uwian.
“Wala po muna, senyorito. Napagkasunduan namin ni Nathan na bukas naman ulit,” sagot ni Rosh sabay bahagyang sumulyap sa akin.
“Ay, napadaan po pala kayo, senyorito?” si Esther na ang walanghiya na nagtanong.
“Oh…” Ngumiti ng kaytamis ang senyorito bago muling tumingin sa akin. “Yayayain ko sana ulit si Miko riyan sa kanto to eat his favorite street foods, kaso baka nais niyo ring sumama?”
Niyayaya niya na naman ako? Lihim na nanliit ang mga mata ko.
“Ay! Hindi kami sasama ni Roshan, kayo na lang nitong kaibigan namin,” si Esther at bahagya pa akong tinulak na kinagulat ko.
Lihim ko siyang pinanlakihan ng mga mata at inaambaan ng suntok. Kaso ang gaga pinanlakihan din ako ng mga mata at binulungan na sumama na.
“Ha? Anong hindi sasama? Sasama ako, bahala ka kung ayaw mo.”
Gulat kaming napatingin ni Esther kay Roshan nang sabihin niya iyon. Umakbay siya sa akin bago nakangiting bumaling kay senyorito Nathaniel at sinabi kung ayos lang daw ba.
“Well, the more the merrier,” ani senyorito Nathaniel sabay tawa. “So, kami na lang? Ayaw mong sumama, Esther?”
Nakita kong may sinesenyas pa si Esther kay Roshan na hindi siya pinapansin. Lihim akong napapikit. Ano bang nangyayari bigla?
“Ay! Unfair naman kung maiiwan ako, gusto ko rin ng kwek-kwek ngayon,” lapastangan na ani Esther. “Sasama rin ako siyempre! Masarap daw pag libre, eh.”
“Gaga!” suway ko sabay batok sa kaniya.
Natawa ang senyorito Nathaniel sa amin bago niya kami inayang umalis. Dahil walanghiya si Esther, nauna siyang pumwesto sa likod at tumabi kay Roshan na nagulat din. Sinabihan niya ako na ako raw ang sa harap kaya wala na akong nagawa. Ako ang naupo sa passenger seat katabi ng senyorito Nathaniel. Sinadya talaga ng babaitang si Esther ‘to. Lagot sa akin ‘to. Ibubuko ko talaga ‘to kay senyorita Nathalie.
“Sinasabi ko talaga sa iyo, Mik. May something iyang si senyorito Nathaniel sa iyo, eh,” bulong ni Esther noong makarating na kami sa stall ng mga street foods.
Malakas ko ngang siniko sa gilid. Mamaya may makarinig sa kaniya, eh. Sa harap lang namin sila senyorito Nathaniel at Roshan noon at naglalakad. Kaming dalawa naman ang nasa hulihan.
“Pwede ba, huwag ka nang maglagay pa ng kaisipan sa utak ko. Hindi ko na nga lang pinapansin at nilalagyan ng malisya, eh,” sagot ko.
“Tsk. Ewan ko ba, malakas pa rin talaga ang kutob ko.”
Nanahimik na lamang ako pagkatapos noon. Sa paningin ko naman hindi ang tipo ni senyorito Nathaniel ang magkagugusto sa kapwa niya lalaki. Sobra lang talaga niyang bait at matulungin para sa akin. Pareho sila ng ugali ni senyorita Nathalie. Minsan nga napag-usapan namin siya, nabanggit minsan ni senyorita na may labis daw na minahal na babae noon ang kuya niya sa Korea, kaso hindi rin sila nagtagal. Kaya may parte pa rin sa akin na ayaw lagyan ng malisya ang mga kilos niya.
Dumaan ang mga araw pagkatapos noon na dahan-dahan na nga kaming lumalayo ni Roshan sa isa’t isa. Lumaki nang lumaki na ang distansiya namin sa isa’t isa. Masakit at malungkot, pero nakita ko na rin iyong pagkakataon para makalimot na rin sa nararamdaman ko para sa kaniya. Sa okasiyong iyon ay mas naging malapit naman kami sa isa’t isa ng senyorito Nathaniel. Sobrang gaan na rin ang loob ko sa kaniya at minsan pa nga ay naghahapunan siya sa bahay para raw masamahan ako kahit papano. Mas tumindi naman ang panunukso sa akin ni Esther dahil doon.
“Senyorito, salamat, ah?” pagpapasalamat ko kay senyorito Nathaniel.
Linggo iyon, walang pasok. Hinatid niya ako sa bahay matapos ng buong araw naming paglabas. Dinala niya ako sa farm nila tapos sa mall. Sinabi pa nga niya na sa susunod ay lalabas kaming lahat sa probinsiya at pupunta sa isang resort. Na-excite naman ako bigla! First time iyon para sa akin kung sakali. Hindi lang puro sa tagong falls dito sa amin ang bonding place namin.
“You’re welcome as always. As long as you’re happy,” aniya na nagpatalon bahagya sa puso ko.Matamis akong ngumiti sa kaniya at umalis na mula sa pagkayuyuko sa bintana ng kotse niya para makaalis na siya. Bumusina pa siya ng isang beses at kumaway naman ako bago siya tuluyang umuwi.
“Kaya pala wala ka sa bahay niyo, lumabas ka pala ulit kasama si senyorito Nathaniel.”
Mabilis akong napalingon sa pinanggalingan ng boses at nakita ko kaagad si Roshan sa harap ng gate namin. Nakasandal siya roon, nakahalukipkip, seryoso, at walang kangiti-ngiti sa mga labi.
“Rosh…” mahina kong tawag sa kaniya.
Bumuntong-hininga siya at umalis sa pagkasasandal sa gate. Nakitaan ko ng kakaibang lungkot ang mga mata niya sa kabila ng pagngiti sa akin.
“Usap tayo, Mik.”
BINABASA MO ANG
🌈 ISMS1: Dahan (BL) ✔
Teen FictionIstorya sa Musika Serye (NEW) #1: COMPLETED Inspired from December Avenue's Dahan BLURB: "Pinky promise?" "Pinky promise." Bata pa lang, magkasama na sina Roshan Ignacio at Miko Dela Cruz. Laging dikit at hindi na mapaghiwalay, kung kaya...