KABANATA 17
"Kumusta?"
Nagulat ako at natigilan sa paglayag ang aking isip nang makita si Esther. Umalis siya sa pagkasasandal sa aming gate, tila kanina pa niya ako inaabangan na umuwi. Nang makabawi ay binigyan ko siya ng malungkot na ngiti. Bumuntong-hininga siya, tila nakuha kaagad ang pinararating ko. Tumabi ako sa kaniya sa gate at sabay naming tiningala ang unti-unti nang papadilim na langit.
"Umamin na siya sa akin, Ter. Gusto niya raw si senyorito Nathan, eh." Tumawa ako kaso nanginig lang ang boses ko.
Napakamot si Esther sa ulo niya at naging maingay ang pagpapatunog niya ng kaniyang dila.
"Naknamputspa naman, oo. Hirap talaga ng ganito, Mik. Gusto kitang ipaglaban kay Roshan talaga, kaso nang malaman ko na gusto niya rin si senyorito Nathan, sobra rin akong nasaktan para sa iyo." Nalulungkot siyang tumingin sa akin. "Kapag nagkaaminan sila, masaya na si Roshan, pero paano ka na?"
Paano na ako? Hindi bale na siguro ako. Kung may natutunan man ako sa pag-ibig na ito, iyon ay huwag maging makasarili kahit pa sa kaibuturan ng puso ko ay gustong-gusto ko talagang ipagdamot ang kababata ko. Ngunit hindi tama iyon. Lalo na't klaro nang wala akong pag-asa. Na pareho talaga nilang gusto ni senyorito Nathan ang isa't isa.
"Ayos na ako kung masaya siya, Ter. Wala na akong dapat gawin pa ngayon kung hindi suportahan siya at makita na maligaya siya sa taong pinili niya," madamdamin kong saad.
Nalukot ang mukha ni Esther. Halata talaga sa kaniya na frustrated siya sa sitwasiyon. Naiintindihan ko naman siya. Naiipit lang siya sa gitna namin ni Roshan.
"Paano ba hatiin ang mararamdaman ko? Sa kabila masaya. Sa kabila malungkot. Putspa." Natawa ako sa kaniya. "Halika nga! Mag-street food na lang muna tayo bago ka tumuloy sa inyo. Libre ko na para sa heartbroken."Binatukan ko nga. Hindi ko alam kung kino-comfort niya ako o iniinsulto, eh.
"Kapag talaga ikaw ma-heartbroken na gaga ka."
Nakita kong sumimangot siya.
"Layo. Wala na akong pag-asa ro'n. Hanggang tingin at dikit na lang siguro ako," aniya sabay naunang maglakad sa akin.
Mangha ko siyang sinundan sabay inakbayan.
"Oi! Hindi nga? May nagugustuhan ka?" tuwa kong tanong.
"Huwag ka nang magtanong."
"Wala. Maduga 'to," kunyari ay inis kong sambit. "Alam na alam mo lahat ng pagtingin ko kay Roshan tapos hindi ka magsi-share sa akin? Nakatatampo ka naman!"
Kunyari ay nagtatampo akong nauna sa paglalakad sa kaniya. Hindi nagtagal ay tumakbo rin siya papunta sa tabi ko sabay akbay sa akin.
"Sa susunod, sasabihin ko sa'yo," maangas niyang ani sabay taas ng fist bump niya.
Ngumuso ako ngunit wala na ring nagawa. Tinanggap ko ang fist bump niya. Buti na lang, may Esther pa sa tabi ko.
Ang araw na tuluyan nang wala sa tabi ko si Roshan kailanman ay hindi ko pinangarap. Kahit nga sa panaginip ay ayaw ko iyong mangyari o makita. Ngunit dumating pa rin. Sa hindi ko inaasahang paraan. Sa panahon na handa ko nang ipaglaban ang nararamdaman ko para sa kaniya.
"Nay? Ayos ka lang po ba?" tanong ko kay nanay kinaumagahan bago ako pumasok sa paaralan.
Sanay na ako kapag nireregla si nanay. Mainitin ang ulo, suplada, nananakit ang puson at katawan, ngunit ngayon ko lang siya nakita na ganito. Namumutla, namamawis, halos hindi makatayo. Bigla akong binundol ng kaba.
"Ayos lang ako, anak. Naku, malapit na siguro ako mag-menopaus." Tumawa siya. "Hindi muna ako makapapasok ngayon sa trabaho. Nagpaalam na rin naman ako na masama ang pakiramdam ko. Ngunit ikaw, huwag mo na akong alalahanin at may pasok ka pa."
Tinitigan ko pa siya nang matagal.
"Sige po. Magpahinga na lang po muna kayo at huwag gumalaw ngayong araw. Uuwi po ako mamaya kaagad para makapagluto," ani ko.
Tumango siya at ngumiti sa akin. Nakita ko ang kakaibang galak sa mga mata niya. Tila ba pinaparating noon na masaya siya na ako ang anak niya. Tila may humaplos naman sa aking puso.
"Sige na, umalis ka na."
Tumango ako. "Sige, nay. Ang bilin ko, ha?"
"Anak..." Tumingin ako sa kaniya habang hawak na ang seradura ng pinto namin. "Mag-iingat ka."
Nasa isip ko noong umaga na iyon na parang may kakaiba kay nanay ngunit ayaw ko ring pakabahin pa ang sarili ko. Naisip ko na masama lang talaga siguro ang pakiramdam niya. Hindi naman nagsinungaling si nanay sa akin kailanman.
Nang makarating sa paaralan, nagtaka ako dahil tila dinudumog ang harap ng silid namin. Anong mayroon? Nalipat ba ang flag ceremony sa loob ng silid namin at dito sila nagkukumpulan? May nakita akong tila hindi makapaniwala sa nakikita, may ibang babae roon na umiiyak na kinagulat ko, may iba pa na umiiling tila ayaw tignan ang nasa harap at may iba namang tumitili na tila kilig na kilig.
"Anong mayroon?" tanong ko sa aking sarili.
Mabilis akong naglakad para makiusyoso sa kanila. Halos isiksik ko ang aking sarili sa kanila. May iba na nakakita sa akin at sinabihan akong, naagaw na raw ang pwesto sa akin. Kunot ang noo, nagpatuloy ako sa pagsiksik hanggang sa marinig ko ang pamilyar na boses ni Roshan na kumakanta. Tila tumigil ang tibok ng puso ko.
"Pasalubong naman sa 'king nararamdaman..."
Kaparehong kanta iyon na inawit niya noon habang nakatanaw lang sa senyorito, ngayon sa harap na niya mismo ni senyorito iyon kinakanta. Ang ingay ng paligid ay tila nawala sa akin at doon lang ako nakapokus sa aking harap. Hindi ko nga alam kung humihinga pa ako noong mga oras na iyon.
"Pasalubong naman sa 'king nararamdaman..."
Nakita kong ngumiti si Roshan sa senyorito. Noon ko lang nakita ang ngiti na iyon sa kaniya na maging ang mga mata niya ay kumikinang. Ngumiti rin ang senyorito pabalik na namumula na ang magkabilang tenga. Mas humiyaw ang mga nasa paligid ngunit ako, nanatiling nakatayo roon na tila tuod, unti-unti ay pinipiga ang puso. Pinapangarap na sana ako na lang si senyorito at sa akin na lamang niya inaalay ang awitin na iyon.Natapos ang inaawit ni Roshan, nakita ko pa siyang tumingin sa paligid, tila may hinahanap. Kumunot ang noo niya bago bumaling ulit kay senyorito.
"Gusto kita," napasinghap ako nang sabihin niya iyon kay senyorito Nathan. "Wala na akong pakialam basta gusto kita."
Nanginig ang mga labi ko. Sumigaw sila na sagutin na siya ni senyorito, may ibang kababaihan na mas umiyak at para ngang gusto ko na rin makisabay sa kanila.
"Gusto rin kita, Roshan."
Nang sabihin iyon ni senyorito Nathan, may kamay na humawak sa ulo ko para pwersahan akong payukuin. Ngunit nang maamoy ko ang pamilyar na bango ni Esther, kumalma ako ng bahagya. Mas lumakas ang sigawan at naisip ko na baka nagyakapan na ang dalawa.
"Huwag mo nang tignan, Mik. Yumuko ka. Ilabas mo ang sakit. Huwag mong pigilan."
Nanlaki ang mga mata ko na nakatingin sa sahig nang marinig ang sinabi na iyon ni Esther. Maya-maya pa ay nanlabo na ang aking mga mata at sunod-sunod na pagtulo ng mga luha sa sahig na ang aking nakita. Masaya na si Roshan, wala nang mas importante pa sa akin. Kahit na sa dagat ng kasiyahan na iyon ay may isang puso ang nawasak at nagpaubaya.
Paalam sa ilang taong pagmamahal na aking iningatan.
BINABASA MO ANG
🌈 ISMS1: Dahan (BL) ✔
Teen FictionIstorya sa Musika Serye (NEW) #1: COMPLETED Inspired from December Avenue's Dahan BLURB: "Pinky promise?" "Pinky promise." Bata pa lang, magkasama na sina Roshan Ignacio at Miko Dela Cruz. Laging dikit at hindi na mapaghiwalay, kung kaya...