Pagkatapos kong maligo ay agad kong sinuot ang kulay abong roba bago ako lumabas ng banyo. Mabilis namang dumapo ang mga mata ko sa mga damit na malinis na nakatupi sa ibabaw ng kama. Kinuha ko ang mga 'yon at wala sa sariling napangiti. Namula yata ang pisngi ko nang makitang kumpleto 'yon kasama na ang undergarments. Bago rin ang mga 'yon dahil nakakabit pa ang mga tag nito.
Napailing-iling na lang ako habang natatawa't mabilis na nagbihis. Pinili kong suotin ang pants at printed tee shirt sa maulan na panahon. At ang mga damit na sinuot ko kanina ay itinupi ko saka inilagay sa paper bag. Balak ko na lang patuyuin ito pagkauwi ko sa 'king apartment.
Nang matapos ay saka ko nilibot ng tingin ang buong kwarto ni Caleb. Simple at malinis ang kabuuan ng kuwarto niya. May painting at gitara na nakasabit sa dingding at walang gaanong naka-display na mga gamit.
Siguro nga'y paminsan-minsan lang bumibisita si Caleb dito kaya gano'n.
Nang matapos ako sa pagpapatuyo ng buhok ko ay naisipan kong lumabas. Balak ko na sanang bumaba para hanapin si Caleb ngunit napahinto ako nang mapalingon ako sa isang bukas na kuwarto.
Gusto ko sanang balewalain ito subalit parang may kung anong mahika ang nagpupumilit sa 'kin na pumasok do'n. Ilang beses akong nakipagtalo sa isip ko kung magpapatuloy ba ako o babalewalain na lang ito sapagkat baka pagalitan ako kung sakali mang bawal pumunta ro'n. Pero dahil sa sobrang kuryosidad ko ay pikit mata akong naglakad patungo sa kuwartong 'yon.
Bahala na.
Tahimik kong itinulak ang pinto. Kinapa ko ang switch at nang bumukas ang mga ilaw ay umawang ang bibig ko sa nakita.
It was a small library.
Dati pa'y gustong-gusto kong magkaroon ng sariling library sa loob ng bahay. Mahilig kasi akong magbasa-basa at mangolekta ng iba't ibang libro. Kahit man lang maliit na library katulad nito ay sapat na para sa 'kin.
Nakangiti akong pumasok sa loob. Puno ang bawat bookshelves ng libro at mangha-mangha ako nang makakita ng iba't ibang paintings na nakasabit sa bawat pader. Buong akala ko nga'y maliit lang ang kuwarto ngunit nagkamali ako. Maluwag pala ito at may mga antigong bagay pa na naka-display.
Subalit dahil sa pagiging abala sa paglilibot ay bigla akong napasigaw sa takot nang may nakita akong nakaputi. Napapikit ako't nagtaasan ang mga balahibo sa katawan ko sapagkat nasa madilim na parte 'yon ng kuwarto. Napalunok ako nang malalim at kabadong nagmulat. Nang sulyapan ko ulit ang parteng 'yon ay nakita kong naro'n pa rin ito't hindi man lang gumagalaw sa kinatatayuan nito.
Jusko.
Nanginginig kong kinuha ang cellphone ko sa 'king bulsa at takot na inilawan ito. Naglakas loob akong tingnan ito at 'di kalaunan ay nagpigil ako ng tawa sa 'king sarili na makitang isang tela lang pala ito na nakatalukbong sa parisukat na bagay.
Nasapo ko aking noo at napabuga ng hangin.
Hay naku, Athena.
Nang maging normal ang aking paghinga ay hinanap ko ang switch at nang makita ito'y agad kong binuksan ang ilaw.
Nakagat ko ang aking pang-ibabang labi sa sobrang pagtataka. Sa lahat kasi ng bagay na narito ay ito lang ang tanging nakatalukbong dito. Huminga ako nang malalim, kunot-noo kong nilapitan ito at maingat na sinilip kung ano man ang bagay na nakatalukbong.
"Athena!"
Napatalon ako sa gulat nang marinig ko ang pagtawag ni Caleb sa pangalan ko kung kaya't nahila ko bigla ang puting tela at mabagal na bumungad sa 'king harapan ang kabuuan nito.
Unti-unting namilog ang mga mata ko nang mapagtanto ko kung ano at kung sino ang nasa painting...
Parang tinambol ang puso ko nang maramdaman ko ang marahang paghawak ni Caleb sa magkabilang balikat ko para iharap ako sa kaniya.
BINABASA MO ANG
You Got Me (Book 2)
RomanceThe Sequel. Pagkatapos ang mga nangyaring insidente ay piniling lumayo ni Athena sa buhay ni Caleb. Ngunit buong akala niya'y magiging maayos na ang lahat. Dahil ang hindi niya alam, may panibago na namang peligro ang naghihintay sa kaniya. Started...