Chapter 3: Chips

60 7 4
                                    

Bigla akong napamulat sa isang malakas na tili. Napabalikwas agad ako ng bangon at nakita ko si Chenie na nakayuko sa sahig habang pinupulot ang mga bubog nang nabasag niyang baso.

Napabalik ako sa pagkakahiga at noon ko lang napansin ang mabilis na tibok ng puso ko dahil sa naramdamang kaba. Huminga ako nang napakalalim at mahinang ibinuga ito.

"Naku, sorry, Athena! Nagising yata kita sa pagtili ko," winika ni Chenie at mabilis na naglakad papunta ng banyo. "Nagulat kasi ako nang dumulas sa kamay ko ang baso."

"Ayos lang, Chen." Umupo ako at sumandal sa headboard. Nilibot ko ang tingin sa kabuuan ng kwarto at kumunot ang noo ko. "Sila nanay?"

Lumabas siya at may kinuhang papel sa kaniyang bag saka niya ito ginamit para ipunin ang maliliit na bubog sa sahig. "Umuwi muna sila sa apartment mo. Ipagluluto ka raw nila ng mga paborito mong pagkain," nakangiti niyang sinabi at inilagay sa basurahan ang papel at saka siya bumalik sa banyo.

Napangiti rin ako at nagsimula akong maglaway habang ini-imagine ang paborito kong humba at menudo.

"Kumain ka muna. Sigurado akong gutom ka na," saad ni Chen. Inilagay niya sa harapan ko ang tray ng pagkain. Hindi ko tuloy naiwasang mahiya sa pag-aasikaso niya sa 'kin.

Napanguso ako. "Bakit ka ba nag-leave sa trabaho mo? Ayos lang naman ako, e."

Napa-ismid siya't umupo sa tabi ng kama ko. "E, kasi nga, alam kong kailangan ako rito nila Nanay Alma para bantayan ka."

"Salamat, a? Mahal mo talaga ako," nakanguso ko pa ring sinabi.

Saglit siyang ngumiti. "Psh. Tigil-tigilan mo ako sa mga ganiyan mo, Athena," nakangiwi na niyang sambit. "Dapat kasi nag-iingat ka. Pinag-alala mo kaya kaming lahat."

Nagbaba ako ng tingin sa pagkain. "Alam ko," tipid kong sabi.

Inis siyang lumingon sa 'kin. "Sabi ko naman kasi sa 'yo, e. Umalis ka na riyan sa IOSoft. Pero hindi ka naman nakinig, kaya 'yan... nagkatotoo ang sinabi ko sa 'yo."

Huminga ako nang malalim at nagsimulang kumain. "Alam mo ang dahilan kung bakit hindi ako umalis ng IOSoft."

Ngumiwi siya saka niya kinuha ang isang dalandan at sinimulan niyang balatan ito. "Ikuwento mo nga sa 'kin ang mga nangyari. Hindi ako kuntento sa nalaman ko ro'n sa sinabi ng sekretarya ng boss mo."

Naibaba ko ang kutsara sa 'king pinggan at sinulyapan siya. "Nagkausap kayo ni Ms. Sarah?"

Tumango siya at nagbalat ulit ng isa pang dalandan. "Marami ang pumunta rito noong unang araw kang nailipat dito sa kwarto mo. Mga katrabaho mo lang sa IOSoft, kasama na si Nick at 'yong si JJ," tamad niyang winika.

"Nakausap mo silang lahat?"

Umiling siya sa tanong ko. "Hindi. Tinanong ko lang ang mga pangalan nila kay Sarah. 'Tsaka, hindi naman sila nakapasok dito dahil pinagbawal ni Nanay Alma ang pagpasok ng mga bisita mo rito."

"A-Ano?" gulat kong reaksyon. "Pinagbawal ni n-nanay?"

Sunod-sunod siyang tumango. "Sabi ni Nanay Alma, papasukin niya lang ang mga bisita sa oras na magising ka na," simple niyang turan.

Naguluhan ako pero hindi ako tutol sa ginawa ni nanay. Napabuntong-hininga ako at muling kumain.

"Alam mo ba, 'yang boss mo... palagi siyang bumibisita rito. Hindi lang siya pumapasok dito dahil alam niyang bawal pero ilang beses ko na siyang nakitang kinakausap ang mga doktor tungkol sa kalagayan mo. 'Pag ako lang ang nagbabantay sa 'yo rito ay hinahayaan kong pumasok si Nick para magbigay ng bulaklak at pagkain na bigay ng boss mo."

You Got Me (Book 2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon